2022
Mga Patriarchal Blessing—Mga Kabatiran mula sa mga Propeta at Patriarch
Pebrero 2022


Digital Lamang

Mga Patriarchal Blessing—Mga Kabatiran mula sa mga Propeta at Patriarch

Alamin pa ang tungkol sa mga layunin at pangako ng mga patriarchal blessing.

dalaga na tumatanggap ng basbas

Larawang kuha ni Jeremy Hall

“Naaalala ko noong una akong nagbigay ng patriarchal blessing,” sabi ni Vyacheslav A. Protopopov, isang patriarch na nakatira sa Moscow, Russia. Siyempre nagnilay-nilay, nag-aral, at naghanda ako sa espirituwal. Kabado ako, pero nang dumating ang sandaling iyon, napuspos ng Espiritu ang silid at pinawi nito ang anumang pangamba o pagpipigil. Tinulungan ako ng Espiritu na marinig ang mga salitang pumasok sa puso ko.”

Tulad ni Brother Protopopov, ang mga patriarch sa buong Simbahan ay naghahayag ng angkan at nagbibigay ng mga patriarchal blessing sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag. Narito ang ilang turo mula sa mga propeta at apostol, pati na ang mga kaisipan mula sa apat na patriarch, tungkol sa pagtanggap at pagsunod sa sagradong pinagmumulan ng espirituwal na patnubay na ito.

Mga Personal na Mensahe mula sa Ama sa Langit

“Sa buong mundo, ang mararangal na patriarch ay espirituwal na naghahanda sa pagbibigay ng mga patriarchal blessing,” sabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Habang ipinapatong ng patriarch ang kanyang mga kamay sa inyong ulunan, nadarama at ipinapahayag niya ang pagmamahal ng Diyos para sa inyo. Binibigkas niya ang inyong angkan sa sambahayan ni Israel. Isinasaad niya ang mga pagpapala mula sa Panginoon.”1

Ibinahagi ni Patriarch Clayne A. Steed ng Alberta, Canada: “Muli’t muli, ako ay napapakumbaba sa pagkakaiba ng mga pagpapalang ibinibigay—ang mga salita, parirala, at pangungusap. Sa pamamagitan ng pahiwatig ng Espiritu Santo, ang mga ito ay nagiging mga impresyon, kaisipan, at salitang nabibigkas sa pamamagitan ko bilang tagapamagitan upang mapagpala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. Hindi ko mauunawaan nang lubos ang tunay na halaga ng sinasabi dahil hindi galing sa akin ang pagpapala—pagpapala ito ng Diyos sa Kanyang mga anak.

“Tulad ng maraming bagay ang magkakaiba sa atin at sa ating kapwa sa ating pagkatao at mga karanasan, ang ating patriarchal blessing ay personal din,” sabi ni Emile E. Bailly ng Loiret, France. “Bawat isa sa mga anak ng ating Ama sa Langit ay malalaman, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng paghahayag, na ang pagpapalang ito ay nagmumula sa Diyos para sa kanya mismo.”

“Ang inyong patriarchal blessing ay sa inyo at sa inyo lamang,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018). “Maaaring ito ay maikli o mahaba, simple o malalim. Ang haba at mga salitang ginamit ay hindi mahalaga sa patriarchal blessing. Ang Espiritu ang naghahatid ng totoong kahulugan nito.”2

Ang Papel na Ginagampanan Natin sa mga Ipinangakong Pagpapala

Ipinaalala sa atin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “sa pamamagitan man ng lahi o pagkaampon,” tayo ay “karapat-dapat na mga tagapagmana sa mga pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham. Tayo ang binhi ni Abraham. Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit tumatanggap tayo ng patriarchal blessing ay upang matulungan tayong mas lubos na maunawaan kung sino tayo bilang mga inapo ni Abraham at malaman ang responsibilidad na nakaatang sa atin.”3 Ang ating mga patriarchal blessing ay makatutulong sa atin na matukoy kapwa ang gawain at ang mga pagpapalang inihanda ng Ama sa Langit para sa atin sa pamamagitan ng ating kabutihan.

“Ang patriarchal blessing ay tumutulong sa atin na lumago sa pananampalataya at patotoo, madaig ang mga pagsubok, at maging masaya,” sabi ni Brother Protopopov. “Kapag pinag-aaralan natin ang pagpapala, mas marami ang ihahayag sa atin sa pamamagitan ng inspirasyon, ng ating hangarin na maging matwid, at ng pagsisikap nating sundin ang mga tuntunin at turo ng mga buhay na propeta. Kung regular nating pag-aaralan ang ating pagpapala, tutulungan tayo nitong mas mapalapit kay Jesucristo at makita at mapahalagahan ang kabutihan sa ating mga karanasan sa mundo.”

“Ang kalayaang pumili ay isang banal na kaloob,” sabi ni Brother Steed. “Kapag matalino nating ginamit ang kaloob na iyon sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting pagpili, paulit-ulit na nagiging realidad ang posibilidad habang pinagpapala ng Panginoon ang bawat isa sa atin. Hindi ipinipilit ng Panginoon ang mga pagpapala sa Kanyang mga anak. Dapat tayong kumilos nang may kabutihan at sumunod upang matamo ang mga ipinangakong pagpapala.”

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang inyong patriarchal blessing … [ay] tutulungan kayong maunawaan ang inyong potensyal sa hinaharap. Literal na makukuha ninyo sa Panginoon ang katuparan ng mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng inyong katapatan.”4

Isang Walang-Hanggang Pananaw

“Sana mas maraming tao ang nakauunawa na ang inyong patriarchal blessing ay hindi lamang para sa buhay na ito kundi para din sa kawalang-hanggan,” sabi ni Keith L. Stapleton ng Georgia, USA. “Tandaan na kilala tayo ng Ama sa Langit mula sa simula pa lamang. Tayo ay Kanyang mga anak. Alam Niya ang lahat ng bagay tungkol sa atin mula sa panahong iyon hanggang sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Samakatwid, ang ating patriarchal blessing ay maaaring angkop sa anumang bahagi ng ating buhay.”

“Kung minsan ay mag-aalala ang iba dahil hindi pa natutupad ang pangako sa basbas ng patriarch,” pagtuturo ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), dating Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Halimbawa, maaaring ipahiwatig ng isang basbas na mag-aasawa ang miyembro, at wala silang makitang mapapangasawa. Hindi ibig sabihin nito na ang basbas ay hindi matutupad. Mabuting malaman na nangyayari ang mga bagay-bagay sa panahong itinakda ng Panginoon, hindi laging sa atin. Ang mga bagay na walang-hanggan ay walang hangganan. Mula sa buhay bago isilang hanggang sa kabilang-buhay, ang buhay natin ay walang hanggan.”5

Ibinahagi rin ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), dating Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “ang patriarchal blessing ay isang sagradong gabay ng mga payo, pangako, at impormasyon mula sa Panginoon. Gayunman, hindi dapat asahan ng isang tao na idedetalye ng basbas ang lahat ng mangyayari sa kanya, o na magiging sagot ito sa lahat ng katanungan niya. Ang kawalan ng pagpapala ng isang malaking kaganapan sa buhay tulad ng misyon o kasal ay hindi nangangahulugan na hindi ito mangyayari. Ang sarili kong basbas ay maikli at mapupuno marahil ang tatlong-kapat lamang ng isang pahina, subalit ito ay lubos na sapat at perpekto para sa akin.” Sinabi rin ni Pangulong Faust na “ang mga patriarchal blessing ay dapat basahin nang may pagpapakumbaba at nang mapanalangin at madalas.”6

“Ang ating espirituwalidad ay patuloy na nagbabago para sa higit na kabutihan ayon sa ating mga pagsisikap,” sabi ni Brother Bailly. “Kaya makabubuting basahin nang paulit-ulit ang ating patriarchal blessing, dahil ang mga bagong impresyon at damdamin at karagdagang pang-unawa ay matatanggap natin para sa ating ikatitibay. Hindi tumitigil ang Ama sa Langit sa pagnanais na matanggap ng bawat isa sa atin ang lahat ng kabutihang maaari nating tanggapin. Lahat ng bagay na ito ay darating sa tamang panahon, kapag handa na tayo para sa mga ito, sa buhay man na ito o pagkatapos.”

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Pagiging Kabilang sa Tipan,” Liahona, Nob. 2019, 82.

  2. Thomas S. Monson, “Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light,” Ensign, Nob. 1986, 66

  3. David A. Bednar, “Pagiging Misyonero,” Liahona, Nob. 2005, 47.

  4. Russell M. Nelson, “Thanks for the Covenant” (debosyonal sa Brigham Young University, Nob. 22, 1988), 5, speeches.byu.edu.

  5. Boyd K. Packer, “Ang Stake Patriarch,” Liahona, Okt. 2002, 45.

  6. Faust, “Patriarchal Blessings,” (debosyonal sa Brigham Young University, Mar. 30, 1980), speeches.byu.edu.