Para sa mga Magulang
Pagtuturo tungkol sa mga Pangako ng Diyos
Minamahal Naming mga Magulang,
Bawat isa sa atin ay mas mapapalapit sa Diyos kapag nakikipagtipan tayo sa Kanya. Ang isyu sa buwang ito ay makatutulong sa inyo na ituro sa inyong mga anak ang tungkol sa mga tipang ginawa ng Diyos sa Kanyang mga tao noong unang panahon at gayundin sa mga tipang ginagawa natin sa Kanya ngayon. Ang mga ideya sa ibaba ay makatutulong sa inyo na makipagtalakayan sa inyong mga anak tungkol sa mga tipan at pananatiling matatag sa mahihirap na panahon.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Pagiging Pinagtipanang mga Tao
Para maituro ang mga ideya sa “Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo” sa pahina 10, maaari kang magdrowing ng landas patungo sa langit. Ilagay ang mga marker sa landas na kumakatawan sa mahahalagang ordenansa, tulad ng binyag, at mga kaugnay na tipan na ginagawa natin. Ano ang magagawa ng inyong mga anak upang makapaghanda para sa kanilang susunod na ordenansa? Paano tayo inihahanda ng pagtupad sa mga tipang ginawa na natin sa paggawa ng mga karagdagang tipan? Paano tayo tinutulungan ng ating mga pangako sa Diyos na manatiling malapit sa Kanya?
Maaari ka ring magbahagi ng mga alituntunin mula sa artikulo ni Elder Neil L. Andersen sa pahina 6. Anong mga pagpapala at responsibilidad ang nagmumula sa pagiging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Diyos?
Pagharap sa mga Hamon nang may Pananampalataya
Basahin ang ilang sipi mula sa artikulo tungkol sa pagkakaroon ng katatagan (pahina 16). Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng isang pagkakataon na pinagpala sila dahil sa pagtitiyaga sa isang bagay na mahirap. Pagkatapos ay talakayin ang mga tanong na ito: Paano ka tinulungan ng Diyos sa mahirap na panahong iyon? Ano ang matututuhan natin mula sa artikulong ito na makatutulong sa atin na sumulong kapag nahihirapan tayo, nagkakamali, o nabibigo? Ano pa ang magagawa natin para makapaghanda bilang pamilya sa mga hamon na maaaring dumating?
Maaari din ninyong basahin ang artikulo ni Elder Ojediran sa pahina 42 para malaman kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “bagbag na puso” (3 Nephi 9:20). Paano tayo natutulungan ng pagpapakumbaba na madaig ang ating mga pagsubok?
Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tingnan sa mga pahina 46–48 para malaman ang iba pa tungkol sa arka ni Noe at iba pang materyal para suportahan ang lingguhang pag-aaral ng inyong pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Ikapu ay Nagdudulot ng Pasasalamat
Sa Genesis 14:20, mababasa natin na nagbayad si Abraham ng ikapu. Itinuro ni Elder David A. Bednar na ang mga espirituwal na pagpapala ay “ibinubuhos sa ating buhay mula sa mga dungawan sa langit kapag sinusunod natin ang batas ng ikapu” (“Ang mga Dungawan sa Langit,” Liahona, Nob. 2013, 18).
-
Bilang pamilya, talakayin ang mga pagpapalang nakita mo sa pagsunod sa batas ng ikapu.
-
Ipasulat sa isang tao ang mga pagpapala.
-
Sama-samang pag-usapang muli ang listahan at talakayin ang ilan sa mga paraan na mas pinabubuti ng mga pagpapalang ito ang inyong buhay.
Itinuro rin ni Elder Bednar na “ang hindi napapansin ngunit mahalagang pagpapala na natatanggap natin [kapag sinusunod natin ang batas ng ikapu] ay ang espirituwal na kaloob na pasasalamat sa kung ano ang mayroon tayo. … Ang mapagpasalamat na tao ay nakukuntento na” (“Ang mga Dungawan sa Langit,” 18). Paano nakita ng inyong pamilya ang pasasalamat bilang biyaya ng pagbabayad ng ikapu?
Mga Hayop ni Noe—20 Tanong
Nagbigay ang Panginoon kay Noe ng mga partikular na tagubilin para ihanda siya at ang kanyang pamilya sa parating na baha. “At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon” (Genesis 7:5). Kahit na walang katibayan ng ulan, nakinig si Noe at tinipon ang mga hayop papasok sa arka.
-
Ikuwento nang maikli ang tungkol kay Noe at sa arka (tingnan sa Genesis 6-8). Talakayin kung paano inutusan si Noe na tulungan ang mga hayop na makapasok sa arka (tingnan sa Genesis 6:20; 7:14).
-
Magbanggit ng iba’t ibang uri ng hayop na maaaring dinala ni Noe sa arka.
-
Pagkatapos ay laruin ang 20 tanong kasama ang inyong pamilya. Sabihin sa isang tao na mag-isip ng isang hayop na nasa arka. Maghahalinhinan ang lahat sa pagtatanong ng mga tanong na nasasagot ng oo o hindi para sumubok at hulaan ang hayop.
-
Patuloy na magtanong hanggang sa mahulaan nang tama ng isang tao ang hayop o hanggang sa maitanong ang 20 tanong.
-
Ulitin ang laro hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na makapag-isip ng isang hayop.
Talakayan: Ano ang ilang paraan na kumilos si Noe nang may pananampalataya? Ano ang ilang bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon? Paano tayo mapagpapala bilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ni Jesucristo?