Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 3
Pagpapanatili ng Pananampalataya sa Panahon ng Digmaan
Si Nellie Middleton, isang limampu‘t limang taong gulang na Banal sa mga Huling Araw, ay nakatira sa Cheltenham kasama ang kanyang anim-na-taong-gulang na anak na si Jennifer. Para maihanda ang kanyang tahanan laban sa mga pambobomba, ginamit niya ang kanyang kaunting sahod bilang mananahi para magawang kanlungan ang isang bahagi sa kanyang basement, kumpleto sa pagkain, tubig, langis, at isang maliit na kamang yari sa bakal para kay Jennifer. Sa pagsunod sa mga tagubilin ng pamahalaan, tinakpan din ni Nellie ang kanyang mga bintana ng lambat para masalo nito ang mga piraso ng basag na salamin sakaling may pagsalakay.1
Ngayon, sa buong Cheltenham, ang tunog ng mga bomba ay dinig sa hangin at ang pagbagsak nito sa lupa na napakalakas na pagsabog. Ang nakakatakot na ingay ay lalo pang lumapit sa tahanan ni Nellie hanggang sa isang malaking pagsabog sa kalapit na kalsada ang nagpayanig sa kanyang mga dingding, at nabasag ang mga bintana at napuno ang lambat ng matatalim na basag na salamin.
Kinaumagahan, ang mga kalye ng lungsod ay puno ng mga guho. Napatay ng mga bomba ang dalawampu’t tatlong tao at nag-iwan ng mahigit anim na raang katao na nawalan ng tahanan.2
Ginawa ni Nellie at ng iba pang mga Banal na Cheltenham ang lahat ng kanilang makakaya para manatiling ligtas matapos ang pagsalakay. Nang lisanin ng British Mission president na si Hugh B. Brown at ng iba pang mga Missionary na taga-North America ang bansa halos isang taon na ang nakalipas, ang maliit na branch at iba pang katulad nito ay nahirapang gampanan ang mga tungkulin at patakbuhin ang mga programa ng Simbahan. Pagkatapos ay umalis ang mga lokal na kalalakihan upang makidigma, at wala nang mayhawak ng priesthood na magbabasbas ng sakramento o pormal na mangangasiwa sa mga gawain ng branch. Hindi nagtagal, napilitang buwagin ang branch.
Isang matandang lalaking nagngangalang Arthur Fletcher, na mayhawak noon ng Melchizedek Priesthood, ang nakatira mga dalawampung milya ang layo, at ginamit ang kanyang makalawang na bisikleta para bisitahin ang mga Banal sa Cheltenham tuwing makakaya niya. Pero kadalasan, si Nellie, ang dating Relief Society president sa Cheltenham Branch, ang umako sa responsibilidad ukol sa espirituwal at temporal na kapakanan ng mga Banal sa kanyang lugar. Dahil sarado ang branch, hindi na makapagtipon ang mga miyembro ng Simbahan sa inupahang bulwagan na ginamit nila tuwing Linggo, kaya ang sala ni Nellie ang naging lugar kung saan nanalangin, umawit, at nag-aral ang Relief Society.3
Isang tahimik na gabi ng Nobyembre noong 1943, narinig ni Nellie Middleton na tumunog ang kanyang doorbell. Madilim sa labas, pero alam niyang hindi dapat sindihan ang ilaw kapag binuksan niya ang pinto. Halos tatlong taon na ang lumipas mula nang unang bumagsak ang mga bomba ng mga German malapit sa kanyang tahanan, at patuloy na pinadilim ni Nellie ang kanyang mga bintana sa gabi para manatili siyang ligtas at ang kanyang anak na babae mula sa mga air raid o pagsalakay mula sa himpapawid.
Binuksan ni Nellie ang pinto habang nakapatay ang kanyang mga ilaw. Isang binatilyo ang nakatayo sa harapan ng kanyang pinto, ang kanyang mukha ay hindi maaninag. Iniabot niya ang kanyang kamay at tahimik na ipinakilala ang kanyang sarili bilang si Brother Ray Hermansen. Ang kanyang punto ay hindi maikakailang Amerikano.4
Parang may bumara sa lalamunan ni Nellie. Matapos mabuwag ang kanilang branch, siya at ang iba pang kababaihan sa Cheltenham ay nagnais na makibahagi ng sakramento nang mas regular. Nagpadala kamakailan ang Estados Unidos ng mga kawal sa England upang maghanda para sa isang Allied offensive laban sa Nazi Germany. Nang maisip ni Nellie na ang ilan sa mga sundalong Amerikano na nakadestino sa kanyang bayan ay maaaring mga Banal sa mga Huling Araw na maaaring magbasbas ng sakramento, hiniling niya sa kanyang stepsister, na si Margaret, na magpinta ng larawan ng Salt Lake Temple at ilagay ito sa bayan. Sa ilalim ng larawan ay mayroong mensahe: “Kung interesado ang sinumang sundalo sa nasa itaas, siya ay mainit na tatanggapin sa 13 Saint Paul’s Road.”5
Nakita ba ng Amerikano na ito ang kanyang poster? May awtoridad ba siyang basbasan ang sakramento? Kinamayan siya ni Nellie at malugod siyang tinanggap sa loob.
Si Ray ay dalawampung taong gulang na sundalong Banal sa mga Huling Araw mula sa Utah at isang priest sa Aaronic Priesthood. Bagama’t sampung milya ang layo ng kanyang destino, narinig niya ang tungkol sa Salt Lake Temple na ipininta mula sa isa pang miyembro ng Simbahan at nagpaalam para bisitahin ang address. Naglakad siya papunta sa bahay ni Nellie, na siyang dahilan kung bakit madilim na nang siya ay makarating. Nang sabihin sa kanya ni Nellie ang tungkol sa hangarin niyang makibahagi ng sakramento, tinanong niya ito kung kailan siya maaaring magbalik para maisagawa ang ordenansa para sa kanya.
Noong Nobyembre 21, si Nellie, ang kanyang anak na babae, at tatlo pang kababaihan ay malugod na tinanggap si Ray sa kanilang pulong sa araw ng Linggo. Binuksan ni Nellie ang pulong sa panalangin bago inawit ng grupo ang “Dakilang Karunungan at ang Pag-ibig.” Pagkatapos ay binasbasan at ipinasa ni Ray ang sakramento, at lahat ng apat na babae ay nagpatotoo tungkol sa ebanghelyo.
Hindi nagtagal, narinig ng iba pang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw ang tungkol sa mga pulong sa Saint Paul’s Road. May mga Linggo na puno ng tao ang sala ni Nellie kaya kailangang umupo ang mga tao sa hagdanan.6
Kapag nailathala ang tomo 3, isang kumpletong listahan ng mga gawang binanggit ang magiging available sa saints.ChurchofJesusChrist.org.