2022
Ministering ang Nagpabalik sa Akin
Pebrero 2022


Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Ministering ang Nagpabalik sa Akin

Ang pagbalik sa simbahan ay nagbigay sa akin ng kapayapaan at ipinakita sa akin kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay.

pamilyang sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Larawang kuha ni Leslie Nilsson

Ang home teacher kong si Val Riggs ang bishop namin at kalaunan ay naging aming stake president. Pinamahalaan niya ang lokal na institute of religion. Handa na siyang magretiro at bumalik sa kanyang tahanan sa Utah, USA, pero sinabi niya sa akin na hindi siya aalis hanggang sa makasal ako sa templo.

“Hindi na po kayo makakaalis dito,” sabi ko sa kanya. “Hindi ko po alam kung mangyayari iyon.”

“Oo, mangyayari iyon,” sagot niya.

Nagtiwala siya sa akin at hindi niya ako kailanman sinukuan. Tumatawag pa nga siya habang nagtatrabaho ako. Sasabihin ko, “President, naka-live ako sa radyo!” At sasabihin niya, “Gumagawa ng cookies ang asawa ko. Pupunta kami sa bahay mo ngayong gabi!”

Nanatili siya sa Baton Rouge sa buong pagbabalik ko sa simbahan at binantayan ang aking espirituwal na pag-unlad. Nang tumama ang recession noong 2008, siya ang unang taong tinawag ko.

“President Riggs,” sabi ko, “Nawalan ako ng trabaho sa istasyon ng radyo!”

“Ayos!” sagot niya.

“Ayos?” sabi ko.

“Magiging ayos ka,” sabi niya sa akin.

Nang tawagan ko ang visiting teacher ko, sinabi rin niya, “Maganda!”

Bakit sabik sila na nawalan ako ng trabaho? Dahil tuwing kakausapin nila ako, naririnig nila ang aking paghihirap. Ang isang paa ko ay nasa Simbahan at ang isang paa ay nasa mundo. Ang pagkawala ng trabaho ko ay naging malaking pagpapala. Tinulungan ako nitong mailagay ang dalawang paa ko sa Simbahan.

Hindi ako aktibo noon. Nagkaroon ako ng mapang-abusong relasyon. Talagang mahirap ito para sa isang young adult. Ipinagdarasal ko ang buhay ko at sinisikap kong kumapit.

Sasabihin ng mga tao, “Ah, nakikilala mo ang mga artista, nakakapaglakbay ka, nagagawa mo ito, nagagawa mo iyan.” Pero hindi iyon kapayapaan. Hindi iyon tagumpay.

Ang kapayapaan ng Tagapagligtas ay hindi katulad ng iba. Ang pagbabalik sa simbahan ang nagbigay sa akin ng kapayapaan. Ang pag-aasawa sa templo ay tagumpay. Ang pagkakaroon ng walang-hanggang pamilya ang magandang buhay.

Ang Plano ng Panginoon

Kapag may plano ang Panginoon, may plano Siya, bagama’t maaaring hindi ito ang iyong plano. Nang mawalan ako ng trabaho, nagsimulang mamulat ang mga mata ko at nagbago ang mga bagay-bagay para sa akin. Nanatili si President Riggs, at binantayan niya ang aking pag-unlad. Talagang malakas ang aking patotoo tungkol sa ministering. Mahalagang huwag sumuko sa isang tao. Ang ministering ang nagpabalik sa akin.

Nakilala ko ang asawa kong si Dustin sa isang Gladys Knight event nang dumating ito kasama ng kanyang koro. Siya at ang kanyang mga magulang ang pinakamagagandang halimbawa sa akin. Tinulungan nila akong magkaroon ng mas malakas na patotoo, at tinulungan ako ng aking biyenan na mahubog sa kung sino ako ngayon. Siya at ang nanay ko ang mga bato ko. Tama si Pangulong Riggs: naikasal nga ako sa templo—noong 2009 sa Baton Rouge Louisiana Temple.

Ngayo’y pinangangasiwaan ko ang sarili kong nonprofit organization para sa mga batang babae. Naging Young Women president ako, at dala ko ang mga kasangkapan at istruktura at lahat ng natututuhan natin sa simbahan sa aking organisasyon. Hinahayaan kong mamuno at gumabay ang Panginoon.

Naaalala ko ang aking sarili noong bata pa ako kasama ang mga batang babae sa aking organisasyon—nagsisikap na matagpuan ang landas ng buhay nila. Sila ay mga matalino, talentado, at medyo hindi pa masyadong pino. Talagang nakauugnay ako sa kanila. Nauunawaan ko ang mga bagay na sinasabi nila. Kaya siguro nagtatrabaho ako sa industriya ng hip-hop.

Taun-taon ginagawa namin ang isa sa pinakamalalaking youth conference sa aming lugar para sa mga batang babae. Nagdadala kami ng mga speaker, at ginagamit ko ang aking mga koneksyon upang magsama ng mga kilalang tao. Mahigit 800 batang babae ang dumadalo. Mayroon kaming nagbibigay-inspirasyong mga lesson, at minamahal at ginagabayan namin ang mga batang babae sa paggawa ng mga responsableng pagpili.

Sinisikap kong gabayan ang mga dalagitang ito nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Alam ko ang mga hamon na kinakaharap nila. Sama-sama kaming nagtatawanan, umiiyak, at naglilingkod sa komunidad. Nagbabahagi ako ng mga kuwento tungkol sa buhay ko.

“Huwag ninyong gawin ang mga pagkakamaling nagawa ko,” sabi ko sa kanila. “Alam ko ang pinagdaraanan ninyo, ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya, panalangin, pagmamahal, at espirituwal na patnubay, madaraig ninyo ang sanlibutan.”