Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo
Iniuugnay Tayo ng mga Tipan sa Diyos
Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay nagdudulot ng mga pagpapala.
Ang tipan ay isang pangako sa pagitan ng Ama sa Langit at ng Kanyang mga anak. Siya ang nagtatakda ng mga kondisyon para sa mga tipang ginagawa natin sa Kanya. Kapag ginagawa natin ang ipinagagawa Niya, tumatanggap tayo ng maraming pagpapala. At hindi lang tayo nakatatanggap ng mga pagpapala sa lupa—kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan, makababalik tayo sa piling ng Diyos at ng ating pamilya sa langit balang-araw.
Mga Tipan at mga Ordenansa
Gumagawa tayo ng mga tipan habang idinaraos ang ilang ordenansa. Kailangan nating matanggap ang mga ordenansang iyon at sundin ang mga tipang iyon upang makapiling muli ang Diyos. Ang mga ordenansang ito ay isinasagawa ng awtoridad ng priesthood. Kabilang sa mga ordenansang iyon ang binyag at kumpirmasyon, pagtanggap ng Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), at ang mga ordenansang natatanggap natin sa templo. Sa oras ng sakramento, pinaninibago ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pangakong ginawa nila sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).
Tinutulungan Tayo ng mga Tipan na Mamuhay nang Matwid
Sa binyag, nangangako tayong susundin si Jesucristo, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang mga kautusan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37). Nangangako ang Diyos na palaging mapapasaatin ang Espiritu Santo.
Kapag tinatanggap ng kalalakihan ang priesthood, nangangako silang mamumuhay nang karapat-dapat sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos. Nangangako ang Diyos na pagpapalain sila. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:33–40.)
Mga Tipang Ginagawa Natin sa Templo
Kapag tinatanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang endowment sa templo, nangangako silang mamumuhay nang matwid at magsasakripisyo para sa ebanghelyo. Sila ay pinapangakuan ng kapangyarihan mula sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32; 109:22).
Sa pagbubuklod sa templo, ang mag-asawa ay ikinakasal para sa kawalang-hanggan at nangangakong magiging tapat sa isa’t isa at sa Diyos. Nangangako ang Diyos na makababalik sila sa Kanya at mabubuhay bilang mga pamilya magpakailanman. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:19–20.
Tayo ay Pinagtipanang mga Tao
Ang mga sumasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagiging mga pinagtipanang tao ng Diyos. Namamana rin nila ang mga pagpapala at responsibilidad ng tipang Abraham (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:27–29). Ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Diyos ay nagtutulungan tayo habang mas napapalapit tayo kay Cristo. Nangangahulugan din ito na sinisikap nating palakasin ang Simbahan ng Diyos sa lupa. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, magkakaroon tayo ng kapangyarihan at lakas mula sa Diyos.