2022
Paano Magiging “Bahay ng Pag-aaral” ang Templo para sa Iyo
Pebrero 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Magiging “Bahay ng Pag-aaral” ang Templo para sa Iyo

Madalas tayong payuhan na matuto sa templo, ngunit paano natin magagawa iyon?

babaeng naglalakad sa harap ng templo

“Hindi mo mauunawaan ang lahat sa unang pagkakataon, ngunit palaging bumalik sa templo at patuloy na matuto habambuhay.”

Ibinigay sa akin ng bishop ko ang payong ito bago ko natanggap ang aking endowment, at tama siya! Hinding-hindi ko malilimutan ang Espiritu at ang pagmamahal na nadama ko sa templo, pero pagkatapos niyon, agad kong nalimutan ito, at hindi ako sigurado kung paano ipamumuhay ang lahat ng natutuhan ko.

Dahil diyan ginusto kong bumalik nang paulit-ulit para patuloy na matuto pa.

Itinuro ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga templo ang pinakadakilang pamantasan ng pagkatuto na alam ng tao.”1

Ngunit paano tayo matututo sa templo?

Magkakaiba ang mga paraan ng ating pagkatuto, kaya sa paghahangad natin ng paghahayag, matuturuan tayo ng Espiritu Santo nang paisa-isa at magagawang “bahay ng pag-aaral” ang templo para sa bawat isa sa atin (Doktrina at mga Tipan 109:8).

Narito ang ilang karanasan na nagpakita sa akin kung gaano maaaring maging personal ang pagkatuto sa bahay ng Panginoon.

Maaari Tayong Maghandang Matuto Bago pa Magsimula

Ang paghahanda sa templo ay hindi lamang isang klaseng dinadaluhan natin bago matanggap ang ating endowment. Lagi nating maihahanda ang ating sarili na matuto bago ang bawat pagbisita.

Nais ng Ama sa Langit na tayo ay matuto at maghanap ng mga sagot. Maaari tayong humingi ng tulong sa panalangin, maaari nating saliksikin ang mga banal na kasulatan, at maaari pa tayong mag-ayuno o gumawa ng gawain sa family history bago tayo bumisita sa templo para mas mabuksan ang ating puso sa kaalamang matatagpuan doon. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Maaari[ng] … magbasa sa Lumang Tipan at mga aklat nina Moises at Abraham sa Mahalagang Perlas. Ang pagbabasang ito ng sinaunang banal na kasulatan ay higit na malinaw matapos maging pamilyar ang isang tao sa endowment sa templo.”2

Bago ang bawat pagbisita sa templo, sinisikap kong magkaroon ng tanong tungkol sa ebanghelyo, tungkol sa buhay ko, o tungkol sa mga ordenansa, at hinihiling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong makilala ang tinig ng Espiritu upang maunawaan ang nais Niyang ituro sa akin. Ang paghahanda bago pumunta sa templo ay palaging tumutulong sa akin na maanyayahan ang diwa ng pagkatuto sa templo. At kapag iwinaksi natin ang mga bagay ng mundo sa loob ng templo at hinangad na pakinggan Siya, mabubuksan natin ang ating puso sa Espiritu at matututo sa anumang paraan na nais Niyang turuan tayo.

Makahahanap Tayo ng Personal na mga Sagot

Noong magpapakasal na ako, nag-alala ako. Tumatawa pa rin ang pamilya ko sa kung paanong paulit-ulit kong tinapik ang aking tuhod (isang kaugalian ko kapag kabado ako) habang nagsasalita sa amin ang temple sealer. Hindi ako natatakot na pakasalan ang asawa ko—mahal ko siya! Pero nag-alala ako tungkol sa hinaharap dahil gumagawa ako ng napakahalagang tipan. Tahimik akong nagdasal nang pumasok ako sa templo upang malaman kung ano ang magagawa ko para mapanatiling matatag ang aming pagsasama sa isang mundong patuloy na gumugulo.

Makalipas ang ilang sandali, sinabi ng temple sealer sa asawa ko at sa akin na alalahanin na ang bawat ordenansa sa templo ay nagtuturo sa atin kay Jesucristo. Tinulungan ako ng Espiritu na matukoy ang mensaheng ito bilang sagot mula sa Ama sa Langit, at ang mga salita ng temple sealer ay nagpalalim sa aking patotoo na kapag palagi kaming bumabaling ng aking asawa sa Tagapagligtas, lalo na sa pamamagitan ng gawain sa templo, mapalalakas namin ang aming pagsasama sa kawalang-hanggan.

Ipinaalala sa akin ng karanasang ito na may malasakit ang Ama sa Langit sa mga tanong sa ating puso at makapagbibigay Siya ng nakapapanatag na karunungan sa atin sa personal na paraan sa templo. Tulad ng itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): Kapag nabibigatan ako sa isang problema o suliranin, nagpupunta ako sa Bahay ng Panginoon na may panalangin sa puso ko na makatanggap ng mga sagot. Ang mga sagot na ito ay dumating sa malinaw at hindi mapag-aalinlanganang mga paraan.”3

Maaari Tayong Matuto sa Maraming Paraan

Sa pagbisita sa templo sa isang abalang panahon sa buhay ko, nasa ibang dako ang aking isipan, at nagmamadali akong gawin ang mga ordenansa at gawin na ang iba kong dapat gawin. Ngunit isang mabait na temple worker ang tahimik na nagmungkahi na kapag nagbagal tayo at isinaalang-alang ang sagradong gawaing ginagawa natin, madarama natin nang husto ang Espiritu na namamalagi sa bahay lamang ng Panginoon. Naniniwala ako na nahikayat ang temple worker na tulungan akong maunawaan ang isang katotohanan. At naalala ko kung paano tayo makatatanggap ng kaalaman mula sa napakaraming iba’t ibang tao at bagay sa loob ng templo. Nakatanggap ako ng paghahayag sa templo sa pamamagitan ng tahimik na pagdarasal, pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan sa mga lugar ng paghihintay, pagninilay-nilay sa mga salita ng mga ordenansa, at, oo, maging sa pakikipag-usap sa mga inspiradong temple worker.

Habang natututo tayo sa templo, maaari tayong makatanggap ng dagdag na pang-unawa sa mga ordenansa at tipan, mas malalim na patotoo, pahiwatig, damdamin ng kapanatagan, at iba pa. Nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng personal na mga karanasan sa pagkatuto sa templo at maging bukas sa maraming paraan na makatatanggap tayo ng kaalaman sa Kanyang bahay.

Pagpapalain Tayo Kapag Inuna Natin ang Templo

Napakarami ko pang dapat matutuhan tungkol sa mga ordenansa sa templo at sa kapangyarihang nagmumula sa pagtupad sa aking mga tipan. Ngunit lubos akong nagpapasalamat na makapagpapatuloy ako sa pag-aaral sa buong buhay ko.

Kapag inuna natin ang ating oras sa templo at nag-ukol ng mga sandali para pagnilayan ang ating mga tipan, mabubuksan sa atin ang pintuan sa kaalaman na makatutulong sa atin na manatili sa landas patungo kay Cristo. Totoo iyan sa akin sa pagbalik ko nang paulit-ulit para matuto sa paraan ng Panginoon sa Kanyang banal na bahay.

Mga Tala

  1. Robert D. Hales, “Temple Blessings” (debosyonal sa Brigham Young University, Nob. 15, 2005), 4, speeches.byu.edu.

  2. Russell M. Nelson, “Personal Preparation for Temple Blessings,” Ensign, Mayo 2001, 33–34; binigyang-diin sa orihinal.

  3. Ezra Taft Benson, “What I Hope You Will Teach Your Children about the Temple,” Ensign, Ago. 1985, 8.