Pagiging Pinagtipanang Tao sa Kalipunan ng mga Pinagtipanang Tao
Nagbabago tayo kapag tinatanggap at tinutupad natin ang mga tipang ibinibigay ng Diyos sa bawat isa sa Kanyang mga anak.
Nakilala ko si Regis Carlus sa unang pagkakataon noong 1995 sa France. Hindi siya miyembro ng Simbahan. Ang kanyang anak na si Charlotte ay ibubuklod noon sa Bern Switzerland Temple kinabukasan, at sumulat siya, at nagtanong kung maaari siyang pumunta sa aking opisina para makipagkita sa akin. Narinig niya na madalas akong magtanong tungkol sa kanya, at nagtataka siya kung bakit.
Kilala at hinangaan ko ang kanyang dalawang anak na young adult, sina Charlotte at Morgan, na nabinyagan ilang taon bago ang pangyayaring iyon noong 1991 habang naglilingkod ako bilang pangulo ng France Bordeaux Mission. Matapos makilala sina Charlotte at Morgan, kami ng asawa kong si Kathy ay namangha sa kanilang kabutihan.
Kamakailan ay isinulat sa akin ni Morgan ang tungkol sa kanyang binyag at paggawa ng mga tipan, na nagsasabing: “Bago [ko natagpuan ang ebanghelyo], ako ay isang 18-taong-gulang na ateista, na naghahangad ng tunay na kaligayahan pero hindi ko alam kung saan ito matatagpuan. Naantig nang husto ng Espiritu Santo ang puso ko kaya ayaw kong biguin ang aking Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Kaya tinupad ko ang aking mga tipan sa binyag at sa templo at nagsikap na maging isang taong tumutupad sa mga tipang iyon.”1
Para kay Charlotte, ang desisyon niyang mamuhay ayon sa batas ng Diyos ay nagsimula bago pa man siya sumapi sa Simbahan. Makalipas ang maraming taon, sinabi sa akin ng kanyang anak na si Amélie na noong tinedyer pa si Charlotte, “nadama niyang naiiba siya sa kanyang mga kaibigan. Ang mga kaibigan niya ay umiinom ng alak, naninigarilyo, at hindi sinusunod ang batas ng kalinisang-puri, pero hindi nakadama si Charlotte ng hangaring gawin ang alinman sa mga bagay na ito.”
Anuman ang kanilang sitwasyon, nang dumating ang pagkakataon, pinili nina Morgan at Charlotte na makipagtipan sa Panginoon at nabago sila dahil dito.
Kasunod ng kanilang binyag, nagpunta si Charlotte sa Estados Unidos para sa kanyang master’s degree sa wika at literatura at tumanggap ng endowment sa templo. Si Morgan ay nagmisyon sa England.
Namangha ako na handang sundin ng dalawang estudyanteng ito sa kolehiyo ang Tagapagligtas. At umasa akong marinig na tutularan ng kanilang mga magulang ang kanilang halimbawa.
Matapos tawagin bilang General Authority at maatasang maglingkod sa Europe/Mediterranean Area Presidency, natanggap ko ang kahilingan ni Mr. Carlus na magkita kami at umasa na susundan niya ang kanyang mga anak sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang Pangako ng Panginoon na Titipunin ang Kanyang mga Tao
Habang inaasam ko ang pakikipagkita kay Mr. Carlus, naisip ko ang pangako ng Panginoon na “titipunin [ang Israel] mula sa apat na sulok ng mundo” (3 Nephi 16:5) sa mga huling araw. Bubuo Siya ng mga pinagtipanang tao na “[magkaroon ng] kaalaman ng kabuuan ng aking ebanghelyo” (3 Nephi 16:12). Sa ating dispensasyon, sinabi Niya, “Ang Sion ay mananagana, … at siya ay magiging sagisag sa mga tao, at may paroroon sa kanya na buhat sa bawat bansa sa silong ng langit” (Doktrina at mga Tipan 64:41–42).
Bagama’t ang tinig ng Panginoon ay para sa lahat ng tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:4), sinabi ng Panginoon na sa mga huling araw ang Kanyang mga pinagtipanang tao ay magiging “kakaunti” kumpara sa buong populasyon ng mundo ngunit “ang simbahan ng Kordero, [ang] mga banal ng Diyos, ay [mapapasa] lahat din ng dako ng mundo” (1 Nephi 14:12). Ang mga Banal na ito, na binigkis ng mga tipan sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:11), ay tatayo sa mga banal na lugar at hindi matitinag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:32) habang naghahanda sila para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:43–44).
Inilarawan ni Nephi ang mga tao ng tipan ng mga huling araw: “Ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14).
Sa kasamaang-palad, magkakaroon din ng mga tao na “hindi makikinig sa tinig ng Panginoon, ni sa tinig ng kanyang mga tagapaglingkod” (Doktrina at mga Tipan 1:14).
Isang Paanyayang Tinanggihan
Noong estudyante pa sa unibersidad ang ama ni Charlotte noong dekada ng 1960, itinuro sa kanya ng mga missionary ang ebanghelyo. Naakit siya sa ipinanumbalik na Simbahan at nadama ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Gayunman, nagpasiya siya na ang pagsapi sa isang maliit at galing sa Amerika na simbahan ay hindi makatutulong sa kanyang propesyon.
Ngayon, nang batiin ko si Mr. Carlus at masaya kaming nagkausap sa araw na iyon noong 1995, itinanong niya kung bakit ako nagpakita ng gayong interes sa kanya.
Matapos kaming magdasal, sinabi ko sa kanya na ang ilang minutong ito ay maaaring ang tanging pagkakataon sa buhay na ito na makikita ko siya. Pinuri ko siya sa kanyang pambihirang mga anak at sinabi ko sa kanya na lubos ko siyang iginagalang sa pagpapalaki ng dalawang mabubuting anak.
Pagkatapos ay binanggit ko sa kanya ang mga layunin ng Tagapagligtas sa pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo sa lupa, ang papel na ginagampanan ng priesthood, ang kahalagahan ng pamilya at ng kapangyarihang magbuklod, at ang pagtitipon ng mga pinagtipanang tao sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sinabi ko sa kanya na nadama ko na noong tinuruan siya ng mga missionary bilang estudyante sa unibersidad, ang kanyang matuwid na tadhana ay ang samahan ang mga pinagtipanang tao ng Simbahan. Hiniling ko na huwag siyang masaktan habang binabasa namin ang dalawang talata na nadama ko na angkop sa kanya.
Magkasama naming binasa sa Alma ang tungkol sa mga “tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig … dahil sa kanilang labis na pananampalataya at mabubuting gawa; sa simula pa ay hinayaang mamili sa mabuti o masama; kaya nga sila na pumili ng mabuti, at nagpapairal ng labis na pananampalataya, ay tinawag sa banal na tungkulin … samantalang ang iba ay tinatanggihan ang Espiritu ng Diyos dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at kabulagan ng kanilang mga isipan, samantalang, kung hindi dahil dito [sapagkat sila ay nasa gayon ding katayuan] sila sana ay nagkaroon ng malaking pribilehiyo na tulad ng kanilang mga kapatid” (Alma 13:3–4).
Magalang kong ibinahagi kay Mr. Carlus na naniniwala ako na inihanda siya na makasama natin, at nang tumanggi siya dahil sa mga apela ng mundo, patuloy siyang biniyayaan ng Panginoon ng dalawang piling espiritu para maging kanyang mga anak. Tinanggap nila ang landas ng tipan na para sa kanyang pamilya. Pagkatapos ay inanyayahan ko siyang tanggapin ang paanyayang ibinigay sa kanya 30 taon na ang nakalipas.
Hindi sumapi si Regis Carlus sa Simbahan sa buhay na ito, pero pinili ng kanyang mga anak ang landas ng tipan, at nanatili sila sa landas ng tipan.
Isang Malakas na Patotoo, Isang Masiglang Pananampalataya
Nang sumunod na makita naming mag-asawa si Charlotte at ang kanyang asawang si Laurent, ito ay noong huling bahagi ng 1998 sa Salt Lake City, Utah, kung saan bumalik si Charlotte sa University of Utah para sa isang PhD sa comparative literature.
Nasa landas ng tipan sina Charlotte at Laurent, pero nalaman namin na medyo hirap sila sa pera. Tinatapalan nina Charlotte at Laurent ang mga bitak sa kanilang apartment para hindi makapasok ang malamig na hangin. Sinusuotan nila ang kanilang tatlong anak ng makakapal na damit dahil hindi nila kayang gumamit ng heater sa kanilang apartment. Ang kanilang anak na si Valentine ay isinilang sa bahay dahil hindi nila kayang magbayad ng insurance o ng ospital.
Nagpatuloy ang kakulangan ng pera matapos silang bumalik sa France. Nahirapan sina Charlotte at Laurent na magkaroon ng sapat na trabaho. Minsan, tinanong ni Charlotte ang isang kaibigan kung ano ang dapat nilang gawin kapag wala silang sapat na pera para pakainin ang mga bata at magbayad ng ikapu. Ipinayo ng kaibigan niya, “Unahin ninyong bayaran ang ikapu, at kung kailangan ninyo ng pagkain, lumapit kayo sa bishop.”
Naharap din sila sa iba pang mga hamon. Tutol ang ina ni Charlotte sa kanyang binyag, sa kanyang kasal, at sa kanyang mga espirituwal na pagpili matapos siyang sumapi sa Simbahan. Nagpatuloy ang oposisyong ito, pero nagtiwala si Charlotte sa Panginoon, pinalakas ang kanyang patotoo, at tinupad ang kanyang mga tipan.
Noong 2008, inanyayahan si Charlotte para mainterbyu sa isang posisyon sa Brigham Young University–Idaho. Sa Rexburg Idaho Temple, nadama niya ang pahiwatig ng Panginoon na dalhin ang kanyang pamilya sa Estados Unidos.
Ang desisyong lisanin ang France ay napakahirap. Ang pagpasok sa bagong kultura sa Rexburg ay mahirap din. Bagama’t karamihan sa mga tao ay malugod na tinanggap at tinulungan ang pamilya Passe, paminsan-minsan ay nadarama ni Charlotte na hindi nauunawaan ng ilan kung bakit siya nagtatrabaho sa unibersidad sa halip na manatili sa bahay kasama ang kanyang mga anak.
Nang mag-atubili ang kanilang anak na si Amélie na dumalo sa Simbahan, sinabi sa kanya ni Charlotte: “Amélie, nagsisimba ako para tumanggap ng sakramento at alalahanin ang aking mga tipan. Ang mga [hindi nakauunawa sa ating sitwasyon] ay hindi nakakaapekto sa aking patotoo.”
Itinuro ni Charlotte sa kanyang mga anak ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng Simbahan (na may capital S) at ng simbahan (na may maliit na s). Sabi niya, “Ang Simbahan ang institusyon ng Panginoon na mayroong mga propeta at apostol Niya. Hinding-hindi tayo nito bibiguin. Ang simbahan ay ang mga miyembro, at walang sinuman sa atin ang perpekto.”
Maaari sanang piliin noon ng kanyang pamilya na tumigil sa pagdalo dahil sa mga hamong ito, pero alam ni Charlotte na ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng mga pinagtipanang tao ay pagiging pinagtipanang tao—isang taong tapat sa mga tipang ginawa niya sa Panginoon.
Patuloy na Paglakad sa Landas ng Tipan
Habang ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya para maging full-time na ina, tumulong si Charlotte sa mga homework at homeschooling habang patuloy na pinahuhusay ni Laurent ang kanyang kaalaman sa wikang Ingles. Sa isang journal entry, isinulat ni Charlotte na, “Napakaraming trabaho, at ang pagsisikap na pangalagaan ang aking bahay at pamilya nang sabay ay nagpabigat sa pasaning ito.”
Pero nagpatuloy siya, isinusulat na sinabi sa kanya ng Espiritu sa kanyang mga panalangin: “Kailangan mong patuloy na magtrabaho. Hindi ito titigil kaagad. Samantalahin mo ang magandang kitang natatanggap mo upang ihanda ang iyong sarili at ang iyong tahanan … para sa darating.”
Noong 2016, nalaman ni Charlotte na mayroon siyang breast cancer. Dahil sa gamutan, nawala ang kanyang kanser pero nagbalik ito noong 2019. Patuloy siyang naglingkod at pinalakas ang iba hanggang sa pumanaw siya noong Abril 2021, sa edad na 50.
Sumama si Charlotte sa mga pinagtipanang tao sa edad na 20 sa Montpellier, France. At bagaman sinasabi niya kaagad na malayo siya sa pagiging perpekto, pinahalagahan niya ang kanyang mga tipan at nanatili sa landas ng tipan para sa natitirang 30 taon ng kanyang buhay.
Sa kanyang pakikipaglaban sa kanser, isinulat ni Charlotte sa kanyang journal: “Lubos akong nagpapasalamat, para sa Espiritu Santo at sa kakayahang … tumanggap ng personal na paghahayag. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko kung wala ito. Maliligaw ako.”
Nang binasa ko ang kanyang mga salita, naisip ko ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson sa ating lahat tungkol sa landas ng tipan: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung wala ang patnubay, tagubilin, nakapapanatag, at palagiang impluwensya ng Espiritu Santo.”2
Si Connie Ruesch Cosman ay isang sister missionary sa France nang pumasok si Charlotte sa landas ng tipan. Nanatili silang magkaibigan, at si Connie ay pumunta kay Charlotte mula sa Arizona para tumulong na alagaan si Charlotte sa kanyang huling dalawang linggo ng mortalidad. Isinulat ni Sister Cosman: “Hindi kailanman nag-alinlangan si Charlotte at gagawin ang anumang ipagawa sa kanya ng Panginoon. Naghanap siya ng sarili niyang mga sagot at natanggap ang mga ito. Patuloy siyang naging napakagandang halimbawa para sa akin at sa iba.”
Kinabukasan matapos ang pagpanaw ni Charlotte, sumulat sa akin ang kanyang kapatid na si Morgan, “Labis akong nangungulila sa kanya; napakalapit naming dalawa sa isa’t isa.” Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa isang espirituwal na karanasan na dumating sa kanya sa unang gabi matapos siyang pumanaw.
“[Alam ko] mas masaya siya kaysa rati,” sabi niya, at idinaragdag na ang kanyang espirituwal na karanasan ay “matibay na nagbigay-katiyakan sa nalalaman ko na, at pinagaling nito ang puso kong nasaktan.”
Mga Anak ng Tipan
Kapag pinili nating lubos na tanggapin ang mga tipan na ibinibigay ng Diyos sa landas ng tipan, nagbabago ang ating buhay. Tinukoy ni Alma ang ating pagiging “espirituwal na isinilang sa Diyos” (Alma 5:14). Tinawag ng Tagapagligtas ang pagbabagong ito na pagiging “ip[in]anganak na muli” (Juan 3:3). At sinabi Niya na tayo ay nagiging “mga anak ng tipan” (3 Nephi 20:26). Ito rin ang tipang ginawa Niya kay Amang Abraham: “Aking itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi” (Genesis 17:7).
Bilang mga anak ng tipan, nakikita natin ang ating buhay sa pananaw ng plano ng ating Ama sa Langit. Kumikilos tayo upang maging masunurin at palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Nananalangin tayo araw-araw. Alam natin ang ating mga kahinaan, ngunit may pag-asa tayo. Hangad nating hayaang manaig ang Diyos sa pagharap natin sa ating mga pagsubok, at patuloy tayong nagsisisi at hindi kailanman sumusuko sa ating mga pagsisikap na maging lalong katulad ng Tagapagligtas.
Bilang lingkod ng Panginoon, ipinapangako ko na tutubusin tayo ng Kanyang biyaya at kabutihan kapag nananatili tayong sumasampalataya sa Kanya at ginagawa ang lahat ng ating makakaya upang tuparin ang ating mga tipan sa Kanya.