Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Sakripisyo, Isang Bunga ng Kabutihan
Itinuturo sa atin ng halimbawa ni Abraham na kapag inuuna natin ang Panginoon, kasunod nito ay mga pagpapala.
Noong branch president ako sa Nigeria, isang bata pang sister na convert ang nagpahayag ng kanyang hangaring magmisyon. Ang kanyang ama, na hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay talagang hindi sang-ayon sa kanyang plano. Tinalakay ng aming branch council ang sitwasyon. Nagpasiya kami na marapat na bisitahin ng branch presidency ang kanyang ama.
Noong una ay hindi nagtagumpay ang pagbisita hanggang sa madama ko na dapat kong ikuwento sa kanyang ama ang tungkol sa kahandaan ni Abraham na ialay ang kanyang anak na si Isaac, tulad ng inilarawan sa Genesis kabanata 22. Si Abraham ay halimbawa ng pagtitiwala at pananampalataya sa Diyos. Kahit si Isaac ay nag-iisang anak nina Abraham at Sara, na isinilang noong sila ay kapwa matanda na, nang humiling ang Panginoon ng alay ay kusang sumunod si Abraham.
Nang iaalay na ni Abraham ang kanyang anak, isang anghel ang namagitan. “Huwag mong sasaktan ang bata,” sabi niya, “o gawan man siya ng anuman: sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak” (Genesis 22:12). Ang ibig sabihin ng salitang takot sa talatang iyan ay “makadama ng pagpipitagan at pagkamangha sa [Diyos] at sundin ang Kanyang mga kautusan.”1
Isang Pusong Lumambot
Naantig ang ama sa paalalang ito tungkol sa pagsunod ni Abraham. Sinabi niya na hindi niya inasahan kailanman na maaaring hilingin sa kanya na gawin ang isang bagay na katulad nito, kahit na hindi magkapareho ang bigat. Pumayag siya na maglingkod ang anak niya at suportahan siya ng pera sa loob ng 18 buwan.
Marangal na naglingkod ang sister. Nang bumalik siya, nagpakasal siya sa isang lalaki sa branch din na iyon. Naglilingkod pa rin sila nang tapat sa Simbahan at mayroon silang tatlong anak. Lahat ng kanyang mga kapatid ay naging mga miyembro ng Simbahan. Nagmisyon din ang kanyang kapatid na lalaki. At ang kanyang bunsong kapatid na babae ay ikinasal sa bunso kong kapatid na lalaki.
Kapag naiisip ko ang desisyon ng amang ito, humahanga ako. Hinayaan niya ang kanyang panganay na anak, na convert sa isang relihiyon na kaiba sa kanyang relihiyon, na magmisyon. Naaalala ko rin ang mga pagpapalang natanggap ng kanyang pamilya nang maging mga miyembro ng Simbahan ang iba pa niyang mga anak. Ngayon ay maligaya sila sa piling ng karapat-dapat nilang mga asawa, tapat na ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ama ay hindi kailanman sumapi sa Simbahan, pero tiyak na ang kanyang sakripisyo, tulad ng pananampalataya ni Abraham sa Diyos, ay “ibinilang sa katuwiran sa kanya” (Genesis 15:6).
Isang Kahalintulad
Ang kahandaan ni Abraham na ialay ang kanyang anak ay “isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:5). Binibigyang-diin sa tsart na ito ang ilang pagkakatulad:
Jesucristo, Anak ng Diyos |
Isaac, Anak ni Abraham |
Inilalarawan ng Diyos si Jesucristo bilang Kanyang Pinakamamahal na Anak (tingnan sa Mateo 3:17; Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). |
Inilalarawan ng Diyos si Isaac bilang minamahal na anak ni Abraham (tingnan sa Genesis 22:2). |
Ang Tagapagligtas ay ang Kordero ng Diyos na mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan (tingnan sa Juan 1:29; 1 Nephi 11:21, 33; Mosias 14:7; Alma 7:14). |
Si Isaac ay isang kordero na iaalay ni Abraham (tingnan sa Genesis 22:7–8). |
Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak dahil sa pagmamahal Niya sa atin (tingnan sa Juan 3:16). |
Handang ibigay ni Abraham ang kanyang anak dahil sa pagmamahal niya sa Diyos (tingnan sa Genesis 22:12). |
Ang Tagapagligtas ang tagapagmana ng luklukan ng Ama (tingnan sa Roma 8:17; Mga Hebreo 1:2). |
Si Isaac ang tagapagmana ni Abraham (tingnan sa Genesis 15:4). |
Sa pamamagitan ni Cristo, tayo ay mga tagapagmana ng kaharian (tingnan sa Roma 8:17; Galacia 3:29). |
Sa pamamagitan ni Isaac (o sa pamamagitan ng mga tipan), tayo ay ibinibilang na binhi ni Abraham (tingnan sa Genesis 21:12–13). |
Ang sakripisyo ng Panginoon ay mahalaga sa pagtubos. Sa pamamagitan ng katapatan, mga ordenansa, at mga tipan, maaari tayong maging katulad Niya. |
Dahil sa mga pangakong ginawa kina Abraham at Isaac, maaari tayong maging mga anak ng tipan, ang mga hinirang ng Diyos. |
Kapag handa tayong sundin ang mga kautusan ng Panginoon, nagsasakripisyo tayo para sa Kanya. Sa paggawa natin nito, mas nadarama natin ang Kanyang kapangyarihan na nagbibigay-kakayahan, na nagtutulot sa atin na magtamo ng buhay na walang-hanggan matapos nating magawa ang lahat ng ating makakaya (tingnan sa 2 Nephi 25:23; Moroni 7:25). Kapag tinatanggap natin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nadaragdagan ang pagmamahal natin sa Kanya. Nadarama natin na mas malapit tayo sa Kanya. Dahil dito posibleng magawa natin ang lahat ng hinihingi Niya sa atin.
Isang Kusang-loob na Sakripisyo
Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng mga tao na kusang nagsasakripisyo at pagkatapos ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihan.
Halimbawa, iniwan ni Amang Lehi ang lahat para makapunta sa lupang pangako. Pagkatapos ay tinulungan ng Diyos ang mga anak ni Lehi na kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, ibinigay sa kanila ang Liahona na gagabay sa kanila sa ilang, ipinakita kay Nephi kung paano gumawa ng sasakyang-dagat, at pinangalagaan ang mga miyembro ng kanyang pamilya habang tumatawid sila sa karagatan. (Tingnan sa 1 Nephi 2–18.)
Inialay ng Nakababatang Alma ang kanyang luklukan bilang punong hukom upang ilaan ang kanyang sarili sa mas banal na tungkulin ng mataas na saserdote (tingnan sa Alma 4:11–20). Pagkatapos ay itinatag niya “ang kaayusan ng simbahan” (Alma 6:4), nakipagtulungan kay Amulek para turuan ang maraming kaluluwa, at nakatakas sa bilangguan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon (tingnan sa Alma 8–16).
Ang pagsakripisyo ni Alma sa isang posisyon para magtuon sa isa pang posisyon ay nagpapaalala sa akin ng sarili kong karanasan nang tawagin ako bilang Area Seventy. Hindi nagtagal matapos akong tawagin, nais ng kumpanya kung saan ako nagtatrabaho na tanggapin ko ang isang apat na taong pagkadestino sa Europa. Ang ibig sabihin ng destinong ito ay dapat kaming lumipat, kaya tumanggi ako. Sa mga nagulat sa desisyon ko, ipinaliwanag ko na hindi ako tatawagin ng Panginoon na maglingkod sa Africa West Area noong Abril para lamang tumigil at magpunta sa Europa sa buwan ng Mayo. Naalala ko ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Jonas (tingnan sa Jonas 1–3). Alam ko na tinawag ako ng Panginoon, at hindi ko iiwan ang aking tungkulin.
Isang Mahalagang Sangkap ng Ebanghelyo
Ang sakripisyo ay bunga ng kabutihan. Kailangan dito ang pagdaig sa likas na tao habang binibigyang-daan natin ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu (tingnan sa Mosias 3:19). Bilang mga miyembro ng Simbahan, narito ang ilang sakripisyong regular nating ginagawa.
Pagsunod sa batas ng ikapu. “Masdan, ang panahong ito ay tinawag na ngayon hanggang sa pagparito ng Anak ng Tao, at katotohanan ito ay araw ng paghahain, at araw ng pagbabayad ng ikasampung bahagi ng aking tao” (Doktrina at mga Tipan 64:23). Isipin na kunwari ay sinasabi sa iyo ng Panginoon, “Ngayon alam ko nang iginagalang mo ang Diyos, dahil hindi mo ipinagkait ang iyong ikapu.”
Paggalang sa Sabbath. Isinasakripisyo natin ang sarili nating mga kasiyahan upang gawing kaluguran ang Sabbath sa Panginoon, at nangangako Siya ng malalaking pagpapala sa mga taong gumagalang sa araw ng Sabbath (tingnan sa Isaias 58:13–14). “Alam ko na ngayon na pinagpipitaganan mo ang Diyos, dahil iginagalang mo ang Sabbath.”
Paglilingkod bilang missionary. Kaya bang “[iwan ng bagong henerasyon] ang kanilang mga lambat” (Mateo 4:20), o ang anumang pumipigil sa kanila, at sumunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagmimisyon? “Alam ko na ngayon na pinagpipitaganan ninyo ang Diyos, dahil hindi ninyo ipinagkait ang inyong sarili sa paglilingkod sa misyon.”
Pagtanggap at tapat na pagtupad sa mga tungkulin. Kapag kusa nating tinatanggap ang mga tungkulin na maglingkod sa Panginoon, hinihingi natin ang Kanyang patnubay para magawa ang lahat ng ating makakaya. “Alam ko na ngayon na pinagpipitaganan ninyo ang Diyos, dahil ginagawa ninyo ang lahat ng hinihingi at higit pa.”
Paglilingkod sa iba. Sa pagsasakripisyo ng ating panahon at kabuhayan sa paglilingkod, pagbisita, pagsuporta, at pagtulong sa iba, tayo ay nagiging tunay na mga disipulo ni Cristo. Ang paggawa ng gawain sa family history at paglilingkod sa templo ay paglilingkod sa mga tao sa kabila ng tabing. “Alam ko na ngayon na pinagpipitaganan mo ang Diyos, dahil pinaglilingkuran mo ang Kanyang mga anak.”
Isang Pagpapakita ng Pagmamahal
Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na: “Ang sakripisyo ay pagpapakita ng dalisay na pagmamahal. Ang antas ng ating pagmamahal sa Panginoon, sa ebanghelyo, at sa ating kapwa ay masusukat sa kung ano ang handa nating isakripisyo para sa kanila.”2
Kapag hindi tayo nag-aatubili sa pagtupad ng mga utos ng Panginoon, tayo ay nagiging lalong katulad Niya, at tayo ay nagiging Israel, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson. Nagtanong siya: “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? … Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”3
Kapag tinulutan natin ang Diyos na manaig sa ating buhay, nakikita natin ang ating alay o handog sa Kanya bilang pagpapahalaga sa Kanyang pagmamahal. Nakikita natin ang paglilingkod sa Kanyang kaharian bilang isang pribilehiyo, hindi isang pasanin. Ang sakripisyo ay nagiging madali sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoon kapag sumasalig tayo sa Kanyang mapagtubos na pagmamahal.