Pagiging Mas Mabuti Pagkatapos Makaranas ng Kapaitan
Bahagi ng masakit at pagsubok na prosesong ito na tinatawag nating buhay ay ang makita kung talagang patuloy tayong susulong.
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay nagpasimula ng isang kalagayan ng pagsubok na kung saan ang mga anak ng Diyos ay magkakaroon ng pagkakataong masubukan “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Sa gitna ng pagsubok na ito nakararanas tayo ng kaligayahan at kagalakan, gayon din ng mga pagsubok at paghihirap, tulad ng mga tukso, karamdaman, kapansanan, at panghihina-ng-loob.
Bakit nanghihina ang ilan sa harap ng kasawian, samantalang ang iba ay nagiging mas mabuti matapos magkaroon ng mapait na karanasan? Ang mga salita ng mga propeta, gayundin ang siyensya ng katatagan, ay tumutulong sa pagbibigay ng mga sagot sa tanong na ito.
Inilalarawan ng ilan ang katatagan bilang kakayahang makabangon mula sa o mag-adjust sa kasawian, paghihirap, o pagbabago.1 Ang Pagkahulog ni Adan ay naghatid ng mga pagbabago na nakatulong sa pagbibigay ng mga pagkakataon para sa katatagan—na kumilos kapwa nang pasulong at paitaas. Ang bahaging ito ng plano ng Ama sa Langit ay nagbukas ng pintuan para maranasan natin ang mortalidad, kung saan dumaranas tayo kapwa ng kagalakan at kalungkutan—at pag-unlad (tingnan sa 2 Nephi 2:23).
Narito ang apat na alituntunin ng katatagan na tutulong kapag ang inyong mortal na paglalakbay ay puno ng paghihirap.
Siyasatin ang Kalooban
Kapag dumaranas tayo ng madilim at mahihirap na araw, maaari nating siyasatin ang ating sarili para mahanap ang mga kaloob na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit.
Itanong sa inyong sarili, “Anong mga kaloob, kalakasan, at talento ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos na mapaghuhugutan ko ng lakas sa panahong ito ng pagsubok?” Pag-aralan ang iyong patriarchal blessing at alamin ang mga palatandaan sa iyong mga karanasan sa buhay na makapaghahayag ng mga kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:11.)
Ang mga pamimilit at hamon sa ating panahon ay maaaring parang pambihira at nakasasakal. Maliban kung nababalanse ang mga ito ng ating pananampalataya, ang stress at pag-aalala ay maaaring magpakitid sa ating pananaw na magtuon ng pansin sa ating sarili—isang pokus na may labis na pagkaabala sa sarili, natatakot, at nawawalan ng pag-asa, at naiiwan tayo na mas nagugulumihanan, nababalisa, at may depresyon.
Maaari din tayong matuksong ikumpara ang ating sitwasyon sa sitwasyon ng ibang tao na tila walang problema. Ngunit ang ganitong uri ng pagkukumpara ay nag-aalis ng ating kagalakan, samantalang pinalalakas ito ng pasasalamat.
Mapagbubuti natin ang ating pananaw sa pamamagitan ng kamalayan sa mga kaloob na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit. Tulad ng ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagbilang sa ating mga pagpapala ay mas mainam kaysa sa muling pagbanggit sa ating mga problema.”2 Ang positibo at mapagpasalamat na isipan ay nagpapalakas sa ating enerhiya at pagkamalikhain, at nakikita natin ang mga bagay-bagay mula sa mas kapaki-pakinabang na pananaw, kabilang na ang dagdag na pagtutuon ng pansin sa mga bagay na talagang mahalaga at mga bagay na kaya nating kontrolin.
Sa mahihirap na panahon, maaari mong itanong sa iyong sarili:
-
May mga paraan ba para mas mapangalagaan ko ang aking katawan at isipan sa pamamagitan ng pagkain, ehersisyo, at pagtulog? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124.)
-
Lumalapit ba ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para humingi ng lakas at patnubay, na nauunawaan kung paano Nila ako pinagpala sa paglalakbay na ito?
-
Nagtitiwala ba ako na pagpapalain at tuturuan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag sinusunod ko Sila—anuman ang hamon na makaharap ko?
Dapat nating kilalanin at alalahanin ang mabuting bagay sa ating buhay. Nakita sa maraming pag-aaral ang magandang epekto ng pasasalamat para sa ating puso at isipan, mula sa pagpapabuti ng mood at positibong pananaw hanggang sa pagbabawas ng pagkabalisa at mga sakit at hirap. Sa pasasalamat ay naipagdiriwang ang kasalukuyan, nahaharangan ang nakalalasong damdamin, at napapalakas ang koneksyon sa kapwa.3
Sa panahon ng kaguluhan, kapag nakatuon tayo sa pagpapalalim ng ating pananampalataya at tiwala sa Diyos, magkakaroon tayo ng mas malawak na pananaw sa buhay at madarama natin na sinusuportahan tayo sa ating mga pagsubok, problema, at paghihirap (tingnan sa Alma 36:3).
Isipin ang Iba
Ang pangalawang alituntunin ng katatagan ay ang pagtutuon sa ibang tao—kapwa sa mga taong nakapaligid sa iyo at sa resources na ibinigay ng Diyos.
Sinasabi ng maraming tao na matagumpay na nakayanan ang mga hamon sa kanilang buhay na ang isang susi ay ang pagkakaroon ng lakas mula sa mga nakapalibot na oportunidad at resources. Maaaring kabilang diyan ang mga libangan; pagsusulat sa journal; pag-eehersisyo; pagbabasa ng mga banal na kasulatan at iba pang nakasisiglang mga aklat; pakikipag-usap sa isang kapamilya, kaibigan, o tagapayo; o kahit pag-uukol ng oras sa alagang hayop. Ang lahat ng ito ay nakita na nakababawas ng pagkabalisa at stress.4
Kapwa umasa si Nephi at ang kapatid ni Jared sa resources na “inihanda ng Panginoon” (1 Nephi 17:5). Mula sa mga prutas, binhi, puno, at ligaw na pulot hanggang sa minang bato at 16 na bato, naglaan ang Diyos ng resources para magamit ng Kanyang mga tao kapag nakaranas sila ng mga pagsubok sa kanilang paglalakbay. Anong resources ang inilaan ng Diyos para mapagaan ang pasanin sa iyong paglalakbay?
Ang pagtutuon sa ibang tao ay tumutukoy rin sa pagpansin at pagtugon sa pagdurusa ng iba kahit dumaranas tayo ng mga pagsubok o hamon. Inanyayahan tayo ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “pansinin ang paghihirap ng iba at sikaping tumulong. Iyan ay magiging lalong mahirap kapag tayo mismo ay labis ring sinusubok. Ngunit matutuklasan natin na kapag pinagagaan natin ang pasanin ng iba, nang kahit kaunti, ang ating mga likod ay napalalakas at nakakakita tayo ng liwanag sa kadiliman.”5
Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagpapatatag ng pagkatao na tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng pagtutuon sa ibang tao sa gitna ng ating mga pagsubok: “Ang pagkatao ay inihahayag … sa kapangyarihang mahiwatigan ang pagdurusa ng ibang tao kapag tayo rin ay nagdurusa; sa kakayahang makita ang pagkagutom ng iba kapag nagugutom tayo; at sa kapangyarihang tumulong at magpakita ng habag sa espirituwal na pagdurusa ng iba kapag tayo ay nasa gitna ng sarili nating espirituwal na pighati. Samakatwid, ang pagkatao ay naipapakita sa pamamagitan ng pagtingin, pagbaling, at pagtulong sa iba kapag ang likas na tao sa bawat isa sa atin ay nakatuon sa sarili at makasarili at labis na abala sa sarili.”6
Tumingin sa Itaas
Kapag sinisiyasat natin ang ating kalooban at sumusulong sa ating daan tungo sa katatagan, hindi natin dapat kalimutang tumingin sa itaas at magsumamo para sa kapayapaan at banal na patnubay. Nangako ang Ama sa Langit na kung hindi natin patitigasin ang ating puso laban sa Kanya sa ating mga pagsubok, tayo ay kapwa magbabalik-loob at mapapagaling (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:13).
Habang nasa kailaliman ng kawalan ng pag-asa, nananatiling buhay sa pamamagitan ng maruming pagkain at paghiga sa malamig na sahig sa Liberty Jail, pinili ni Propetang Joseph Smith na tumingin sa itaas at humingi ng tulong sa langit.
Nakatanggap siya ng katiyakan mula sa Panginoon: “Anak ko, kapayapaan ay mapasa iyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga paghihirap ay maikling sandali na lamang” (Doktrina at mga Tipan 121:7). At ang Panginoon ay nangako sa kanya, “Kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway” (Doktrina at mga Tipan 121:8).
Ang pagtingin sa itaas ay kinabibilangan ng pagtitiwala sa takdang panahon ng Panginoon nang may pagtitiis at pananaw sa paghahanap natin ng kapayapaan sa mga unos ng buhay. Nakikita mo ba kung paano ka pinagpapala ng Diyos sa iyong mga pagsubok?
Patuloy na Sumulong
Sa Aklat ni Mormon, ipinapaalala sa atin ni Nephi na dapat tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20).
Kapag nabibigatan tayo, sa mga araw na pinanghihinaan tayo ng loob, kapag hindi lubos na maliwanag ang ating pag-asa, at kapag kulang tayo ng pagmamahal sa lahat ng tao, maaari pa rin nating piliing magpatuloy sa pagsulong. Hindi ba iyon ang mga kuwentong gustung-gusto nating basahin—ang tungkol sa matatapat na Banal na natutuhan at ipinamuhay ang mga alituntunin ng katatagan? Ang mga pagpapamalas na ito ng pananampalataya at tapang ay nagpapakita sa atin kung paano tayo magpapatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.
Oo, magkakaroon ng mga pagkakataon na madarama natin na hindi sinasagot ang mga panalangin sa mga paraang inaasahan natin. Magkakaroon pa rin ng diborsyo, kamatayan, sakit, at kabiguan, sa kabila ng ating mga pagsamo at pag-asam para sa mas magagandang araw. Bahagi ng mapait at pansubok na prosesong ito ang “makita kung [ating] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon [nating] Diyos” (Abraham 3:25). Kapag madilim ang mundo, hahanapin pa rin ba natin ang Liwanag?
Tungkol sa mga pagsubok at paghihirap, itinanong ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Gaano katagal tayong maghihintay ng kapanatagan mula sa mga paghihirap na dumarating sa atin? O magtitiis sa mga personal na pagsubok habang naghihintay nang napakatagal para sa tulong? Bakit ba kailangang patagalin gayong tila hindi na natin makayanan ang mga pasanin?” At muli niyang tiniyak sa atin, “Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos sa hirap at ginhawa, kahit na kabilang doon ang ilang pagdurusa hanggang sa ang Kanyang bisig ay maipahayag alang-alang sa atin.”7
Ang ating mapagmahal at nakakaalam sa lahat na Ama ay hindi lamang lumikha ng plano ng kaligayahan para sa lahat ng Kanyang mga anak kundi nagbigay din ng karanasan sa mundo na naaayon sa ating mga pangangailangan at potensyal na pag-unlad at kagalakan. Pinatototohanan ko na maaari tayong maging mas mabuti matapos ang mapait na karanasan, habang natututo tayong siyasatin ang ating kalooban, magtuon sa iba, tumingin sa itaas, at magpatuloy sa paglakad.