2022
Ang Simpleng Paglilingkod ay Maaaring Maging Makabuluhan
Pebrero 2022


Mga Alituntunin ng Ministering

Ang Simpleng Paglilingkod ay Maaaring Maging Makabuluhan

Huwag mag-atubili dahil iniisip mo kung napakaliit ba ng iyong handog.

soup being ladled into a bowl

Larawang kuha ni Bradley Slade

Ang pamilya ng aming anak na babae ay may matinding karamdaman, at ang mga hapunan mula sa mabubuting kapitbahay ay isinaayos. Sa unang gabi, isang mainit na kaserola ng chicken noodle soup ang dumating, na may kasamang mainit-init pang chocolate chip cookies. Kinabukasan ng hapon, naghatid ng tanghalian ang mga kaibigan—chicken noodle soup at chocolate chip cookies. At nang gabing iyon, oo, ang chicken noodle soup at chocolate chip cookies ay ang napiling hapunan na ibinigay ng isa pang mabuting Samaritano. At nang sumunod na gabi—tama ang hula mo—isa pang kaserola ng chicken noodle soup at chocolate chip cookies ang dumating para sa hapunan.

Hindi lamang ito isang nakakatuwang kuwento tungkol sa chicken noodle soup at chocolate chip cookies. Ito ay kuwento ng pangangalaga sa isang kapatid na babae at sa kanyang pamilyang nangangailangan. Sa bawat kutsara ng sopas at sa bawat kagat ng chocolate chip cookie, nadama ng aming anak at ng kanyang pamilya na minamahal at sinuportahan sila. Bawat kaserola ng sopas at plato ng cookies ay gawa sa magkakaibang resipe na natatangi sa bawat sister. Hindi ba ganyan tayo sa ating paglilingkod? Tumutulong tayo gamit ang ating sariling kakanyahan, ang sarili nating paraan, at personal na mga inspiradong resipe. Hindi natin inaalala kung ano ang dapat gawin; basta ginagawa lamang natin ito.

Rebecca L. Craven

Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency

Ang mga Simpleng Gawa ay Makabuluhan

Bilang pinagtipanang mga tao, nangako tayong paglilingkuran ang isa’t isa. Ang kahandaang maglingkod sa mga simpleng paraan ay nagtutulot sa Diyos na pagpalain ang iba sa pamamagitan natin—at pinagpapala rin tayo. Ang simpleng paglilingkod ay makabuluhan din.

Rebekah pouring water into a cup held by the servant of Abraham

Rebekah at the Well [Si Rebeca sa Tabi ng Balon], ni Michael Deas

Si Rebeca ng Lumang Tipan ay isang halimbawa ng simple at mapagmalasakit na paglilingkod. Nang dumating ang mga manlalakbay sa kanyang tahanan at humingi ng inumin mula sa balon, masaya niya silang pinaglingkuran—at pagkatapos ay nag-alok na umigib ng tubig para sa kanilang mga kamelyo. Ang simpleng paglilingkod na ito ay hindi nangahulugan na hindi ito mahirap—ang mga kamelyo ay maaaring uminom ng galon-galon na tubig, gayunman kusang-loob siyang naglingkod, pinupuno ang sisidlan at tumatakbong muli upang umigib pa ng mas maraming tubig hanggang sa ang lahat ng 10 kamelyo ay nakainom ng tubig na nagbibigay-buhay. Walang inasahang papuri si Rebeca bilang kapalit ng kanyang simpleng paglilingkod, ngunit sa pagpapakita ng kanyang pagkatao, siya ay malugod na tinanggap sa pamilya ni Isaac at pinagpala ang mga henerasyon sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jacob, ang ama ng sambahayan ni Israel. (Tingnan sa Genesis 24.)

Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan

Habang iniisip mo ang iyong mga oportunidad at assignment na maglingkod sa iba, isipin ang mga alituntuning ito na inilarawan sa mga kuwento:

  • Ang simpleng paglilingkod ay maaaring maging makabuluhan. Huwag maghintay hanggang sa perpekto na ang iyong kaserola ng sopas. Makibahagi at gawin ang makakaya mo kapag may nakikita kang pangangailangan.

  • Huwag mahiya sa maibibigay mo. Kapag handa tayong gawin ang makakaya natin sa pamamagitan ng kung ano ang mayroon tayo, ang Diyos ay makagagawa ng maraming bagay mula sa kakaunti (tingnan sa Marcos 6:34–44).

  • “Nais ng Panginoon na may pagsisikap, at ang pagsisikap ay naghahatid ng mga gantimpala.”1 Tulad sa kuwento ni Rebeca, magagamit ng Diyos ang ating mga simpleng pagsisikap na maglingkod para pagpalain tayo at ang ibang tao, kung minsan maging ang darating pang mga henerasyon.

Ano ang Magagawa Natin?

Kapag nakakita ka ng pagkakataong maglingkod, huwag maghintay dahil nag-iisip ka kung mayroon kang maibibigay. Pagpapalain ka ng Diyos at ang iba pa dahil sa kahandaan mong maglingkod.

Tala

  1. Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 16.