Patuloy Akong Sumubok
Ang isang taong hinikayat at pinalakas ko noon ang humihikayat at nagpapalakas sa akin ngayon.
Noong 1972, nasa US Navy boot camp ako sa San Diego, California, USA. Ako ay “na-set back,” na ang ibig sabihin ay nabigo ako sa training ko—nang personal at sa publiko. Sa katunayan, dalawang beses na akong na-set back. Ngayon kinailangan kong magsimulang muli kasama ang isang bagong pulutong.
Dumanas ako ng attention deficit/hyperactivity disorder (ADHD) at isang uri ng high-functioning autism. Mahirap para sa akin ang pagbabasa, na nakasira sa iskor o grado ko. Lalo pang naging mas mahirap ang mga bagay dahil pumanaw ang tatay ko habang nasa boot camp ako.
Ang tanging nagpaganda sa pakiramdam ko ay ang pagsisimba. Isang araw ng Linggo, sa kalagitnaan ng pagbabahagi ng aking patotoo, nadama ko ang pahiwatig ng Espiritu Santo. Ang mga salitang sinabi ko pagkatapos noon ay hindi sa akin. Ang marahan at banayad na tinig ay dumating sa akin sa isang bulong, na nag-uutos sa akin kung ano ang sasabihin.
“Nakatingin kayo sa isang recruit na dalawang beses na na-set back,” sabi ko. “Walang gustong mabigo, at walang gustong mabigo nang dalawang beses nang magkasunod. Pero ang ma-set back ay hindi naman ganoon kasama. Hindi tayo tinatangkang disiplinahin o parusahan ng navy. Ang ma-set back ay tumutulong sa isang recruit na malaman ang hindi niya natutuhan o maaaring nakalimutan niya. Hindi maaaring magtapos nang hindi nagbabago o nagpapakabuti. Pinatototohanan ko na lahat tayo ay dapat makaranas ng pagka-set back bago tayo makarating sa ating pinakamagagandang tagumpay sa buhay.”
Hindi ko gaanong pinag-isipan ang sinabi ko hanggang sa makalipas ang isang buwan. Nang sumunod naming fast and testimony meeting, isang recruit na blonde ang buhok ang nagpunta sa pulpito.
“Noong nakaraang buwan hindi maganda ang mga iskor ko. Bumabagsak ako noon,” sabi niya. “Sinabi ng company commander ko na makabubuti para sa akin ang ma-set back ako. Sa bago kong pulutong, naisip ko na bigo ako. Handa na sana akong sumuko. Pero naalala ko ang lalaki na dalawang beses na na-set back at ang sinabi niya. Kaya’t patuloy akong sumubok.”
Pagkatapos ay inulit ng recruit ang mga salita ring iyon na inilagay ng Espiritu Santo sa aking isipan. Ang isang taong hinikayat at pinalakas ko noon ang humihikayat at nagpapalakas sa akin ngayon.
Noong Oktubre 1972, tuwang-tuwa ako nang maka-graduate ako sa US Navy boot camp, na nagpapasalamat sa pagtuturo at panghihikayat ng Espiritu Santo at ng isang kapwa recruit.