“May Maitutulong Ba Ako sa Iyo?”
Nang marinig ko ang tinig, naalala ko na natanggap ko kamakailan ang kaloob na Espiritu Santo.
Mga dalawang buwan matapos akong mabinyagan, tumatawid ako sa isang highway sa isang walkway bridge sa isang lugar na nagngangalang Posto Dudu, sa lunsod ng Parnamirim sa Brazil. Papunta ako sa isang bus stop sa kabila ng kalsada.
Habang tumatawid ako, nadaanan ko ang isang babaeng nakakapit sa safety railing. Nakayuko siya at nanginginig ang kanyang katawan. Parang takot ang mga tao sa kanya kapag nadaraanan nila siya. Naisip ko na baka may problema siya sa pag-iisip.
Nang malampasan ko siya, nakarinig ako ng tinig na napakalinaw na tulad ng sa isang tao na nagsabing, “Bumalik ka!” Wala akong nakitang sinuman na malapit sa akin at inakala kong may mga naririnig ako.
Naglakad pa ako nang kaunti nang marinig kong muli ang tinig: “Bumalik ka!” Naisip kong bumalik pero patuloy akong naglakad, iniisip na baka saktan ako ng babae kung babalik ako sa kanya.
Nang makarating ako sa kabilang panig ng walkway, narinig ko ang tinig sa ikatlong beses: “Bumalik ka!” Tumigil ako, at naalala ko na natanggap ko kamakailan ang kaloob na Espiritu Santo at ang basbas na matanggap ang patnubay mula sa Espiritu. Nagmamadali akong bumalik sa babae.
“Excuse me po, pero may maitutulong po ba ako sa inyo?” tanong ko.
“Oo,” sabi niya na may luha sa kanyang mga mata. “Kailangan kong makapunta sa kabila para maabutan ko ang bus na dapat kong sakyan, pero hindi ko kaya dahil may lula ako. Matagal na akong nakatayo rito at hindi ko alam ang gagawin ko.”
“Tutulungan po kita,” sabi ko sa kanya. “Hawakan po ninyo ang braso ko, pumikit kayo, at magkasama tayong makakarating sa kabila.”
Mahigpit siyang kumapit sa braso ko, pumikit, at dahan-dahan kaming naglakad papunta sa kabilang panig. Sinabi niya na matagal na niyang ipinagdarasal na tulungan siya ng Diyos na makatawid. Pagkatapos ay nagpasalamat siya sa akin at hiniling niya sa Diyos na pagpalain ako. Matapos siyang makasakay ng bus, ilang minuto kong naisip ang nangyari.
“Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking kilala, at sila’y sumusunod sa akin,” sabi ng Tagapagligtas (Juan 10:27). Nang araw na iyon nalaman ko na ang isa sa pinakamaiinam na paraan para masunod Siya at madama ang Kanyang pagmamahal ay pakinggan ang tinig ng Espiritu kapag tinatawag tayo nito na tulungan ang iba.