Mga Young Adult
Ang Utos ng Panginoon na “Maghangad na Matuto”
Ang pag-aaral ay hindi lamang isang magandang ideya para sa iyong kinabukasan—ito ay isang kautusan din mula sa Panginoon.
Sa Lumang Tipan, sinabi sa atin ni Ana na “ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman” (1 Samuel 2:3). At ipinapakita sa atin ng makabagong paghahayag na totoo pa rin ito ngayon. Itinuro sa atin ng Diyos na “maghanap … sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118).
Ngunit kapag pinag-uusapan natin ang paghahangad na matuto o kaalaman, hindi lamang natin tinutukoy ang apat-na-taong-degree na uri ng edukasyon (bagama’t angkop iyan)—ito ay higit pa riyan! Kasama sa paghahangad ng kaalaman ang pormal na edukasyon, iba pang espesyal na pagsasanay, pag-aaral ng ebanghelyo, at di-pormal na pag-aaral.
May dahilan kung bakit ang Simbahan ay nagmamay-ari ng mga unibersidad, nagtataguyod ng online higher education program (BYU–Pathway Worldwide) at may programa sa pag-aaral ng ebanghelyo para sa mga young adult (institute of religion)—ito ay dahil, tulad ng ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Para sa mga miyembro ng Simbahan, hindi lamang isang magandang ideya ang edukasyon—ito ay isang kautusan.”1
Sekular na Pag-aaral: “Maging Handa sa Lahat ng Bagay”
Simula noong mga unang araw ng Simbahan, mataas na ang priyoridad sa edukasyon. Nang nanirahan ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, noong dekada ng 1830, sinimulan nila ang mga institusyong pang-edukasyon tulad ng School of the Prophets (pangunahing ginamit upang ihanda ang mga missionary), isang School for the Elders, isang paaralan sa Hebreo, isang high school, at ang pinakamahalaga, ang Kirtland Temple, na ang layunin ay maging “isang bahay ng pag-aaral” (Doktrina at mga Tipan 109:8). Kalaunan, sa Nauvoo, itinatag nila ang University of the City of Nauvoo, ang Nauvoo Seminary, at mga pribado at pampublikong paaralan. Matibay ang paniniwala nila na “ang pagtatamo ng kaalaman, kapwa sekular at sagrado, ay isang marangal na hangarin.”2
Habang lumilipat ang mga Banal pakanluran, patuloy silang nagtayo ng mga paaralan o akademya sa kanilang mga pamayanan. Ngunit gustung-gusto nilang matuto kaya nagdaos sila ng mga klase sa bahay nila, sa mga tolda, o maging sa labas. Itinala ni Pangulong George A. Smith (1817–75), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, kung paano nagtipon ang mga unang nanirahan sa Iron County, Utah, sa paligid ng isang siga sa napakalamig na temperatura ng Pebrero para pakinggan ang kanyang lektyur sa English grammar, habang ipinapasa ang isang aklat ng gramatika sa bawat isa dahil ito lamang ang mayroon sila.3
Ang ganitong uri ng kasiglahan sa pagkatuto ay ang ating pamana bilang mga miyembro ng Simbahan! Patuloy tayong hinikayat ng mga propeta at iba pang mga lider ng Simbahan na mag-aral. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Dahil sa ating mataas na pagpapahalaga sa katalinuhan ng tao, itinuturing natin ang pagtatamo ng edukasyon na isang sagradong tungkulin. …
“Kaya ang aking payo … ay ipagpatuloy ang inyong pag-aaral saanman kayo naroon, anuman ang inyong interes at oportunidad, anuman ang ipasiya ninyong pinakamainam na paraan para mapaglingkuran ang inyong pamilya at ang lipunan.”4
Maraming dahilan para sikaping makapag-aral: tinutulungan tayo nitong mas maunawaan ang tungkol sa mga tao at sa mundo sa ating paligid, at bibigyan tayo nito ng kakayahang turuan ang ating mga anak, maglingkod sa Simbahan at sa komunidad, at matustusan ang ating sariling pangangailangan at ng ating pamilya. Gaya ng itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Inutusan kayo ng Panginoon na turuan ang inyong isipan at inyong puso at inyong mga kamay. Sinabi ng Panginoon, ‘Masigasig kayong magturo … ng mga bagay maging sa langit at sa lupa … ; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa; ang mga digmaan at ang mga bumabagabag sa mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa mga kaharian—upang kayo ay maging handa sa lahat ng bagay’ (Doktrina at mga Tipan 88:78–80).
“Nais ng Panginoon na hasain ninyo ang inyong isipan at kakayahan upang maging impluwensya sa kabutihan habang kayo ay nabubuhay. … Ang inyong pag-aaral ay magpapatatag sa inyong paglilingkod sa Simbahan.”5
Espirituwal na Pag-aaral: “Alamin ang mga Hiwaga at Mapayapang Bagay”
Mahalaga man ang edukasyon sa silid-aralan, mas mahalaga ang ating espirituwal na edukasyon sa ating paglalakbay sa mortalidad.
Noong naglilingkod siya bilang commissioner ng Church Educational System, sinabi ni Elder Kim B. Clark, isang emeritus General Authority Seventy:
“Ang pinakamahalagang kaalamang kailangan ninyong matamo ay ang kaalaman tungkol sa mga bagay ng Diyos. …
“Ang pag-una sa espirituwal na kaalaman sa inyong puso’t isipan ay tumitiyak na magtitiwala kayo sa Panginoon at sa Banal na Espiritu sa inyong pag-aaral, na makikita ninyo ang lahat ng bagay na pinag-aaralan ninyo nang may kaalaman tungkol sa Kanyang ebanghelyo, at patuloy kayong matututo nang malalim sa buong buhay ninyo.”6
Ngayon ay napakarami nating makukuhang resources para tulungan tayo sa paghahangad nating mag-aral ng ebanghelyo. Hindi lamang tayo may mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta, kundi mayroon din tayong Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, pangkalahatang kumperensya, mga klase sa Sunday School, at home evening. Ang lahat ng ito ay mga pagkakataon para sa regular na pag-aaral ng ebanghelyo. Ang mga sagradong templo ay nilayon din para turuan tayo sa mga paraan ng Diyos.
Maaari ding samantalahin ng mga young adult ang institute of religion program ng Simbahan, na kinabibilangan ng mga kurso, mula sa lahat ng tungkol sa mga banal na kasulatan hanggang sa kasaysayan ng Simbahan upang makatulong sa pamumuhay nang kapaki-pakinabang. Ang pakikibahagi sa institute ay makatutulong sa iyo na maging mas mahusay na iskolar ng mga banal na kasulatan, magbibigay sa iyo ng mga pagkakataong magkaroon ng mga kaibigan, at, kung isa ka ring estudyante sa kolehiyo o unibersidad, magiging pambalanse ito sa iyong sekular na pag-aaral.
Kapag binigyan natin ng prayoridad sa ating buhay ang espirituwal na pag-aaral, pagpapalain tayo ng “paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang [ating] malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 42:61).
“Makilala … ang Diyos, at si Jesucristo”
Sa lahat ng ating pag-aaral—sekular o espirituwal—may isang mahalagang kaalaman na dapat nating hangarin nang higit sa lahat. Itinuro ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu: “Kailangan nating maunawaan na ang makilala ang Tagapagligtas ang pinakamahalagang hangarin natin sa buhay. Dapat itong mauna sa ano pa mang bagay.”7
Gayon din ang itinuturo ng mga banal na kasulatan:
“Lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si [Jesucristo]” (2 Pedro 3:18).
“Ang tunay na kaalaman … ay kaalaman tungkol sa kanilang Manunubos” (Helaman 15:13).
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si [Jesucristo] na iyong sinugo.” (Juan 17:3).
Kapag naglalaan tayo ng oras para tunay na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo, mas magiging katulad Nila tayo. At ang paggawa nito ay makatutulong din sa atin na makahanap ng kahulugan at layunin habang tayo ay nabubuhay. Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Sa lahat ng kayamanan ng kaalaman, ang pinakamahalaga ay ang kaalaman tungkol sa Diyos, tungkol sa kanyang pag-iral, sa kanyang kapangyarihan, pagmamahal, at kanyang mga pangako.”8
Habambuhay na Pag-aaral
Bilang mga young adult, dapat nating hangarin at samantalahin ang bawat pagkakataon upang maghangad na matuto at makapag-aral—kapwa sa paaralan at sa ebanghelyo. Sa pagkukumpara ng edukasyon sa pagiging handa nang may langis sa ating mga ilawan (tingnan sa Mateo 25:1–13), si Sister Mary N. Cook, dating Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, ay nagturo: “Ngayon ang panahon para masigasig ninyong dagdagan ang inyong espirituwal na kaalaman—nang paunti-unti—sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagsunod. Ngayon ang panahon para tapusin ang inyong pag-aaral—nang paunti-unti.”9
Alalahanin na inutusan tayo ng Ama sa Langit na maghangad na matuto. At ang kakayahang matuto ay tunay na kaloob mula sa Kanya. Kung tila mahirap abutin ang pormal na edukasyon, maaari kang manalangin para sa gabay at patnubay.
Ang habambuhay na pagkatuto ay maaaring maging isa sa mga pinaka-nakasisiyang aspekto ng ating buhay. Kung mamumuhunan tayo sa pag-aaral natin ngayon, makakasanayan natin ang huwaran ng habambuhay na pag-aaral na tutulong sa atin na maging mas mabubuting magulang sa ating mga anak, mas mabubuting empleyado sa ating mga employer, mas mabubuting mamamayan ng ating komunidad, mas mabubuting lingkod sa ating kapwa lalaki at babae, at mas mabubuting disipulo ni Cristo.