2022
Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Pinagtipanang Tao?
Pebrero 2022


Digital Lamang

Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Pinagtipanang Tao?

Ang pag-unawa sa ating mga pagpapala at responsibilidad bilang mga pinagtipanang miyembro ng Simbahan ay makatutulong sa atin na maranasan ang mas dakilang layunin ng buhay.

lalaking binibinyagan sa isang lawa

Larawang kuha ni Emily Walton

Maging totoo tayo: masakit ang mga nasirang pangako. Marami sa atin ang nakaranas ng kalungkutan na nagmumula sa gayong sitwasyon. Buti na lamang, kahit na nasisira ang mga pangako sa lupa ay maaari nating alalahanin na ang mga walang-hanggang pangako ay hindi kailanman masisira.

Kapag nakikipagtipan tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, malalaman natin nang may lubos na katiyakan na lagi Nilang tutuparin ang Kanilang mga pangako kapag tayo ay masunurin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10). Siyempre, nakadepende sa atin at sa mga puso nating handa na tuparin ang mga tipang iyon ang katuparan ng Kanilang ipinangakong mga pagpapala.

Ngunit anong mga pagpapala ang dumarating sa paggawa at pagtupad ng mga tipan? At ano ang mga responsibilidad natin bilang mga pinagtipanang miyembro ng Simbahan? Rebyuhin natin ang ilang alituntunin.

Mga Pagpapala Bilang mga Tumutupad ng Tipan

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kilala tayo bilang mga pinagtipanang tao ng Ama sa Langit (tingnan sa 1 Nephi 14:14).

Sa paggawa at pagtupad natin ng mga sagradong tipan sa Kanya sa oras ng binyag at sa templo, pinapangakuan tayo ng mga pagpapalang kaakibat ng tipang ginawa ni Jehova noong unang panahon kay Abraham (tingnan sa Genesis 17:4–8; Abraham 2:10–11; Bible Dictionary, “Abraham, covenant of”). Dalawa sa mga pagpapalang ito ang priesthood at walang hanggang pag-unlad. Bilang mga pinagtipanang miyembro ng Simbahan, matatanggap din natin

  • ang Espiritu Santo bilang ating kasama sa tuwina,

  • ang pagkakataong makapiling muli ang Ama sa Langit,

  • ang pagpapalang mabuklod sa ating mga pamilya sa kawalang-hanggan,

  • kadakilaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala, at

  • “lahat ng mayroon ang Ama” ( Doktrina at mga Tipan 84:38; tingnan din sa mga talata 33–34).

Binanggit ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang partikular na dakilang pangako tungkol sa mga tipan: “Ang mga tipan na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak ay hindi lamang gumagabay sa atin. Ibinibigkis tayo ng mga ito sa Kanya, at, dahil matibay na nakaugnay sa Kanya, madadaig natin ang lahat ng bagay.”1

Madaraig natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng pagtupad ng tipan.

Napakagandang katotohanan!

Ang Ating Responsibilidad Bilang mga Tumutupad ng Tipan

Ngunit ang pagiging tagatupad ng tipan ay hindi lamang tungkol sa pagtanggap ng mga pagpapala para sa ating sarili. Kasama nito ang responsibilidad na tulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapalang iyon. Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng responsibilidad, kapangyarihan, at awtoridad na gawin ang gawaing laan Niya para sa atin—upang madala ang lahat ng Kanyang mga anak sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Bilang mga pinagtipanang tao, bawat isa sa atin ay may pagkakataon at kapangyarihang isulong ang gawain at kaluwalhatian ng Ama sa Langit sa pakikibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa pamamagitan ng sumusunod:

  • “Pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Pangangalaga sa mga nangangailangan.

  • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo.

  • Pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan.”2

Bilang pinagtipanang mga tao ng Diyos, binibigyan tayo ng walang-katapusang mga pagpapala. Gawin natin ang ating parte para ibahagi ang mga pagpapalang iyon sa mga taong hindi pa alam ang katotohanan. Ang maranasan ang magagawa ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa ating buhay ay tunay na kagalakan.

Narito ang sinasabi ng mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo tungkol sa kahulugan sa kanila ng pagiging bahagi ng mga pinagtipanang tao.

Kagalakan, Kapayapaan, at Damdamin ng Pagpapahalaga sa Sarili

Ang paggawa at pagtupad ng aking mga tipan ay nakatulong sa akin na maunawaan ang aking tunay na halaga bilang anak ng Diyos. Nakikita ko na sa tuwing ako ay tunay at tapat sa aking mga tipan, lubos akong pinagpapala ng Panginoon. Nadama ko nang higit pa ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng paggawa ng mga tipan sa templo. At sa kabila ng kaguluhan sa paligid ko, palagi kong nadarama ang Kanyang presensya. Alam ko na makakaasa ako sa Ama sa Langit na tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako. Ang pagiging bahagi ng mga pinagtipanang tao ay tumutulong sa akin na malaman na sa kabila ng mga paghihirap at hamon na dinaranas ko sa buhay na ito, lagi akong makadarama ng kagalakan at kapayapaan sa aking landas pabalik sa Kanya.

Shalini Chand, Naitasiri, Fiji

Isang Pagpapakita ng Katapatan

Para sa akin, ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng pinagtipanang tao ay pagkakaroon ng kaalaman na hindi maibibigay sa akin ng mundo. Sa kaalamang ito na mula sa Ama sa Langit, mapagbubuti ko ang aking buhay upang maging katulad Niya at makapamumuhay nang masaya at nakasentro sa ebanghelyo. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay nagtutulot sa akin na ipakita sa Kanya ang aking katapatan, pananampalataya, at tiwala sa Kanya; sa pamamagitan niyan, natatanggap ko ang mga pagpapalang ipinapangako sa akin ng Diyos.

Ang pagtupad sa aking mga tipan at pagsunod sa mga kautusan ng ebanghelyo ay nakakaapekto sa aking buhay sa positibong paraan. Kahit sa mahihirap na panahon, ang pagiging tapat sa aking mga tipan ay tumutulong sa akin na malaman na makikita ko ang kamay ng Diyos sa aking buhay, na sasagutin Niya ang aking mga dalangin, at na matatanggap at matutukoy ko ang mga pagpapalang ibinibigay Niya sa akin.

Salvo Patamia, Lombardy, Italy

Pagdanas ng Kabuuan ng Ebanghelyo

Alam ng Ama sa Langit na hindi tayo perpekto. Ngunit nasaan man tayo sa ating paglalakbay bilang mga disipulo ni Jesucristo, kapag nagsisikap tayong gawin at tuparin ang mga sagradong tipan, mararanasan natin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang kagalakan at dakilang mga pagpapala na ipinapangako sa atin, tulad ng matatapat na Banal sa itaas.

Tulad ng paanyaya at pangako sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”3

Mga Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Bakit Mahalagang Tahakin ang landas ng Tipan,” Liahona, Mayo 2021, 118.

  2. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2, SimbahanniJesucristo.org.

  3. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7.