2022
Magsanay na Maging Perpekto
Pebrero 2022


Digital Lamang

Magsanay na Maging Perpekto

Mula sa isang mensahe sa 2021 Brigham Young University Women’s Conference.

Ang Tagapagligtas, na ang biyaya ay ginagawang posible ang kawalang-hanggan, ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong magsanay na maging perpekto sa buhay na ito.

paglalarawan ng mga kamay ng Tagapagligtas na tumutulong sa isang babae

Mahigit 30 taon na akong nagsasanay bilang abugado. Palagay ko may dahilan kung bakit tinutukoy nila itong pagsasanay sa batas.

Hindi pa ako nakaranas ng perpektong deposisyon ni nagsagawa ng perpektong pagsusuri—laging may isa pang tanong o mas magandang tanong na maaari ko sanang itinanong.

Hindi pa ako nakasulat ng perpektong legal na argumentong tinatawag na brief, dahil, sa pagbabalik-tanaw, laging may puntong maaari ko sanang ipinahayag nang mas malinaw.

At hindi ako kailanman nagbigay ng perpektong oral argument sa harapan ng isang hukom o mga hukom. Halos palaging sa kalagitnaan ng gabi pagkatapos ng argumento, ay noon ko naiisip ang isang bagay na talagang malinaw at nakahihikayat na maaari ko sanang sinabi.

Ngunit naniniwala ako na ang serbisyo na ibinibigay ko sa mga kliyente ko ay hindi lamang kasiya-siya kundi mahalaga rin. Nagsasanay ako sa batas nang nakatuon sa pagbabago, pagpapabuti, at pagiging perpekto. Ang aking mga pagsisikap, bagama’t hindi perpekto, ay sapat na dahil nagsasanay ako.

Halimbawa ni Saria

Isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan sa Aklat ni Mormon ay si Saria. Lagi akong natutuwang basahin ang tungkol sa kanya sa 1 Nephi. Nakauugnay ako sa kanya. Nauunawaan ko ang mga reaksiyon niya. Nagsanay si Saria sa pananampalataya nang lisanin niya ang Jerusalem at ang kanyang ginto at pilak at wala siyang dinala sa ilang maliban sa kanyang pamilya at ilang kailangang panustos. Pagkatapos ay alalahanin mula sa kabanata 3, nanaginip si Lehi na ang mga anak nila ni Saria ay dapat bumalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban.

Tumindi ang sitwasyon para kay Saria, na makikita natin dalawang kabanata kalaunan sa 1 Nephi 5. Matagal nang wala ang kanyang mga anak—hindi natin alam kung gaano katagal, ngunit alam natin na naglakbay sila pabalik sa Jerusalem, umuwi upang kunin ang lahat ng kanilang mahahalagang bagay, at gumamit ng ilang estratehiya upang makuha ang mga lamina mula kay Laman na walang kooperasyon. At nag-alala si Saria!

Sa tingin ko kaparehas ng magiging reaksiyon ko ang naging reaksiyon ni Saria. Nag-alala siya sa kanyang mga anak, nagdalamhati siya dahil sa kanila, nagreklamo siya nang kaunti, at dumating ang punto na may sinabi siya kay Lehi na malamang na pinagsisihan niya kalaunan na ito ay isang mapangitaing tao.

Ngunit nagsanay si Saria sa pananampalataya. Nakinig siya sa nakapapanatag na mga salitang sinabi sa kanya ni Lehi. Nagsanay siya sa pagtitiyaga. Nagsanay siyang maghintay sa Panginoon. Nagsanay siya sa pagsuporta sa kanyang asawa. At nang bumalik ang kanyang mga anak na dala ang mga laminang tanso, napuspos siya ng kagalakan! At pagkatapos ay nalaman niya “nang may katiyakan” (1 Nephi 5:8) na sila ay nasa misyon mula sa Panginoon. Ang kanyang nasanay na pananampalataya ay lubhang naging napakalakas, kaya handa siyang sumakay ng barkong ginawa ng kanyang mga anak na lalaki, na hindi sanay gumawa ng barko, upang maglayag papunta sa isang di-kilalang destinasyon, na naging lupang pangako.

Nagsasanay si Saria noon. Nagsanay siya sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagtitiyaga at ng mahabang pagtitiis. Nagsanay siyang maging perpekto.

Pagiging Perpekto sa Mortalidad kumpara sa Walang-Hanggang Kasakdalan

Maaari tayong maging perpekto sa maliliit na gawain. Halimbawa, maaari tayong maging perpekto sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw. Makapagbabayad tayo ng ating ikapu sa perpektong paraan. O maaari tayong tumugtog ng isang piyesa ng musika nang may katumpakan, na tama ang bawat nota. Pero iniisip ko kung ang isang musikerong tumutugtog ng isang piyesa ng musika nang hindi nagkakamali ay nag-iisip pa rin kung naipahayag niya ang tamang damdamin. Para sa akin ito ang kaibhan ng pagiging perpekto sa mortalidad—ang pagtugtog ng tama sa bawat nota—at walang hanggang kasakdalan—ang paglikha ng napakagandang awitin. Ang napakagandang awit na iyon ay maaari lamang tugtugin kasama ang at dahil sa Tagapagligtas.

Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hinihintay ang pagiging perpekto. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Naghihintay ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan.”1

Sa huling pagsamo sa atin ni Moroni, sinabi niya, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32).

Ang Halimbawa ng mga Jaredita

Naaalala ba ninyo ang kapatid ni Jared at ang kanyang mga tao, na inutusang gumawa ng mga gabara ayon sa mga tagubilin ng Panginoon? Ang mga gabara ay maliliit, magaan sa tubig, at mahigpit tulad ng isang pinggan.

At sa pagpapakita ng napakalaking pananampalataya, ang mga Jareditang iyon ay pumasok sa mga gabara na ginawa nila at “maraming ulit na nalibing sa … dagat, dahil sa … mga alon na humahampas sa kanila. … At … hindi tumigil ang hangin sa pag-ihip … habang sila ay nasa mga tubig,” hanggang sa makalipas ang 344 na araw ay nakarating sila sa lupang pangako. (Tingnan sa Eter 6:6, 8, 11, 12.)

Ngunit alalahanin na bago pumasok ang mga Jaredita sa mga gabara na tutungo sa lupang pangako, habang naglalakbay sila sa ilang, sila ay “gumawa ng mga gabara, kung saan sila ay tumawid ng maraming tubig, patuloy na binibigyang-tagubilin ng kamay ng Panginoon” (Eter 2:6). Nagsanay sila sa paggawa ng mga gabara at nagsanay na manampalataya sa Panginoon bago nagsimula ang kanilang 344-araw na paglalakbay. Mangyari pa, maaari silang akayin ng Panginoon sa paligid ng mga katubigang iyon habang naglalakbay sila sa ilang. Ngunit hindi Niya ginawa iyon! Hinayaan Niya silang magsanay sa paggawa ng mga gabara, at, higit sa lahat, binigyan Niya sila ng mga pagkakataong sanayin ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Sa palagay ko inihanda sila ng kanilang pagsasanay para sa napakatagal na paglalakbay na iyon patungo sa lupang pangako.

Ginawang Posible ng Tagapagligtas ang Pagiging Perpekto

Nagsasanay tayong maging perpekto upang makabalik sa ating tahanan sa langit. At ang Tagapagligtas, na ang biyaya ay ginagawang posible ang kawalang-hanggan, ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong magsanay.

Ang pagiging perpekto, sa mortal at sa kawalang-hanggan, ang ating layunin. Sa Tagapagligtas, ang pagsasanay para maging perpekto ay nagdudulot nito. Siya na ang magpupuno sa mga pagkukulang natin. Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson: “Gawin natin ang lahat ng ating makakaya at sikaping magpakabuti pa bawat araw. Kapag nagkamali tayo, maaari nating sikaping itama ang mga ito. Maaari tayong maging mas mapagpatawad sa mga pagkakamali natin at ng mga minamahal natin. Maaari tayong maging panatag at mapagtiis.”2

Patuloy na magsanay! Ipinaalala sa atin ng mahal nating propeta, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap, dahil naghahatid ito ng mga gantimpala na hindi darating kung wala ito.”3

Pinatototohanan ko na mahal kayo ng Panginoon at nais Niyang makauwi kayo. Ang pagiging perpekto ay magmumula sa Kanya at kasama Siya.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 88.

  2. Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” 88.

  3. Russell M. Nelson, sa Joy D. Jones, “Isang Natatanging Dakilang Tungkulin,” Liahona, Mayo 2020, 16.