Mensahe ng Unang Panguluhan
Kailangan ng Mundo ng mga Pioneer Ngayon
Para sa marami, ang paglalakbay ng mga pioneer noong 1847 ay hindi nagsimula sa Nauvoo, Kirtland, Far West, o New York kundi sa malayong England, Scotland, Scandinavia, o Germany. Hindi lubos na maunawaan ng maliliit na bata ang malakas na pananampalatayang naghikayat sa kanilang mga magulang na iwanan ang kanilang pamilya, mga kaibigan, kaginhawahan, at katiwasayan.
Maaaring itanong ng isang bata, “Inay, bakit po tayo aalis sa bahay natin? Saan po tayo pupunta?”
“Halika, mahal kong anak; pupunta tayo sa Sion, ang lungsod ng ating Diyos.”
Sa pagitan ng ligtas na tahanan at pangako ng Sion ay naroon ang nagngangalit at mapanganib na karagatan ng Atlantic. Sino ang makapaglalarawan ng takot na bumalot sa puso ng tao sa mapanganib na pagtawid na iyon sa karagatan? Sa paghihikayat ng mararahang bulong ng Espiritu, na pinalakas ng simple subalit matibay na pananampalataya, ang mga Banal na pioneer na iyon ay nagtiwala sa Diyos at nagsimula sa kanilang paglalakbay.
Sa wakas ay narating nila ang Nauvoo para lamang muling harapin ang mga hirap ng paglalakbay sa daan. Mga lapidang yari sa sambong at bato ang tanda ng mga libingan sa buong daanan mula Nauvoo hanggang Salt Lake City. Iyon ang sinapit ng ilang pioneer. Ang kanilang mga katawan ay nalibing sa kapayapaan, ngunit ang kanilang pangalan ay maaalala magpakailanman.
Mabagal nang lumakad ang pagod na mga baka, umingit na ang mga gulong ng mga bagon, nagpakahirap ang matatapang na kalalakihan, tumunog ang mga tambol, at umalulong ang mga koyote. Ngunit patuloy na naglakbay ang mga pioneer na nahikayat ng pananampalataya at napilitang humayo dahil sa paghihirap. Madalas nilang inawit ang:
Mga Banal, halina’t gumawa;
Maglakbay sa tuwa.
Mahirap man ang ‘yong kalagayan,
Biyaya’y kakamtan. …
Kay-inam ng buhay!1
Naalala ng mga pioneer na ito ang mga salita ng Panginoon: “Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay, nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion.”2
Dahil sa paglipas ng panahon nakakalimot tayo at napapawi ang pagpapahalaga natin sa mga naglakbay sa mahirap na daan, na nag-iwan ng mga libingang walang pangalan sa kanilang landas. Ngunit ano naman ang mga hamon sa panahong ito? Wala bang mga baku-bakong daang lalakbayin, mababatong kabundukang aakyatin, mga banging tatawirin, mga landas na tatahakin, mga ilog na tatawirin? O talagang kailangan natin ang katatagang iyon ng mga pioneer para gabayan tayo palayo sa mga panganib na nagbabantang igupo tayo at akayin tayo patungo sa kaligtasan ng Sion?
Sa mga dekada mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga pamantayan ng moralidad ay paulit-ulit na bumaba. Patuloy ang pagtaas ng krimen; patuloy ang pagbaba ng moralidad. Maraming naghahangad ng mga bagay na nakapipinsala, nagnanais na dumanas ng pansamantalang kasiyahan habang isinasakripisyo ang kagalakan ng kawalang-hanggan. Sa gayo’y nawawalan tayo ng kapayapaan.
Nalilimutan natin kung paano magiting na nagtagumpay ang mga Griyego at Romano sa isang malupit na mundo at paano nagwakas ang tagumpay na iyan—kung paano sila nadaig ng kapabayaan at kahinaan sa huli na humantong sa kanilang pagkawasak. Sa huli, mas ginusto pa nilang magkaroon ng katiwasayan at maginhawang buhay kaysa magkaroon ng kalayaan; at nawala sa kanila ang lahat ng ito—kaginhawahan at katiwasayan at kalayaan.
Huwag padaig sa mga panunukso ni Satanas; sa halip, matatag na manindigan para sa katotohanan. Ang di-natugunang mga hangarin ng kaluluwa ay hindi matutugunan ng walang-katapusang paghahanap ng kagalakan sa mga panandaliang kasiyahan at kasamaan. Ang kasamaan ay hindi kailanman hahantong sa kabanalan. Ang galit ay hindi kailanman nagbubunga ng pagmamahal. Ang karuwagan ay hindi kailanman nagbibigay ng katapangan. Ang pag-aalinlangan ay hindi kailanman nagpapalakas ng pananampalataya.
Nahihirapan ang ilan na tiisin ang pangungutya at pang-iinsulto ng mga hangal na tao na nanlilibak sa kalinisang-puri, katapatan, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. At laging minamaliit ng daigdig ang pagsunod sa alituntunin. Nang utusan si Noe na gumawa ng daong, tumingin ang mga hangal sa maaliwalas na kalangitan at saka nangutya at nagtawanan—hanggang sa bumuhos ang ulan.
Dapat ba nating paulit-ulit na matutuhan ang mahahalagang aral na iyon? Ang panahon ay nagbabago, ngunit nananatili ang katotohanan. Kapag hindi tayo natuto mula sa mga karanasan ng nakaraan, nakatadhanang maulit natin ang mga ito lakip ang lahat ng kanilang pighati, pagdurusa, at kalungkutan. Hindi ba’t alam natin na dapat tayong sumunod sa Kanya na siyang nakaaalam ng simula mula sa wakas—ang ating Panginoon, na siyang gumawa ng plano ng kaligtasan—sa halip na sa ahas na iyon, na humahamak sa kagandahan nito?
Ang kahulugan ng pioneer sa diksiyunaryo ay “isang taong nauna upang ihanda o buksan ang daang susundan ng iba.”3 Maaari ba tayong magkaroon ng katapangan at katatagan ng layunin na siyang katangian ng mga pioneer noong naunang henerasyon? Maaari ba kayo at ako, sa totoong buhay, na maging mga pioneer?
Alam kong maaari. Talagang kailangan ng mundo ng mga pioneer ngayon!