Kapangyarihan SA mga Tipan
Ang tipan ay isang pangako, at marami pang iba.
Kapag naririnig ninyo ang salitang tipan, ano ang naiisip ninyo? Kung ang sinabi ninyo ay, “Pangako ninyo ng Diyos sa Isa’t isa,” tama kayo.
Ngunit ang pakikipagtipan sa ating Ama sa Langit ay higit pa riyan. Sa sagradong pangakong iyan, may kapangyarihan, lakas, at kapayapaan. Kapag pinagninilayan ninyo ang mga tipang ginawa ninyo at gagawin sa inyong buhay, at ginawa ninyo ang inyong bahagi sa tipan, magsisimulang magbago ang pakiramdam at pamumuhay ninyo. Naiimpluwensyahan ng mga tipan ang pagkilos ninyo at ginagabayan kayo sa inyong mga pagpili.
Narito ang ilang halimbawa ng kaibhang naidulot ng mga tipan sa buhay ng ilang kabataan.
“Pinapanatili kayo ng tipan sa makipot at makitid na landas, tinutulungan kayong mamuhay nang mas mabuti, at binibigyan kayo ng mas malalim na pang-unawa.”
Marcus A., edad 17, Utah, USA
“Ang katotohanang nakipagtipan ako sa Ama sa Langit ay nagbigay sa akin ng mga oportunidad na esprituwal na umunlad at maging mas matapat na miyembro. Sa tuwing may gagawin ako, iniisip ko ang mga tipang ginawa ko sa ating Ama sa Langit at tinatanong ang sarili ko kung tinutupad ko ba ang mga pangako ko sa Kanya noong binyagan ako at noong tinanggap ko ang priesthood. Ang mga tipang ginawa ko sa ating Ama sa Langit ay tumulong sa akin na manatiling matatag sa ebanghelyo at makasama Siya balang araw.”
Efraín V., edad 14, New Zealand
“Naaalala ko noong binyagan ako—iyon ang pinakamasaya kong sandali dahil iyon ang pinakauna kong tipan. Sumunod ay noong tinanggap ko ang priesthood. Ganoon din ang nadama kong saya. Ang laki ng ngiti sa mukha ko nang matanto kong nakipagtipan ako sa Diyos. Kapag naririnig kong pinagtatawanan ng mga bata ang Simbahan, inaalala ko ang kaligayahang nadama ko at naaalala ko na nakipagtipan ako sa Diyos at hindi sa tao.”
Bradford A., edad 16, Arizona, USA
“Ang pakikipagtipan ay nagbibigay sa atin at sa aming pamilya ng napakaraming biyaya. Halimbawa, kapag nabinyagan na tayo nakakaya nating magbago, mas magpakabuti. Ang mga tipang ginawa natin sa ating Ama sa Langit ay nagpapatibay sa pananampalatayang kailangan natin upang manatiling tapat sa ebanghelyo.”
Naomi A., edad 15, Guadalajara, Mexico
“Nitong nakaraang tag-init pumunta ako sa templo nang madalas para magpabinyag para sa mga patay. Sa pagtupad ko sa aking mga tipan at pagpunta sa templo at paggawa ng tama, pinagpala ako. Talagang kinakabahan ako kapag huling eksamen na. Pumunta ako sa templo, at naging mas maayos ang lahat. Kapag tinutupad ko ang mga tipan nagiging mas magaan at mas masaya ang buhay.”
McKenna M., edad 18, California, USA
“Noong unang beses akong nagpasa ng sakramento bilang deacon, kabadong-kabado ako. Pagkatapos ay naalala ko ang araw na nabinyagan ako, at nadama ko ang Espiritu Santo. Kusa na lang nawala ang kaba ko at nakapagpasa ako nang mabuti.”
Seth A., edad 12, Mexico City, Mexico
“Nakatanggap ako ng maraming biyaya sa pagtupad ko sa aking mga tipan. Dahil sa mga tipan ko sa binyag, natulungan ako ng Espiritu Santo na makapagpasiya. Ang tipan noong tanggapin ninyo ang priesthood ay ang pangako na gagamitin ang priesthood para tulungan ang iba at maglingkod. Mapapalakas ang patotoo ninyo kapag kayo ay naglilingkod.”
Erik N., edad 15, Alberta, Canada
“Hindi puwede iyong basta mo na lang gagawin kahit anong gusto mo at pagkatapos aasa ka na tutuparin ng Diyos ang pangako Niya. Malaki ang inaasahan niya sa iyo dahil alam Niya ang potensyal mo. Talagang lalo akong nahikayat nito na magpakabuti.”
Jolee H., edad 15, Colorado, USA