Pagtatrabaho para sa Panginoon
Mary Jane Lumibao Suya, Pilipinas
Kami ng asawa kong si Cyrus ay ikinasal sa templo noong Mayo 23, 2006. Bago kami ikinasal, kinailangang pumasok si Cyrus sa kanyang trabaho sa laboratoryo tuwing Linggo. Palipat-lipat ang iskedyul niya, pero karaniwan ay nagtatrabaho siya mula hatinggabi hanggang alas-8:00 n.u. Pagkatapos ng trabaho uuwi na siya para palitan ang kanyang uniporme ng damit-pangsimba at tutuloy na sa simbahan, na nagsisimula nang alas-9:00 n.u. Ganito ang iskedyul niya hanggang sa ikasal kami.
Kung minsan mag-isa akong nagsisimba dahil hindi siya nakakauwi kaagad mula sa trabaho. Noon pa man ay pinangarap na namin na hindi na niya kailanganing magtrabaho sa araw ng Sabbath. Noong unang Linggo ng Hunyo 2006, nag-ayuno kami sa unang pagkakataon bilang mag-asawa. Nanalangin kami nang may pananampalataya na mabiyayaan ng trabaho si Cyrus na hindi siya pagtatrabahuhin tuwing Linggo.
Makaraan ang ilang araw bandang alas-10:00 n.u., nagtaka ako kung nasaan si Cyrus dahil karaniwan ay umuuwi siya sa pagitan ng alas-8:00 at alas-9:00 n.u. Bigla kong naisip: “Baka nataas na siya ng ranggo.” Sa wakas ay dumating din si Cyrus nang bandang alas-11:00 n.u. Pagkapasok niya sa bahay namin, sinabi niya mayroon siyang mabuting balita at masamang balita.
Sinabi ko sa kanya na sabihin muna niya sa akin ang masamang balita. Sinabi niya na hindi maglalaon ay lilisanin namin ang Iligan, Pilipinas, at lilipat kami sa Panay, Pilipinas. Noong una ay hindi ko nagustuhan ang balita dahil mahal namin ang mga tao sa aming stake. Mababait sila sa amin at itinuturing kaming kapamilya nila, batid na wala kaming kamag-anak ni Cyrus sa malapit.
Nang tanungin ko siya kung bakit kailangan naming lumipat sa Panay, sinabi niya na dahil iyon sa mabuting balita. Ininterbyu siya ng kanyang boss para sa ibang trabaho na nasa Panay. Tinanong ko siya kaagad hindi tungkol sa kanyang suweldo kundi kung pagtatrabahuhin pa rin siya tuwing Linggo. Nang sumagot siya ng, “Hindi na!” napakasaya ko. Niyakap ko siya at sinabi sa kanya na ang bago niyang trabaho ang sagot sa aming mga panalangin at pag-aayuno. Makalipas ang dalawang buwan, nagsimulang magtrabaho si Cyrus sa Panay.
Inaalala tayo ng Ama sa Langit, at pinagpapala Niya tayo kapag sumasampalataya tayo at sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Nagpapasalamat ako sa mga alituntunin ng panalangin at pag-aayuno. Isang biyaya sa amin ang trabaho ng aking asawa. Ngayon ay may oras na siyang gampanan ang kanyang tungkulin sa aming ward, at ang tanging ginagawa niya tuwing Linggo ay ang gawain ng Panginoon.