Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Ibinalik nang may Dangal,” pahina 50: Matapos basahin ang kuwento, maaaring i-download at panoorin ng inyong pamilya ang video na “Honesty: You Better Believe It! [Katapatan: Makabubuting Paniwalaan Ninyo Ito!]” sa youth.lds.org (makukuha sa Ingles, Portuges, at Espanyol). Maaaring ibahagi ng mga miyembo ng pamilya ang natutuhan nila mula sa kuwento o sa video. Maaari din ninyong basahin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ang tungkol sa katapatan at integridad (pahina 19). Para sa aktibidad, maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang mga sitwasyon na maaaring sumubok sa kanilang katapatan. Isulat ang mga sitwasyon sa mga piraso ng papel, ilagay ang mga ito sa isang mangkok, at pakuhanin ng isang papel ang bawat isa mula rito. Pagsalit-salitin ang lahat sa pagbabasa ng sitwasyon at pagsasabi kung ano ang dapat gawin sa gayong sitwasyon upang maging matapat.
“Ang Alpombrang May Kuwento,” pahina 66: Sa kuwentong ito, tinanong ni Katy si Lola kung ano ang ginusto niyang gawin na kasama ang kanyang pamilya noong bata pa siya. Ano ang sinabi ni Lola na ginusto nilang gawin? Pagkatapos ay tinuruan ni Lola si Katy ng isang bagong kasanayan, at magkasama silang bumuo ng isang magandang alaala. Isiping basahin ang ikapitong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ayon doon, paano itinatatag ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak? Pumili ng isa sa mga tuntuning ito, tulad ng awa, at talakayin ito bilang pamilya. Para sa tuntuning ito, maaari ninyong paglistahin ang pamilya ng mga paraan na maaari silang maging maawain sa mga miyembro ng pamilya at sa iba. Makapagtatakda kayo ng mga mithiin para sa loob ng isang linggo upang magpakita ng higit na awa at talakayin ninyo sa susunod ninyong family home evening kung paano ninyo nakamtan ang inyong mga mithiin. Maaari ninyong tapusin ang inyong lesson sa pagkanta ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Mga Himno, blg. 188).
Sa Inyong Wika
Ang Liahona at iba pang mga materyal ng Simbahan ay makukuha sa maraming wika sa languages.lds.org.