2013
Pananampalataya at Katatagan ng mga Pioneer—Noon at Ngayon
Hulyo 2013


Pananampalataya at Katatagan ng mga Pioneer Noon at Ngayon

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa Ogden, Utah, noong Hulyo 15, 2012.

Elder M. Russell Ballard

Kailangan tayong magsama-sama bilang mga pioneer sa panahong ito, na namumuhay na katulad ni Cristo, sinusuportahan ang mabubuting mithiin sa ating komunidad, at pinatatatag ang ating pamilya at tahanan.

Ang mga unang taon ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay puno ng malalaking pagsubok. Dahil diyan, nalampasan ng mga lider na nakaligtas sa mga unang panahong ito, tulad nina Brigham Young, Heber C. Kimball, John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, at Joseph F. Smith, ang halos di-makayanang mga pagsubok sa pagtawid sa mga kapatagan at pagtatatag ng Simbahan sa Rocky Mountains.

Palagay ko ay mapapangiti ang mga pioneer noong araw kapag nakita nila kung ano na ang naisagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw. Malaki ang utang na loob natin sa mga pioneer at hindi natin dapat kalimutan kailanman na ang tagumpay sa panahong ito ay nakasalig sa katatagan at katapangan ng mapagkumbabang mga dakilang tao ng nakaraan.

Tungkol sa ating matatapat na pioneer, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Mabuting lingunin ang nakaraan para mapahalagahan ang kasalukuyan at magkaroon ng pananaw tungkol sa hinaharap. Mabuting masdan ang mabubuting katangian ng mga nauna sa atin, upang magkaroon ng lakas para sa anumang naghihintay sa atin sa hinaharap. Mabuting pagnilayan ang gawain ng mga taong iyon na nagsumigasig nang husto at kakaunti ang napala sa mundong ito, ngunit mula sa kanilang mga pangarap at maaagang plano, na pinangalagaan nila nang husto, ay nakinabang tayo nang husto sa mga ibinunga nito. Ang kanilang napakalaking halimbawa ay maaaring maging makabagbag-damdaming panghihikayat sa ating lahat, sapagkat bawat isa sa atin ay isang pioneer sa kanyang sariling buhay.”1

Pananampalatayang Sumunod

Hindi lamang ang mga lider na iyon ang may sapat na pananampalatayang sumunod kay Brigham Young sa tigang na disyerto. Marami ring sumunod na karaniwan ngunit matapang na mga miyembro ng Simbahan. Mula sa kasaysayan ng Simbahan nakilala natin ang mga magulang ni Oliver Huntington, na noong 1836 ay iniwan ang mariwasang buhay sa Watertown, New York, pati na ang isang 230-acre (93 ha) na bukirin na may magandang bahay na yari sa bato at dalawang kamalig na yari sa matitibay na kahoy, at kasama ang kanilang pamilya ay naglakbay upang makasama ang mga Banal sa Kirtland, Ohio.

Matapos nilang iwan ang lahat, isinulat ni Oliver, “Masakit sa bawat isa [sa mga magulang ko], na makita ang iba na nagugutom at lalong mas masakit sa kanila [na] makitang humihingi ng tinapay ang kanilang mga anak at wala silang maibigay sa kanila ni hindi nila alam kung saan manggagaling ang susunod na pagkain.” Pinatunayan ni Oliver ang pananampalataya ng kanyang pamilya sa pagsasabi na hindi niya kailanman narinig na bumulung-bulong o nagreklamo ang kanyang mga magulang laban sa sinumang mga awtoridad ng Simbahan o nag-alinlangan tungkol sa katotohanan ng gawain.2

Naalala ni Emily Partridge, anak ng unang bishop ng Simbahan sa dispensasyong ito, na iniwan nila ang magandang tahanan nila sa Painesville, Ohio, para lumipat sa Jackson County, Missouri, noong 1831 nang siya ay pitong taong gulang lamang.3 Hindi nagtagal, pinalayas ng masasamang tao ang kanyang pamilya sa kanilang tahanan at kinailangan nilang lumipat sa Clay County. Inilarawan niya kung paano sila nakahanap kalaunan ng isang “lumang bahay na kahoy na dating kuwadra ng mga hayop. … May isang malaking silid, at isang maliit na gusali na hindi maayos ang pagkakagawa, ngunit hindi na ito mapapakinabangan, dahil ang sahig ay halos sira nang lahat, at may malalaking daga at ahas doon. Ang kanilang napakalaking halimbawa ay maaaring maging makabagbag-damdaming panghihikayat sa ating lahat, sapagkat bawat isa sa atin ay isang pioneer sa kanyang sariling buhay.”4

Kalaunan ay lumipat ang pamilya sa Illinois. Ibinuod ni Emily ang kanilang karanasan: “Mahirap ang panahon at labis ang pagdarahop namin, dahil ninakawan kami at pinalayas sa aming mga tahanan at ari-arian nang maraming beses, at marami ang nagkasakit.”5

Si Phoebe Carter ay naglakbay rin ng 750 milya (1,200 km) mula Scarboro, Maine, patungo sa Kirtland, Ohio, noong 1835. Si Phoebe ay 28 taong gulang nang ipasiya niyang sumama sa mga miyembro ng Simbahan, kahit kinailangan niyang maglakbay nang mag-isa. Ayon sa inilahad niya kalaunan: “Namangha ang mga kaibigan ko sa aking pasiya, katulad ko, ngunit may nagtulak sa akin na gawin iyon. Ang kalungkutan ng aking ina sa aking pag-alis ay halos hindi ko makayanan; at kung hindi lang dahil sa espiritu ay baka bumigay na rin ako sa huli. Sinabi ni Inay sa akin na mas mabuti pang makita niya akong nakalibing kaysa mag-isang humayo sa mundong puno ng kalupitan. … ‘Phoebe,’ sabi niya, nang buong pagmamahal, ‘babalik ka ba sa akin kung malaman mo na hindi totoo ang Mormonismo?’ Tatlong beses akong sumagot, ‘Opo, inay, babalik ako.’ …Nang oras na para umalis ako hindi ko magawang magpaalam, kaya’t sumulat ako ng pamamaalam sa bawat isa, at iniwan ko ang mga ito sa aking mesa, tumakbo ako pababa ng hagdan at sumakay sa karuwahe. Gayon ko nilisan ang pinakamamahal na tahanang kinalakhan ko upang mamuhay sa piling ng mga Banal ng Diyos.”6

Sa puntong iyan walang kamalay-malay si Phoebe na aakayin siya ng pananampalataya niya sa paglalakbay nang mahigit pa sa 750 milya (1,200 km) patungong Kirtland. Ikakasal siya kay Wilford Woodruff at sasama sa kanya sa paglalakbay sa Missouri patungong Nauvoo at pagkatapos ay sa 1,350-milya (2,170 km) paglalakbay sa ilang patungong Great Salt Lake Valley.

Ang aking lolo-sa-tuhod na si Henry Ballard ay sumapi sa Simbahan noong Pebrero 1849 sa Thatcham, England, noong siya ay 17 taong gulang. Para mabayaran ang pamasahe papuntang Amerika, nangontrata nang dalawang taon si Henry sa isang kumpanya na kabahagi sa pag-aari sina Lorenzo at Erastus Snow. Inupahan siyang akayin ang kawan ng mga tupa pakanluran patungong Salt Lake Valley. Inilarawan ni Henry ang pagpasok niya sa lambak sa sumusunod na mga salita:

“Noong Oktubre nang akayin ko ang mga tupa pababa sa maliit na bundok at papasok sa bukana ng Emigration Canyon, una kong nakita ang Salt Lake Valley. Kahit nagalak akong makita ang ‘Lupang Pangako,’ natakot ako na baka may makakita sa akin. Nagtago ako sa likod ng mga palumpong sa buong maghapon hanggang sa dumilim dahil ang suot kong gula-gulanit na damit ay hindi matakpan ang aking katawan at nahihiya akong may makakita sa akin. Nang dumilim tumawid ako sa bukid papunta sa isang bahay na may liwanag … at nahihiyang kumatok ako sa pinto. Mabuti na lang, isang lalaki ang nagbukas ng pinto at hindi inilantad ng liwanag ng kandila ang katawan ko sa iba pang mga miyembro ng kanyang pamilya. Humingi ako ng maisusuot para matakpan ang aking hubad na katawan para maipagpatuloy ko ang aking paglalakbay at mahanap ang aking mga magulang. Binigyan ako ng ilang kasuotan at kinabukasan ay ipinagpatuloy ko ang aking paglalakbay at dumating ako sa Salt Lake City noong ika-16 ng Oktubre, 1852, na labis na nagpapasalamat sa Diyos na nakarating ako nang ligtas sa magiging tahanan ko.”7

Sa saganang mga pagpapala sa atin sa panahong ito, puspos ang puso ko ng pagmamahal at paghanga sa isang dakila at matapang na ninuno.

Ang aking lola-sa-tuhod ay isang Scottish na nagngangalang Margaret McNeil, na dumating sa Utah kasama ang kanyang mga magulang sa edad na 13. Naglakad siya patawid ng kapatagan at akay niya ang isang baka, at pasan-pasan ang kanyang nakababatang kapatid na si James sa halos buong paglalakbay. Sila ng kanyang pamilya ay humimpil sa labas ng bayan ng Ogden, at kalaunan ay itinala niya ito sa kanyang talambuhay:

“Sa kabila ng bukirin mula sa kinaroroonan namin ay may isang maliit na bahay, at sa bakuran nito ay may malaking tumpok ng kalabasa. Halos mamatay na kaming lahat sa gutom. Pinapunta ako ni Inay sa lugar na ito para manghingi ng kalabasa, dahil wala kami ni isang sentimo, at ang ilan sa mga bata ay hinang-hina na dahil sa gutom. Kumatok ako sa pinto, at isang matandang babae ang nagbukas at nagsabing, ‘Halika, pasok ka, alam kong darating ka at sinabihan akong bigyan ka ng pagkain.’ Binigyan niya ako ng isang malaking tinapay na bagong luto at nagbilin na sabihin ko sa nanay ko na pupunta siya sa amin maya-maya. Hindi nagtagal ay dumating siya at dinalhan kami ng masarap na lutong pagkain, na matagal na rin naming hindi natikman.”8

Pisikal at Espirituwal na Pagsagip

Mula sa mga karanasan ng mga pioneer, nalaman natin kung gaano kalaking pananampalataya at katapangan ang kinailangan nila para malakbay ang kapatagan 165 taon na ang nakararaan. Bagama’t ang mga handcart pioneer ay kumakatawan sa wala pang 10 porsiyento ng mga nandayuhang Banal sa mga Huling Araw mula 1847 hanggang 1868, naging mahalagang simbolo sila sa kultura ng LDS, na sumasagisag sa katapatan at sakripisyo ng henerasyon ng mga pioneer.

Tulad ng naaalala ninyo, inabutan ng maagang pag-ulan ng niyebe ang Willie at Martin company sa Wyoming, at maraming Banal ang namatay sa lamig. Habang naroon sa dinaanan nila ilang taon na ang nakalilipas, nakatayo kami ng aking pamilya at nakatunghay sa Sweetwater area kung saan nahimpil, gininaw at nagutom ang Willie company. Nabasa natin sa kanilang mga journal ang kanilang matitinding pagsubok at kagalakan nang sila ay masagip. Isinulat ni John Chislett:

“Kalulubog pa lamang ng araw sa likod ng malayong kaburulan, … ilang bagon na may takip … ang nakitang papalapit sa amin. Kumalat ang balita na parang apoy sa aming kampo. … Narinig ang hiyawan ng kagalakan; umiyak ang matatapang na kalalakihan hanggang sa malayang umagos ang kanilang mga luha sa kulubot nilang mga pisngi na sunog sa init ng araw. …

“… Nang gabing iyon, sa unang pagkakataon pagkaraan ng mahaba-habang panahon, narinig ang mga awitin ng Sion sa kampo. … Dahil napawi na ang gutom, at puspos ng pasasalamat sa Diyos at sa aming mababait na kapatid ang aming puso, nagkaisa kaming lahat sa panalangin, at nagsitulog na kami.”9

Habang nakatayo kami sa burol na tinatawag ngayong “the Eminence,” nagkaroon ako ng inspirasyong magpatotoo sa aking pamilya at sa iba pa naming mga kasama. Sabi ko, “Kahit malaki ang pasalamat ng matatapat na pioneer na ito na makita ang grupong sumagip sa kanila, higit pang dakila ang pagsagip sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.” Ipinaalala ko sa aming grupo na anuman ang relihiyon ng tao, ang Panginoong Jesucristo—ang Tagapagligtas ng sanlibutan—ang sentro ng lahat ng paniniwalang Kristiyano, at Kanyang sinagip ang buong sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, binigyan Niya tayong lahat ng pag-asa para sa ngayon at katiyakan sa kawalang-hanggan.

Pagdaig sa Ilang sa Panahong Ito

Ang pagdurusa ng mga pioneer ay nagdulot ng lakas sa kanilang buhay na naipasa sa atin. Hindi pag-iimpake ng ilang kagamitan sa mga bagon o kariton at paglalakad nang 1,300 milya (2,090 km) ang paraang ipagagawa sa karamihan sa atin para ipakita ang ating pananampalataya at katapangan. Nahaharap tayo sa iba’t ibang pagsubok ngayon—iba’t ibang mga bundok na aakyatin, iba’t ibang ilog na tatawirin, iba’t ibang lambak na “[pamumulaklakin] na gaya ng rosa[s]” (Isaias 35:1). Ngunit kahit ang ilang na ibinigay sa atin upang daigin ay malinaw na kakaiba sa baku-bako at mabatong daan patungong Utah at sa tigang na lupang nakaharap ng ating mga ninunong pioneer, mahirap na pagsubok pa rin ito para sa atin na katulad sa kanila.

Ang pagsubok natin ay nasa paninirahan sa isang mundong makasalanan at walang pagpapahalaga sa mga espirituwal na bagay, kung saan ang pagpapakasaya, panloloko, at kasakiman ay tila makikita sa lahat ng dako. Ang mundo sa panahong ito ay puno ng kalituhan at kaguluhan. Kailangang suungin ng mga pioneer ang ilang na mabato at mga daan sa bundok na puno ng alikabok at natatakpan ng niyebe, na nakatuon ang pananampalataya nila sa Sion at sa pagtatatag ng Simbahan sa Salt Lake Valley.

Kailangan nating maglingkod nang tapat sa Panginoon at sa ating mga komunidad na may gayon ding kasigasigan at pananampalataya na tulad ng mga pioneer. Dapat nating ingatan palagi na hindi maging kaswal sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, sa pagsunod sa Kanyang mga batas, at sa pagiging matapat at mapagkakatiwalaan sa lahat ng ating ginagawa. Dapat nating iwasan ang mga panlilinlang ng kasamaan na matatagpuan sa Internet, na napakadaling makita sa ating mga computer, tablet, at cell phone. Kung magiging kaswal tayo sa mga bagay na ito, hahanap ng paraan si Lucifer para pahinain tayo at sirain ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Panginoon at sa isa’t isa, at mawawala tayo sa ilang ng mundong ito.

Ang pag-iwas sa mga tukso at kasamaan ng daigdig ay nangangailangan ng pananampalataya at katatagan ng isang tunay na makabagong pioneer. Kailangan tayong magsama-sama bilang mga pioneer sa panahong ito, na namumuhay na katulad ni Cristo, sinusuportahan ang mabubuting mithiin sa ating komunidad, at pinatatatag ang ating pamilya at tahanan.

Kapag tunay tayong naniniwala, hindi tayo nagtatanong ng, “Ano ang kailangan kong gawin?” kundi sa halip ay, “Ano pa ang maaari kong gawin?” Kapag ang ating pananalig ay napagtibay ng Espiritu ng Diyos sa ating kaluluwa, ang pananampalataya ay nagiging mabuting impluwensya sa ating buhay, naghihikayat sa bawat kaisipan, salita, at gawa na aakay sa atin patungo sa kalangitan. Nagdarasal tayo nang may pananalig na mabigyan ng lakas at patnubay—tulad ng ginawa ng ating mga ninuno. Iyan ang ibig sabihin ng lumakad nang may pananampalataya sa bawat hakbang. Ganyan ang ginawa ng ating mga ninunong pioneer, at iyan ang dapat nating gawin sa panahong ito. Dapat nating ikintal sa isipan ng ating mga anak at apo ang gayon ding katatagang umakay sa paglalakbay ng mga pioneer.

Nawa’y sama-sama tayong manindigan bilang mga pioneer sa panahong ito, na laging hinahangad ang tulong ng Diyos upang magabayan ang ating mga pamilya. Nawa’y matutuhan natin mula sa nakaraan ang kahalagahan ng paggalang sa ating mga magulang, lolo’t lola, at ninuno, at nawa’y magkaroon tayo ng lakas at tapang na harapin ang ating bukas na katulad nila. Nawa’y magningas nang husto ang buhay at ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa ating puso’t isipan. At nawa’y lalo pang mag-alab ang ating patotoo hanggang buto—tulad ng nangyari sa buhay ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “The Faith of the Pioneers,” Ensign, Hulyo 1984, 3.

  2. Tingnan sa Oliver B. Huntington, Oliver B. Huntington Diary and Reminiscences, 1843 Hunyo–1900 Enero, 26–28.

  3. Tingnan sa Emily D. P. Young, “Autobiography,” Woman’s Exponent, Dis. 1, 1884, 102.

  4. Emily D. P. Young, “Autobiography,” Woman’s Exponent, Peb. 15, 1885, 138.

  5. Emily D. P. Young, “Autobiography,” Woman’s Exponent, Ago. 1, 1885, 37.

  6. Phoebe Carter Woodruff, sa Augusta Joyce Crocheron, Representative Women of Deseret (1884), 35–36.

  7. Henry Ballard, sa Douglas O. Crookston, editor, Henry Ballard: The Story of a Courageous Pioneer, 1832–1908 (1994), 14–15.

  8. Margaret McNeil Ballard, sa Susan Arrington Madsen, I Walked to Zion: True Stories of Young Pioneers on the Mormon Trail (1994), 127.

  9. John Chislett, sa LeRoy R. Hafen at Ann W. Hafen, Handcarts to Zion: The Story of a Unique Western Migration, 1856–1860 (1960), 106, 107.