Para sa Lakas ng mga Kabataan
Katapatan at Integridad
Bilang disipulo ni Cristo, ang mga personal na katangiang ito ay nagpapakita ng tunay mong pagkatao.
Sa isang larong pang-kampeonato ng American football may nangyari kay Joseph B. Wirthlin na tinawag niyang “karanasang nakakaapekto ng pagkatao” habang nasa gitna ng napakahalagang laro.
“Ako ang pinatakbo sa gitna na hawak ang bola para makalamang ng score sa kalaban,” sabi niya. “Kinuha ko ang bola mula sa quarter back at sunud-sunod na sinagasaan ang manlalaro sa linya. Alam kong malapit na ako sa goal pero hindi ko alam kung gaano kalapit. Bagamat naipit ako sa ilalim ng patung-patong na manlalaro, inunat ko nang ilang pulgada ang mga daliri ko at naramdaman ko iyon. Dalawang pulgada (5 cm) ang layo ng goal.
“Sa sandaling iyon natukso akong itulak papasok ang bola. Nagawa ko sana. … Pero naalala ko ang sinabi ng aking ina. ‘Joseph,’ madalas niyang sabihin sa akin, ‘gawin mo ang tama, anuman ang mangyari. Gawin mo ang tama at magiging maayos ang lahat.’
“Gustung-gusto kong makaiskor sa touchdown na iyon. Pero higit sa pagiging bayani sa mga mata ng mga kaibigan ko, gusto kong maging bayani sa mga mata ng aking ina. Kaya hinayaan ko ang bola sa kinalalagyan nito—dalawang pulgada mula sa goal.”1 Si Elder Wirthlin (1917–2008) ay naglingkod kalaunan bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Ginagawa ang Tama
Ang desisyon ni Elder Wirthlin ay napakagandang halimbawa ng taong hindi ipagpapalit ang kanyang integridad. Ang katapatan at integridad ay sumusubok sa ating pagkatao. Kailangan dito na laging ginagawa o sinasabi ng isang tao ang bagay na tama anuman ang mangyari o isipin ng iba.
Isa sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay katapatan at integridad. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw at tagasunod ni Cristo, inaasahan kayo na “maging tapat sa inyong sarili, sa iba, at sa Diyos sa lahat ng panahon. Ang ibig sabihin ng maging tapat ay ang piliing huwag magsinungaling, magnakaw, mandaya, o manlinlang sa alinmang paraan …
“Magkaugnay ang katapatan at integridad. Ang integridad ay pag-iisip at paggawa ng tama sa lahat ng panahon, anuman ang mangyari. Kapag kayo ay may integridad, handa kayong ipamuhay ang inyong mga pamantayan at paniniwala kahit walang nakamasid.”2
Ang Pagiging Disipulo
Ang layunin natin habang nasa pagsubok na ito na kalagayan ng ating buhay sa mundo ay maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo” (Mosias 3:19). Ang maging banal ay wala nang iba kundi ang maging tunay na disipulo ni Cristo. Hindi ito mahirap na tulad nang inaakala ninyo; baka nga alam na ninyo kung paano ito gawin. Gayunman, kailangan talagang pagsikapan ito, at kung minsan matinding pagsisikap ang hinihingi sa atin nito. Pero magagawa natin ito.
Itinuturo ng Aklat ni Mormon, “Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos” (Moroni 7:16).
Bilang disipulo ni Cristo matutuklasan ninyo kung paano magsalita at kumilos sa pamamagitan ng pagtatanong sa sarili ng, “Ano ang gagawin ni Jesus?” Susunod ang mga pahiwatig, at kung tatalima kayo sa mga pahiwatig na ito, mapapatotohanan ninyo sa inyong sarili na kumilos kayo nang tama. Gayunman, totoo rin na kung minsan kailangan ninyo munang maghintay bago ninyo makita ang tunay na mga ibinunga at pagpapala ng matatapat ninyong gawa.
Maging Ganap na Matapat
Ipinaaalala sa atin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Ang pagiging hindi matapat ay nakasasakit sa inyo at sa iba. Kapag kayo ay nagsisinungaling, nagnanakaw, nangungupit, o nandaraya, pinipinsala ninyo ang inyong espiritu at ang pakikipag-ugnayan ninyo sa iba. Ang pagiging tapat ay magpapaganda ng inyong mga oportunidad sa hinaharap at magdaragdag sa inyong kakayahang magabayan ng Espiritu Santo.”3
Ang totoong sukatan ng totoong integridad at ganap na katapatan ay kung ano ang ginagawa ninyo kapag walang nakakaalam ng iniisip, sinasabi, o ginagawa ninyo. Bilang mga tunay na dispulo ni Cristo, dapat na kahinatnan at gawin natin ang mismong ipinakita sa atin ng Tagapagligtas. Nasa atin ang di-mapapantayang kaloob na Espiritu Santo. Itinuro ng Tagapagligtas, “Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26).
Binigyan din tayo ng ating Tagapagligtas ng malaking kapangyarihan na nagmumula sa araw-araw na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagbabasa ng mga salita ng mga buhay na propeta at apostol. Ang magagandang bagay na ito na ginagawa araw-araw ay humuhubog ng katapatan at integridad sa atin. Tandaan, bilang disipulo ni Cristo at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang katapatan ninyo ay nagpapakita ng inyong integridad at ng tunay ninyong pagkatao.