2013
Hinikayat ng Pananampalataya
Hulyo 2013


Hinikayat ng Pananampalataya

Ang awtor ay naninirahan sa North Carolina, USA.

Hindi ko kailanman malilimutan ang paglilibot sa lugar ng Winter Quarters, Nebraska, USA, kung saan nanirahan ang mga pioneer noong araw. Dama ang kasagraduhan ng lugar, halos para akong bumibisita sa bakuran ng isang templo.

Napuno ng mga luha ang aking mga mata, na nagpalabo ng aking paningin. Nakakita ako ng estatuwa ngunit hindi ko mawari ang anyo nito. Nang magpahid ako ng luha, nakita ko ang isang lalaki at babae na napakalungkot ng mga mukha. Nang pagmasdan ko itong mabuti, nakita ko ang anyo ng isang sanggol na nakahimlay sa libingan sa kanilang paanan.

Ang tanawing ito ay pinuspos ako ng iba’t ibang damdamin: kalungkutan, galit, pasasalamat, at kagalakan. Gusto kong palisin ang sakit na nadama ng mga Banal na iyon, ngunit nagpasalamat din ako para sa isinakripisyo nila para sa ebanghelyo.

Ang karanasan ko sa Winter Quarters ay nagpaunawa sa akin na ibinibigay ng Ama sa Langit ang ebanghelyo sa Kanyang mga anak at binibigyan sila ng kalayaang sundin ito kung nais nila. Maaari sanang piliin ng mga magulang ng sanggol na iyon ang mas madaling daan. Para masunod ang propeta at maipamuhay ang ebanghelyo, kinailangan ng mga pioneer na ito na magpatuloy kahit nangahulugan ito ng paglilibing ng kanilang anak. At pinili nilang ipamuhay ang ebanghelyo at tinanggap nila ang kanilang mga hamon. Nalaman ko na ang katapatan ng mga Banal sa ebanghelyo at ang determinasyon nilang magpatuloy ay dahil sa pananampalataya at pag-asa—pag-asa sa magandang kinabukasan at pananampalataya na kilala sila ng Panginoon at papawiin ang kanilang paghihirap.