2013
Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Hulyo 2013


Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako

Ipinagdiwang ng Haiti ang Ika-30 Anibersaryo ng Simbahan

Tatlong dekada na ang nakararaan binisita ni Pangulong Thomas S. Monson—na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol—ang Haiti at inilaan ang lupain para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Kamakailan ay binisita ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Haiti para ipagdiwang ang anibersaryo. Si Elder Andersen ang nangulo sa pag-aalis ng tabing ng isang plake ng paggunita na magsisilbing permanenteng paalaala ng pagsisimula ng Simbahan sa Haiti. Pinanood ng mga miyembrong nagtipon para sa pag-aalis ng tabing ang isang mensahe ni Pangulong Monson sa telebisyon na inirekord bago sumapit ang kaganapan.

Tumugon ang Simbahan sa Mahigit 100 Kalamidad Noong 2012

Taun-taon, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naglalaan ng agarang tulong sa mga tao sa lahat ng dako ng mundo na naapektuhan ng kalamidad, digmaan, at taggutom. Noong 2012 ang Simbahan ay naglaan ng daan-daang libong libra ng pagkain, tubig, kasuotan, mga gamot, hygiene kit, at iba pang tulong sa mga biktima ng 104 kalamidad sa 52 bansa. Bukod dito, libu-libong miyembrong volunteer ang nagbigay ng mahigit 1.3 milyong oras ng paglilingkod.

Ang pinakamalaking tulong na naibigay ng Simbahan noong 2012 ay sa mga biktima ng Hurricane Sandy sa East Coast ng Estados Unidos. Bukod pa sa Sandy, ang pinakamalaking pagtugon ng Simbahan sa kalamidad noong 2012 ay nangyari sa Japan, sa Pilipinas, sa iba pang mga lugar ng Estados Unidos, at sa Syria.

Magagamit Na ng Publiko ang FamilyTree

Ang FamilyTree, ang pinakahihintay na pagpapaganda sa FamilySearch.org Internet site ng Simbahan, ay inilunsad nang live sa publiko noong Marso 2013. Magagamit ito nang libre sa FamilySearch.org.

FamilyTree ang papalit sa New FamilySearch, na hanggang ngayon ay magagamit lamang kung may login at password ng pagiging miyembro ng Simbahan.

Ngayon ang ibang mga bibisita sa FamilySearch.org “ay makapagsisimula nang magbuo ng kanilang family tree online, simula sa kanilang sarili pabalik sa nakaraan nilang mga henerasyon,” sabi ni Paul M. Nauta, FamilySearch marketing manager.