2013
Patawarin ang Sarili
Hulyo 2013


Patawarin ang Sarili

Kung nakapagsisi na tayo at pakiramdam natin ay pinatawad na tayo ng Panginoon, bakit napakahirap pa ring patawarin ang ating sarili kung minsan?

Unti-unting Pag-unlad

Para sa maraming taong nabubuhay sa makabagong panahon, parang mahirap mabuhay nang walang elektrisidad. Ang madilim na silid ay dagling mapupuno ng liwanag sa isang pindot lang sa switch. Ang mga simpleng gawain na kailan lang ay kinailangang maghintay na gawin hanggang sa magbukang-liwayway o kinailangang gawin sa liwanag ng aandap-andap na ningas ng kandila ay madali nang magagawa ngayon sa tulong ng imbensyong hindi ganoon kadaling nalikha.

Si Thomas Edison ay gumugol nang ilang taon at sumubok nang mahigit 1,000 iba’t ibang materyal bago nakakita ng tamang filament (ang manipis na alambreng nasa sentro ng bombilya) na makapagbibigay ng pangmatagalang ilaw sa murang halaga. Dahil laging positibo ang pananaw, inisip ni Edison na bawat materyal na hindi umubra ay makakatulong para mahanap niya ang tamang materyal. At nang magawa niya ito, hindi na katulad ng dati ang daigdig.

Pagtingin sa Kalooban

Marami pang magagandang kuwento tungkol sa mga atleta, matatalinong tao, artist, at marami pa na marunong matuto mula sa kanilang mga pagkakamali at hindi sumusuko. Magsikap nang magsikap nang magsikap hanggang sa magtagumpay—mga salita sa isang kuwento na tila hindi natin pinagsasawaang pakinggan. Maliban na lamang kung ang bida sa kuwentong iyan ay nagkataong tayo mismo.

Pagdating sa pagsunod sa mga kautusan, napakarami sa atin ang gustong maging perpekto sa isang iglap lang at nang walang hadlang. Para itong pag-asam na makakalikha ng susunod na imbensyong magkakahalaga ng milyong dolyar nang walang babaguhing anuman sa orihinal na disenyo o pag-asam na manalo ng kampeonato nang wala ni isang talo. Kapag tayo ay nagkakasala at nagkukulang, madalas na hindi natin mapatawad ang sarili at patuloy na nagpupunyagi.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kapag iniutos ng Panginoon na patawarin natin ang lahat ng tao, kabilang diyan ang ating sarili. Kung minsan, sa lahat ng tao sa mundo, ang taong pinakamahirap patawarin—at marahil ay siyang pinaka-kailangan nating patawarin—ay ang ating sarili.”1

Isang Nagbagong Kaluluwa

Ngunit paano natin gagawin iyan?” Ang pag-aaral sa buhay ni Ammon, isang propeta sa Aklat ni Mormon, ay makadaragdag ng kaalaman.

Ang mga karanasan ni Ammon bilang misyonero sa mga Lamanita ay mahimala at nagbibigay-inspirasyon. Mula sa pagtatanggol sa mga tupa ng hari, hanggang sa pangangaral kay Haring Lamoni, sa pagtulong na maipalaganap ang ebanghelyo sa buong bansa, ang buhay at ministeryo ni Ammon ay nananatiling isa sa nakakaantig na mga kuwento sa banal na kasulatan.

Ngunit ang dating si Ammon ay hindi ang matwid at mapanampalatayang lalaki na nangaral nang may kapangyarihan sa mga Lamanita. Nakagawa siya ng mga pagkakamali—mabibigat na pagkakamali. Bilang isa sa mga anak ni Mosias, si Ammon ay nakabilang sa isa mga humayo upang “wasakin ang simbahan, at upang iligaw ang mga tao ng Panginoon, taliwas sa mga kautusan ng Diyos,” (Mosias 27:10).

Si Ammon, pati na ang kanyang mga kapatid at si Nakababatang Alma, ay mapangwasak sa gawain ng Diyos kaya isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kanila, na nangusap na “katulad ng tinig ng kulog, na naging dahilan upang mayanig ang lupang kanilang kinatatayuan.” (Mosias 27:11), at sila ay pinagsisisi.

Maliwanag na may mabibigat na kasalanan si Ammon na kailangan niyang pagsisihan, at ginawa nga niya ito. Subalit paano kung hindi niya pinatawad ang sarili? Paano kung hindi siya nagmisyon dahil inakala niyang huli na ang lahat para kanya? Kung hindi siya nagmisyon, hindi niya mararanasan ang galak na nadama nilang magkakapatid matapos ang maraming taong pagtuturo sa mga Lamanita. “Ngayon masdan, tayo ay makatatanaw at makikita ang mga ibinunga ng ating mga pagpapagal; at sila ba’y iilan?” Ang tanong ni Ammon sa kanyang mga kapatid. “Sinasabi ko sa inyo, Hindi, marami sila; oo, at nasasaksihan natin ang kanilang katapatan, dahil sa pagmamahal nila sa kanilang mga kapatid at gayon din sa atin” (Alma 26:31). Libu-libo ang namulat sa katotohanan dahil sa kanilang ginawa bilang misyonero.

Detalye mula sa The Lost Lamb, ni Del Parson, hindi maaaring kopyahin.

Ang Panganib na Dulot ng Panghihina ng Loob

Sa kabila ng malinaw na payo mula sa mga lider ng Simbahan at mga halimbawa mula sa banal na kasulatan, naniniwala pa rin ang ilan sa atin na hindi tayo kabilang sa ginawan ng Pagbabayad-sala, na hindi na tayo maliligtas. Hindi natin maibaba ang mabigat na pasaning dulot ng ating kasalanan, kahit pa nakapagsisi na tayo nang tapat. Maaaring ang iba ay huminto pa nga na pagsikapan ito.

Kunsabagay, bakit nga ba iaangat mo pa ang sarili mo sa lupa, kung babagsak ka rin namang muli? Iyan ang gusto ng kaaway na isipin ninyo. Ang gayong takbo ng isip ay hindi lang espirituwal at emosyonal na nakapanghihina kundi lubusang mali.

Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang hanggan ang saklaw at para sa lahat. “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa” (Isaias 1:18). Lahat tayo ay maaaring magtagumpay. Maaari tayong sumubok muli. At tutulungan tayo ng Panginoon sa bawat sandali.

Hindi Pa Huli ang Lahat

Nagbigay ng malinaw na payo si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na huwag mawalan ng pag-asa sa sarili. “Gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo o mga talentong wala kayo, o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”2

Itinuro pa sa atin ni Elder Holland na panatilihing nakatuon sa kabutihan ng Diyos: “Ang pormula para manampalataya ay magpatuloy, magsumikap, magsimula hanggang matapos, at hayaang mapawi ang mga alalahanin noong una—totoo man iyon o inakala lang—sa kasaganaan ng gantimpala sa bandang huli.”3

Puno ng Pag-asa

Bagama’t hindi dapat ituring nang gayun-gayon lang ang kasalanan, totoong maaaring magsisi. Totoong may kapatawaran. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong magsimulang muli nang may malinis na puso. Tulad ni Ammon na napatawad, mapapatawad din kayo.

Tunay ngang may darating na bagong pag-asa. Itinuro ni Apostol Pablo, “Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo’y managana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Mga Taga Roma 15:13).

Dahil binigyan tayo ng kaloob na pagsisisi, lahat tayo ay maaari nang maniwalang muli sa ating sarili.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 75.

  2. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.

  3. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” 32.