Permanent Marker
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang mga marka ng ating mga pagkakamali ay hindi dapat maging permanente. Ang magkaroon ng malilinis na mga kamay ay sulit, kahit pa masakit.
Isang linggo nang makatapos ako ng high school, lumipat ako sa kabilang panig ng bansa para makasama ang pamilya ng ate ko sa tag-init bago magsimula ang klase ko sa kolehiyo sa taglagas.
May ilan akong naging kaibigan, karamihan sa kanila ay mas matanda sa akin at nasa kolehiyo. Isang Sabado ng gabi dalawa sa bago kong mga kaibigan ang sumundo sa akin para makinig sa mahusay na bandang tumutugtog sa club doon.
Nang pumarada kami, unti-unti akong kinabahan, pero ayaw kong tumutol at sirain ang gabi. Pumasok kami sa club, at tiningnan ng lalaki sa counter ang lisensya ko sa pagmamaneho. Walang sabi-sabing ginuhitan niya ng permanent marker ang mga kamay ko.
Gulat akong napatingin. Nalaman ko na minarkahan niya ang mga kamay ko para makita na napakabata ko pa para bumili ng alak sa bar.
Agad akong hindi mapakali. Nag-iinuman at naninigarilyo ang mga tao.
Nalulungkot akong sabihin na hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na umalis kaagad. Makalipas ang 30 minuto, tinanong ako ng isa sa mga kaibigan ko kung OK lang ako. Sinabi ko sa kanya na sumakit ang ulo ko dahil sa tugtog at usok. Nagprisinta siyang ihatid ako pauwi, at nagpapasalamat akong pumayag.
Nagmadali akong tumakbo sa banyo sa bahay ng kapatid ko at kinuskos ang mga itim na marka hanggang sa sumakit ang mga kamay ko. Makikibahagi ako sa sakramento kinabukasan gamit ang mga kamay na ito, kaya gusto ko talagang malinis ang mga ito. Pero nakikita pa rin ang dalawang itim na guhit sa marosas kong balat.
Bago ako natulog, humingi ako ng tawad sa hindi ko pagkakaroon ng lakas ng loob na umalis—at higit sa lahat, sa hindi ko pagkakaroon ng lakas ng loob na huwag pumasok doon. Nangako ako sa Ama sa Langit na hindi ko na hahayaang malagay akong muli sa gayong sitwasyon.
Kinabukasan natanggal ko na halos lahat ang marka, at halos malinis na malinis na ang mga kamay ko nang nakibahagi ako sa sakramento. Inisip ko kung paano naging katulad ng mga itim na markang iyon ang kasalanan. Kailangang magsumigasig at masaktan pa nga, pero maaari tayong magsisi at hayaang tanggalin ang ating mga kasalanan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at malinis mula sa mga itim na marka sa ating buhay.