2013
Mga Karanasan sa Pagtitiwala nang Lubos
Hulyo 2013


Mga Karanasan sa Pagtitiwala nang Lubos

Noong si Claire (binago ang pangalan) ay anim na taon, nagdiborsyo ang kanyang mga magulang. Sa mga sumunod na taon, marami siyang nakitang mag-asawa na naghiwalay at mga miyembro ng pamilya na may problema sa adiksyon, hindi na gaanong nagsisimba, at may depresyon. Dahil nalulungkot at naguguluhan, hindi na naniwala si Claire na mahalaga ang pamilya.

“Sinabi ko sa sarili ko na hindi yata para sa akin iyang pag-aasawa,” sabi niya. “Pero itinatago ko lang ang takot ko na baka mangyari din sa akin ang naranasan ko.”

Maliban pa sa matinding lungkot dahil sa sitwasyon ng kanyang pamilya, damdam ni Claire ay nag-iisa siya. Isang araw noong tinedyer pa siya, napaluhod siya sa sobrang lungkot at nagdasal, na isinasamong malaman kung naroon ba ang Ama sa Langit. “Nang huminto ako sa pag-iyak at pagsasalita, napuspos ako ng nag-aalab na damdamin na payapa, masidhi, at napakapersonal,” wika niya. “Alam kong naroon ang Ama sa Langit at lagi akong mamahalin at tutulungan sa aking mga pagsubok.”

Dahil sa natanggap na sagot ninais ni Claire na palakasin ang kanyang patotoo at tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan hinggil sa pamilya. Hindi lamang niya ipinagpatuloy ang pagdarasal kundi nagbasa rin siya ng mga banal na kasulatan, nag-seminary, at sumunod sa mga kautusan.

Ngayon ay may-asawa na si Claire, at natututong humarap sa kanyang mga pagsubok nang may pananampalataya. “Hindi ko na inaalala kung imposible bang magpalaki ng matatag na pamilya dahil nagpasiya na kaming mag-asawa na laging palakasin ang aming patotoo, gawing bahagi ng aming buhay ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas, at alalahanin ang di-maitatatwang katotohanan ng ebanghelyo.”

Para kay Claire, ang pagkakaroon ng tiwala sa Diyos ay nagsisimula sa simple at tapat na panalangin. Ngunit ano pa ang maaari nating gawin para magkaroon ng tiwala sa Ama sa Langit? Ibinahagi ng mga young adult sa iba’t ibang panig ng mundo—na may kani-kanyang pagsubok—ang kanilang mga karanasan kung paano sila nagkaroon ng tiwala sa Panginoon at natutong umasa sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang takdang panahon.

Patuloy na Magpasalamat

Pag-iisip sa kanyang mga pagpapala ang tumutulong kay Stefanie Egly ng Hesse, Germany, na magtiwala sa plano ng Ama sa Langit at sa Kanyang takdang panahon.

Sinimulang isulat ni Stefanie ang kanyang mga pagpapala nang magwakas ang magandang pagtitinginan nila ng kanyang kaibigan. “Kahit hindi kami nagdedeyt, inasam ko na noon pa man na lumalim pa ang aming pagtitinginan. Nawalang lahat ang pag-asa ko nang sabihin niya sa akin na may kasintahan na siya.”

Sa kanyang kalungkutan, naaliw si Stefanie matapos basahin ang isang artikulo sa Liahona tungkol sa pasasalamat. Naisip niyang isulat kung paano siya napagpala—lalo na kung paano naging pagpapala ang kanyang pag-iisa sa buhay.

Nakatulong ang listahan niya para matanto na hindi man siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa, hindi ibig sabihin niyon ay napagkaitan siya ng mga pagpapala. Natanto ni Stefanie na nabiyayaan siya ng Panginoon ng pagkakataong maging guro sa elementarya at magturo sa mga bata. Nakapagbiyahe siya, nakadalo sa pangkalahatang kumperensya, at nakabahagi bilang tagapayo sa programang Especially for Youth. Nakilala niya ang ilan sa pinakamalalapit niyang kaibigan sa mga single adult conference na dinaluhan niya.

Ngunit ang pinakamalaki raw niyang pagpapala ay ang makapag-ukol ng panahon sa kanyang lola bago ito pumanaw, isang bagay na hindi nagawa ng kanyang mga kapatid at pinsan dahil malayo ang kanilang tirahan o may mga pamilya silang aalagaan.

Limang taon na ang nakalipas mula nang simulang isulat ni Stefanie ang kanyang mga pagpapala. Hinihintay pa rin niya ang panahon na magkakaroon siya ng oportunidad na makasal sa templo. Sabi niya, “Hindi ko alam kung kailan ko makikilala ang makakasama ko nang walang hanggan, pero alam kong darating ang panahong iyon. Bago dumating iyon, alam ko na patuloy akong magkakaroon ng mga karanasang tutulong sa akin na matuto at umunlad.” Lubos siyang pinagpala ng Ama sa Langit, at alam niya na patuloy Niya itong gagawin kung siya ay tapat.

Basahin ang Salita ng Diyos Araw-araw

Kadidiborsyo lang ni Daniel Martuscello na taga-Colorado, USA, at hindi pa siya mapanatag sa bago niyang sitwasyon. Hindi lang dahil wala na siyang asawa kundi kasisilang lang ng kanyang unang anak at wala siyang trabaho. Hindi niya maunawaan kung bakit nangyari ito—gayong lagi naman niyang hangad na maging mabuting tao.

Dahil pakiramdam niya ay nag-iisa siya at nawawalan ng pag-asa, bumaling si Daniel sa mga banal na kasulatan. “Naalala ko ang nadama kong kapanatagan noon sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, kaya pinagtuunan ko na ito bawat araw,” wika niya. Sa araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan kinailangan niyang limitahan ang paglilibang tulad ng panonood ng telebisyon at paggamit ng internet. Pero hindi ito sakripisyo, wika niya. “Nang magbasa ako, nakatanggap ako ng kapanatagan at patnubay. Pumangalawa na lang sa kahalagahan ang iba pang mga bagay. Hindi ako nagbasa para lang makapagbasa, kundi naghanap din ako ng sagot. Nagbasa ako nang may layunin.”

Nakadama ng kapanatagan si Daniel sa mga banal na kasulatan nang matanto niya na lahat ay dumaranas ng pagsubok. “Mababait ang mga propeta at iba pa pero nagkaroon pa rin sila ng mga pagsubok,” wika niya. “Ang pagbabasa tungkol sa kanilang mga karanasan ay nagpaunawa sa akin na may araw sa buhay natin na nagdurusa tayong lahat, ngunit sa pagdurusang iyon mas mapapalapit tayo kay Cristo.”

Bukod pa riyan, sinabi ni Daniel na pinagaan ng araw-araw na pagbabasa ang pasanin niya dahil isang paraan ito para maging bahagi ng kanyang pang-araw-araw na buhay ang Tagapagligtas. “Sa pakikipag-usap sa akin ng Diyos sa pamamagitan ng mga talatang nabasa ko, nagtiwala ako na magiging mas maayos ang mga bagay-bagay at sa Kanyang tulong, may magandang idudulot ang karanasang ito.”

Unahin ang Diyos

Nakadama ng takot si Po Nien ng Kaohsiung, Taiwan, matapos niyang yayaing pakasal ang kasintahan niyang si Mei Wah. “May mga naideyt na ako bago iyon, at mga tatlong beses na akong nagkaroon ng seryosong relasyon na nauwi lang sa hiwalayan. Dahil sa mga karanasang iyon nabawasan na ang tiwala ko na magkaroon ng relasyong pangwalang-hanggan,” pag-amin niya.

Kahit napanatag si Po Nien nang ipagdasal niya ang pagpapakasal kay Mei Wah, nag-alinlangan siya sa sagot na natanggap niya. Talaga bang nakadama siya ng pagpapatunay ng Espiritu? O nadala lang siya ng kanyang damdamin? Hahantong ba sa templo ang engagement na ito? O mauuwi rin sa hiwalayan ang relasyong ito?

Sa mga sandaling ito naalala ni Po Nien ang sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na binanggit sa isang klase sa institute: “Dapat nating unahin ang Diyos sa lahat ng iba pang bagay sa ating buhay. … Kapag inuna natin ang Diyos sa ating buhay, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay.”1

Ang payong ito ang naging tanda ng pagbabago sa buhay ni Po Nien. “Alam ko na kung uunahin ko ang Diyos sa aking buhay at hangga’t ako ay tapat sa Kanya, lahat ng bagay na mali ay maglalaho at lahat ng bagay na mabuti ay malalagay sa tamang lugar,” wika niya. Kung uunahin niya ang Diyos at maganda ang pagtitinginan nila ni Mei Wah, tutulong ang Ama sa Langit na maging maayos ang lahat. Taglay ang patuloy na pagtitiwala, pinakasalan ni Po Nien si Mei Wah sa Hong Kong China Temple. “Marami akong naging pagpapala dahil nagtitiwala ako sa Panginoon,” wika niya.

Hangaring Sundin ang Kanyang Kalooban

Ang isa pang paraan para magkaroon ng tiwala sa Ama sa Langit ay ang sundin ang Kanyang kalooban. Para kay Marta Fernández-Rebollos ng Tarragona, Spain, natuto siyang magtiwala sa Ama sa Langit nang piliin niyang panatilihin ang kanyang mga pamantayan.

Nakikipagdeyt siya noon sa isang binatang hindi miyembro ng Simbahan at hindi interesadong sumapi. “Nagtatalo ang kalooban ko kung susundin ko ba ang itinuro sa akin tungkol sa walang-hanggang kasal at ang daan-daang katwiran ng puso ko para talikuran ang lahat ng ito at pakasalan ang binatang iyon nang panghabang-panahon lamang,” wika niya. “Punung-puno ng pagkalito, pasakit, at pagluha ang mga buwang iyon.”

Dahil nahihirapang magpasiya, pumunta sa kanyang silid si Marta at naghanap ng gabay mula sa kanyang patriarchal blessing. Binasa niya ang pangako sa kanya kapag pinili niya ang tama. Bigla siyang napaiyak at nalaman kung ano ang dapat niyang gawin. “Hindi na mahalaga sa akin ang mangyayari kapag hindi na kami magkasintahan. Hindi ko alam ang mangyayari, ngunit nanalig ako na hangga’t nasa panig ako ng Panginoon, tiyak na magiging maganda iyon. Natuklasan ko na kapag pinagtuunan natin ang ating mithiin at sinunod ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, matutuklasan natin na ang mga bunga ng kabutihan ay ‘napakatamis … higit pa sa lahat ng natikman [na natin]’ (1 Nephi 8:11).”

Sa Mga Kawikaan 3:5–6, mababasa natin:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”

Ang pagkakaroon ng tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga plano ay hindi laging madali. Bawat isa sa atin ay may sariling mga pagsubok. Siguro hanggang ngayon ay wala pa kayong nakikitang maidedeyt sa ward o branch ninyo na makakasundo ninyo. Marahil ikinasal na kayo, ngunit wala pang anak. Marahil ay nakikipagdiborsyo kayo. O marahil natatakot kayo sa mas seryosong relasyon dahil sa mga naranasan ninyo noon. Alam ng Panginoon ang mga paghihirap ninyo at hinihiling Niyang magtiwala kayo sa Kanya. Kapag natutuhan ninyong magtiwala sa Ama sa Langit, darating ang kapayapaan at patnubay.

Tala

  1. Ezra Taft Benson, “The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4.