2013
Iligtas ‘Nyo Siya!
Hulyo 2013


Sundin ang Propeta

Iligtas ‘Nyo Siya!

Tuwing summer dalawang buwang namamalagi ang pamilya Monson sa kanilang cabin sa Provo River. Natutong lumangoy si Tommy Monson sa mabilis na agos ng tubig sa ilog. Isang mainit na hapon noong si Tommy ay mga 13 anyos, sumakay siya sa isang malaki at mapintog na interior ng gulong at nagpalutang sa ilog.

Noong araw na iyon isang malaking grupo ng mga tao ang nagtipon sa isang piknikan sa tabi ng ilog para kumain at maglaro. Magpapalutang na sana si Tommy sa pinakamabilis na parte ng ilog nang marinig niya ang nahihintakutang hiyaw na, “Iligtas ‘nyo siya! Iligtas ‘nyo siya!” Isang batang babae ang nahulog sa mapanganib na alimpuyo sa tubig. Walang tao sa pampang na marunong lumangoy para iligtas siya.

Noon dumating si Tommy at nakita niyang lumubog ang ulo ng bata sa tubig. Iniunat ni Tommy ang kanyang kamay, sinunggaban ang bata sa buhok nito, at saka ito isinakay sa gilid ng interior ng gulong. Pagkatapos ay kumampay-kampay si Tommy papunta sa pampang. Una’y niyapos ng pamilya ang bata, pinaghahagkan ito habang umiiyak. Pagkatapos ay sinimulan nilang yakapin at hagkan si Tommy. Nahiya siya sa pagpansin sa kanya ng lahat, at agad siyang bumalik sa kanyang interior ng gulong.

Habang patuloy na nagpapalutang-lutang si Tommy sa ilog, napakasaya ng kanyang pakiramdam. Natanto niya na nakapagligtas siya ng buhay. Narinig ng Ama sa Langit ang sigaw na, “Iligtas ‘nyo siya! Iligtas ‘nyo siya!” Ginawa Niyang posible na magpalutang-lutang si Tommy malapit doon sa mismong oras na kailangan siya. Sa araw na iyon nalaman ni Tommy na ang pinakamasayang pakiramdam ay ang matanto na kilala ng ating Diyos Ama sa Langit ang bawat isa sa atin at hinahayaan tayong matulungan Siya na iligtas ang iba.