Pagpanaw Kamakailan ni Frances J. Monson
“Nang una kong makita si Frances, nalaman ko na natagpuan ko na ang babaeng para sa akin,” ang sabi ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa kanilang pagliligawan.1 Paulit-ulit na napatunayang tama ang kanyang nadamang iyon sa ipinakitang habambuhay na paglilingkod at pagsuporta ni Frances Beverly Johnson Monson sa kanyang asawa.
Si Sister Monson ay mapayapang pumanaw noong Mayo 17, 2013, sa edad na 85, dahil sa sakit na dala na rin ng katandaan.
Bagama’t hindi niya gustong makatawag ng pansin, madalas na sinamahan ni Sister Monson si Pangulong Monson sa kanyang mga pagbisita sa matatanda at sa mga may karamdaman. Siya ang pinagkuhanan ng lakas ni Pangulong Monson nang tawagin itong bishop sa batang edad, at magkasama silang naglingkod nang panguluhan nito ang Canadian Mission mula 1959 hanggang 1962. Patuloy niyang sinuportahan ang kanyang pinakamamahal na si “Tommy” nang tawagin ito bilang General Authority at nang ito’y maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, sa Panguluhan, at bilang Pangulo ng Simbahan.
“Lubos niyang minahal ang aking ama at nakita niya ang mga talento at kaloob na ibinigay dito at masayang sinuportahan at tinulungang mapaunlad pa ang mga talento nito,” sabi ni Ann Monson Dibb, kanilang anak.2
Isinilang noong Oktubre 27, 1927, si Frances ay anak nina Franz E. Johnson at Hildur Booth Johnson. Siya ay ikinasal kay Thomas S. Monson sa Salt Lake Temple noong Oktubre 7, 1948. Siya ay naglingkod sa Relief Society at Primary. Napakahusay niyang tumugtog ng piano, palabiro siya, at higit sa lahat gustung-gusto niya ang pagiging ina, lola, at lola sa tuhod.
Inilarawan ni Sister Dibb ang kanyang ina bilang “isang taong laging handang makinig at magsabi ng mga gagawin niya kung siya ang nasa gayong sitwasyon. … Ang kanyang halimbawa sa tuwina … ay napakalaking impluwensya sa aking buhay. Hindi niya pinag-alinlanganan ang kanyang pinaniwalaan, ang kanyang gagawin, at ang inasahan niyang gagawin ng iba. Ipinakita niya kung ano dapat ang isang Banal sa mga Huling Araw, bilang isang Kristiyano.”3
“Ni minsan ay hindi ko nakitang nagreklamo si Frances sa mga responsibilidad ko sa Simbahan,” sinabi ni Pangulong Monson. Inilarawan niya siya bilang “babaeng tahimik at may malalim at malakas na pananampalataya.”4