Ang Alpombrang May Kuwento
Sino ang mag-aakala na maraming kuwento ang mababalot sa isang alpombra?
“Mga ninuno’y ating hahanapin, Ngalan nila’y aalalahanin” (“Katotohanan mula kay Elijah,” Aklat ng mga Awit Pambata, 146–47).
Paluksu-lukso si Katy sa bangketa papunta sa malaking puno ng oak sa kanto ng kalye nila. Madaling makita ang bahay ni Lola dahil sa matandang puno.
Tulad ng dati, nakaupo si Lola sa kanyang sala, at tahimik na nagtitirintas at nananahi ng mahahabang piraso ng matingkad na tela. Ang makintab na sahig na kahoy ng bahay ni Lola ay may dekorasyong magagandang alpombra na ginawa mismo ni Lola.
“Hello, honey,” sabi ni Lola pagpasok ni Katy. Hindi nagtagal pinag-uusapan na nila ang tinatawag ni Lola na “aming kapanahunan.” Sabay nilang tiningnan ang mga retratong black-and-white. Gustong makita ni Katy lalo na ang mga damit at estilo ng buhok ng kanyang mga kamag-anak noong kabataan nila.
“Ibang-iba ang panahon noon,” sabi ni Lola na napabuntung-hininga. “Alam mo, wala kaming mga kotse o TV o cell phone.”
Ni hindi maubos-maisip ni Katy na maglalakad lang saan man pumunta. “Ano po ang mga libangan ninyo noon, Lola?” tanong ni Katy.
“Gustung-gusto naming magkantahan. Pumapalibot kami sa piyano sa gabi at kumakanta ng mga paborito naming awitin. Kung minsan kumakanta kami hanggang sa mapaos kami! Napakasaya niyon.”
Sumulyap si Lola sa bakuran na para bang kaya niyang ibalik ang panahon at pagmasdang muli ang mga iyon.
Naupo si Katy sa tabi ng nakabalumbon na alpombra na nakalaglag mula sa kandungan ni Lola. Sinundan niya ng kanyang mga daliri ang maliliit na tahi.
“Naisip ko lang,” marahang sabi ni Lola, “gusto mo bang gumawa ng alpombra na ikaw mismo ang nagtirintas?”
Napalukso at napapalakpak si Katy.
“Gusto ko po, Lola! Puwede pong ngayon na?”
Napahagikgik si Lola. “Aba, may kailangan ka munang gawin. Umuwi ka at magtipon ng mga lumang damit na magugupit natin nang pira-piraso.”
Kumislap ang mga mata ni Lola at bumulong kay Katy na para bang mayroon silang sikreto.
“Iyan ang dahilan kaya espesyal ang alpombra. Dahil gawa iyon sa mga damit, maikukuwento ng alpombra ang buhay mo. Bawat tirintas ay parang kabanata sa isang aklat tungkol sa iyo. Habang tinitingnan mo ang tela ng isang lumang damit ay maaalala mo ang mga lugar kung saan mo ito isinuot at ano ang ginawa mo habang suot ito.”
Nanlaki ang mga mata ni Katy. Itinuro niya ang alpombrang itinitirintas ni Lola.
“Naaalala po ba ninyo ang lahat ng tungkol sa telang ginamit sa alpombrang ito?”
Ngumiti si Lola. “Oo naman! Ang pulang pirasong ito ay nagmula sa damit na suot ko nang ipanganak ka. Naaalala ko na idiniin ko ang ilong ko sa bintanang salamin sa nursery para makita kita nang malapitan. Kulay rosas at kulubot pa ang balat mo.”
Nagtawanan sina Katy at Lola habang patuloy na nagsasalaysay si Lola kay Katy ng mga kuwento mula sa alpombra. Pag-uwing-pag-uwi ni Katy nang gabing iyon, nagtabi sila ni Inay ng mga lumang damit na magagamit ni Katy.
Kinabukasan, dinala ni Katy ang tela sa bahay ni Lola. Ipinakita ni Lola kay Katy kung paano gupitin ang tela sa mahahabang piraso, itirintas ang mga ito, at sama-samang tahiin ang mga tirintas.
Araw-araw pagkatapos ng klase, nagpupunta si Katy sa bahay ni Lola para gawin ang alpombra.
Unti-unting lumaki ang alpombra. Sa paglipas ng mga araw, nalaman at naisapuso ni Katy ang marami sa mga kuwento ni Lola. May mga araw na siya ang maraming ikinukuwento kay Lola.
Isang araw, matapos idagdag ang asul na bahagi sa alpombra na dati-rati’y paborito niyang maong, hinaplus-haplos ni Katy ang makukulay na tirintas.
“Hindi pa ba tapos ang alpombrang iyan?” tanong ni Lola, na tumingala mula sa kanyang ginagawa.
“Hindi pa po,” sabi ni Katy na nakangiti. Ayaw niyang matapos ang oras na ito na kasama si Lola.