Nagsalita si Elder Cook sa mga Miyembro at Investigator sa Ivory Coast
Si Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ay naglakbay papuntang Abidjan, Cote d’Ivoire (Ivory Coast), noong Pebrero 2013. Sa pagbisita niya, nangulo siya sa isang priesthood leadership conference, nagdaos ng espesyal na pulong kasama ang mga miyembro at investigator, at bumisita sa mga pangunahing opisyal ng pamahalaan.
Si Elder Cook ay sinamahan nina Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu; Elder John B. Dickson ng Pitumpu, Pangulo ng Africa West Area; at Elder Joseph W. Sitati ng Pitumpu, Unang Tagapayo sa Africa West Area Presidency, sa paglalakbay.
Ang kabuuang bilang ng mga dumalo sa priesthood leadership conference at sa pulong ng mga miyembro at investigator ay 9,693, kasama na ang 619 investigator. Maraming miyembrong nagsakripisyo nang malaki para makadalo. Sinabi ni Virginie Oulai Tongo ng Meagui Branch, Cote d’Ivoire Abidjan Mission, na nag-ipon ng pera ang kanyang pamilya para makapunta at makita ang isang Apostol. “Naglakbay kami nang 12 oras, pero masaya ako,” wika niya.
Maraming dumalo sa kumperensya ang nag-ulat tungkol sa Espiritung lubos na umantig sa kanila. Sabi ni Bishop Leon Kouadio ng Dokui Ward, Cocody Stake, “Alam ko na kapiling namin ang isang marangal na lingkod ng ating Tagapagligtas.”
Ang mga miyembro ng Simbahan sa Cote d’Ivoire ay naging limang stake at isang district na ngayon mula sa dating isang pamilya noong 1984.
Nitong mga nakaraang taon ang katapatan ng mga Banal sa Ivory ay malinaw na nakita sa paggawa nila ng family history at gawain sa templo. Nakasama ang tatlo sa limang stake sa Cote d’Ivoire sa nangungunang 25 sa Simbahan sa porsiyento ng mga nasa hustong gulang na nagsumite ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo noong 2012. Sa lahat ng stake sa Simbahan, ang Cocody Stake ang may pinakamataas na porsiyento ng mga nasa hustong gulang na nagsumite ng mga pangalan, sa iba’t ibang pagkakataon, para sa gawain sa templo.
Ginagawa rin ng mga kabataan ang kanilang bahagi. Ang porsiyento ng mga kabataang Ivorian na gumagawa ng indexing ay mahigit doble ng karaniwang bilang ng nag-iindex sa Simbahan, sa kabila ng katotohanan na halos wala sa kanila ang may sariling computer at Internet kundi nagpupunta pa sila sa isang stake family history center para gawin iyon.
Naituro sa mga miyembro na ang paggawa ng family history ay mahalagang bahagi ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Sinisikap nilang ihanda ang mga pangalan ng kanilang mga kapamilya bago sila sumakay ng bus para sa mahabang biyahe papuntang Accra Ghana Temple—at karaniwan ay hindi lamang kakaunting pangalan ang dala nila, kundi marami.
Hinikayat nina Elder Cook at Elder Clayton ang mga Banal na sumulong sa apat na pangunahing bagay: palakasin ang kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, patatagin ang kanilang pamilya, aktibong ibahagi ang ebanghelyo sa iba, at magpatuloy sa kamangha-mangha nilang mga pagsisikap na gumawa ng family history at gawain sa templo.