Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Pagkatutong Maging Masunurin
Mula sa “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 89–90.
Noong lumalaki na ako, tuwing summer mula Hulyo hanggang sa mga unang araw ng Setyembre, ang pamilya ko ay namamalagi sa aming maliit na bahay sa Vivian Park sa Provo Canyon sa Utah.
Isa sa matatalik kong kaibigan sa masasayang panahong iyon ay si Danny Larsen, na ang pamilya ay nagmamay-ari rin ng isang maliit na bahay sa Vivian Park. Araw-araw kaming naglilibot sa lugar na ito, nangingisda sa batis at ilog, nangunguha ng mga bato at iba pang magagandang bagay, nagha-hiking, umaakyat, at nagsasaya sa bawat minuto ng bawat araw.
Isang umaga nagpasiya kami ni Danny na gumawa ng campfire kinagabihan kasama ang lahat ng kaibigan namin doon. Kailangan lang naming hawanin ang isang lugar na malapit sa bukid para makapagtipon kaming lahat. Ang mga damo sa buwan ng Hunyo ay tuyo na at nakakasugat, kaya hindi ito akma sa balak namin. Sinimulan naming bunutin ang matataas na damo, sa planong mahawan ang malaking bahagi nito. Buong lakas naming binunot ang mga damo, pero ang nabunot namin ay kakaunti sa matitibay na damong iyon. Alam namin na aabutin kami nang buong maghapon sa paggawa nito, at napapagod na kami at nawawalan na ng gana.
At pagkatapos ay dumating sa walong-taong-gulang kong isipan ang inakala kong magandang solusyon. Sinabi ko kay Danny, “Kailangan lang nating sunugin ang mga damong ito. Sunugin lang natin ang gitna ng damuhan!” Agad siyang sumang-ayon, at tumakbo sa bahay namin para kumuha ng posporo.
Baka isipin ninyo na pinapayagan na kami sa edad na walo na gumamit ng posporo, gusto kong linawin sa inyo na kami ni Danny ay pinagbawalan na gamitin ito nang walang nakabantay na matanda. Pareho kaming paulit-ulit na binalaan sa panganib na dulot ng apoy. Gayunpaman, alam ko kung saan itinatago ng pamilya ko ang mga posporo, at kailangan naming mahawan ang lugar na iyon. Hindi na nagdalawang-isip pa, tumakbo ako sa bahay namin at kumuha ng ilang posporo, tiniyak na walang nakakakita sa akin. Mabilis ko itong itinago sa aking bulsa.
Patakbo akong bumalik kay Danny, tuwang-tuwa na nasa bulsa ko na ang solusyon sa aming problema. Naalala ko na naisip ko noon na susunugin lang ng apoy ang gusto naming sunugin at pagkatapos ay basta na lamang mamamatay ang apoy.
Ikiniskis ko ang posporo sa bato at sinunog ang tuyong damo sa buwan ng Hunyo. Naglagablab ito na para bang nabuhusan ng gasolina. Tuwang-tuwa kami ni Danny noong una habang minamasdan na natutupok ang mga damo, ngunit kaagad naming natanto na hindi basta kusang mamamatay ang apoy. Natakot kami nang matanto namin na wala kaming magagawa para pigilan ito. Sinimulang tupukin ng mapanirang apoy ang mga ligaw na damo na umabot hanggang sa gilid ng bundok, nanganganib ang mga pine tree at lahat ng madaraanan nito.
Sa huli wala kaming opsiyon kundi ang tumakbo at humingi ng tulong. Di-nagtagal lahat ng naroong kalalakihan at kababaihan sa Vivian Park ay nagtakbuhan paroo’t parito dala-dala ang mga basang telang sako, at inihahampas sa apoy para maapula ito. Makalipas ang ilang oras ang huling natitirang baga ay tuluyan nang napatay. Ang matatandang puno ng mga pine tree ay nakaligtas, gayon din ang mga bahay na muntik nang maabutan ng apoy.
Natutuhan namin ni Danny ang ilang matitindi pero mahahalagang aral nang araw na iyon—ang malaking bahagi nito ay ang kahalagahan ng pagsunod.
May mga tuntunin at batas na tumutulong para matiyak ang ating pisikal na kaligtasan. Gayundin, ang Panginoon ay nagtatag ng mga tuntunin at kautusan para matiyak ang ating espirituwal na kaligtasan upang matagumpay tayong makapaglakbay sa mortal na buhay na ito na kadalasang puno ng panganib at sa huli ay makabalik sa ating Ama sa Langit.