Hindi Ka Puwedeng Umakyat Dito
Bonnie Marshall, Utah, USA
Ang asawa kong si John ay isang malaking tao. Anim na talampakan at apat na pulgada (1.9 m) ang taas niya at mahigit 200 libra (90.9 kg) ang timbang niya. Para sa kanya, hindi masarap magbiyahe na nasa economy class, at masakit pa sa katawan.
Noong Agosto 2006 tinawag kaming maglingkod sa Church educational service mission sa Brigham Young University–Hawaii. Nang oras na para umuwi, naisip namin ang hirap na titiisin niya sa biyahe pabalik sa mainland. Nang mag check-in kami natuwa kaming malaman na may isa pang bakanteng upuan sa first class, kaya ipina-upgrade namin ang tiket niya. Makakaupo na siya nang komportable dahil maluwag na ang gagalawan ng mahahaba niyang binti.
Sa kalagitnaan ng biyahe, ipinasiya kong puntahan siya at kumustahin. Nang papalapit na ako sa first-class area, humarang sa pintuan ang flight attendant para pigilan ako.
“May maitutulong ba ako?” tanong niya.
“Oo, gusto kong makita sandali ang asawa ko,” sagot ko.
“Sori po,” malumanay ngunit mariin niyang sabi, “hindi po kayo puwedeng umakyat dito.”
“Pero asawa ko siya, at gusto ko lang siyang makita sandali.”
Nakaharang pa rin sa pintuan, sinabi niyang muli, “Sori po, pero hindi kayo puwede rito. Puwede kong iparating ang mensahe ninyo sa asawa ninyo, at kung gusto niya, puwede niya kayong puntahan. Pero patakaran po na mga pasahero lang sa first class ang puwede sa lugar na ito.”
Saglit akong natigilan, pero nang makita kong determinado siya, tahimik akong bumalik sa upuan ko sa economy class.
Naisip ko ang tatlong antas ng kaluwalhatiang binanggit sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta. Nabasa natin na bibisitahin ni Cristo ang mga nasa kahariang terestriyal (tingnan sa D at T 76:77), at bibisitahin ng naglilingkod na mga anghel ang nasa kahariang telestiyal (tingnan sa D at T 76:88), ngunit ang mga nasa mas mabababang kaharian ay hindi kailanman makakapunta sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 76:112; tingnan din sa D at T 88:22–24). Habang pinag-iisipan ko ang naranasan ko, parang bahagya kong nadama ang maaaring madama ng mga nasa mas mabababang kaharian. Ano ang madarama nila kapag narinig nila ang mga salitang “Sori po, hindi kayo puwedeng umakyat dito”?
Mga limang buwan kalaunan namatay ang asawa ko sa kanser. Ang naranasan ko sa eroplano ay mas nakahimok sa akin na mamuhay sa paraang hindi ko na kailanman maririnig na muli ang mga salitang iyon—lalo na sa kabilang buhay.