2013
Isang Walang-Hanggang Pamilya
Hulyo 2013


Isang Walang-Hanggang Pamilya

Kellee H. Mudrow, Utah, USA

Noong 19 anyos ako, binisita ko sa huling pagkakataon ang lolo’t lola ko bago ako umalis para sa tatlong-buwang humanitarian trip sa Ecuador. Lumipat ang lolo ko sa assisted-living center dahil humihina na ang katawan niya. Nagkasakit siya ng dementia at iba pang sakit na dala ng katandaan.

Habang papasok kami ng pamilya ko sa gusali ng assisted-living center, nalungkot ako, dahil alam ko na baka ito na ang huling pagbisita ko sa lolo ko. Alam ko na mamamatay siya habang wala ako, at nakokonsiyensya akong umalis.

Bago kami pumasok sa kuwarto niya, kalilipat pa lang ng kawani ng ospital sa lolo ko sa isang wheelchair. Dinala namin siya sa lobby ng gusali. Kausap ng nanay ko ang isa sa mga kawani ng ospital habang kausap namin ng 16 anyos kong kapatid ang aming lolo.

Hindi na siya tulad ng dati. Kitang-kitang apektado na ang pag-iisip niya, at para siyang naguguluhan. Nang tanungin namin kung ilan ang kanyang apo, mali ang sagot niya. Pagkatapos ay malambing naming pilit na ipinaisip sa kanya kung ilan talaga ang apo niya.

Naawa ako sa kanya. Pero maya-maya, kahit naguguluhan at mali-mali ang sagot sa mga tanong namin, biglang sinabi ng lolo ko na, “Isang walang-hanggang pamilya.”

Nagulat ako. Hindi naintindihan ng kawaning nasa tabi namin ang sinabi ni lolo, pero nagkatinginan kaming magkapatid. Malinaw naming narinig ang sinabi niya. Inulit niya itong muli, “Isang walang-hanggang pamilya.” Narinig na rin siya ng aming ina.

Wala na akong maalala pang iba sa pag-uusap naming iyon. Ang alam ko lang habang palabas kami ng ospital, naiyak ako sa lungkot at galak—lungkot dahil iniwan namin ang taong hindi ko na makikitang muli ngayon sa buhay na ito at galak dahil sa magiliw na habag na dulot ng simpleng mga katagang iyon at sa kapayapaang iniwan nito sa puso ko.

Alam ko na kahit hindi na malinaw ang isip ng lolo ko, nagawa niyang ibahagi sa huling sandali ang matibay niyang pananalig at kaalaman na ang mga pamilya ay walang hanggan.

Di-nagtagal umalis na ako papunta sa humanitarian trip ko. Nang mabalitaan kong pumanaw na ang lolo ko isang linggo bago ako nakabalik, payapa ang pakiramdam ko. Alam ko noon at hanggang ngayon, na balang araw ay makikita ko siyang muli. Salamat sa mga ordenansa sa templo dahil naging walang hanggan ang mga pamilya.