“Mga Himala,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Mga Himala
Mga Pagpapakita ng kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos
Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit naniniwala kang totoo ang Diyos at alam Niya ang tungkol sa iyo? May naiisip ka bang mga pagkakataon na alam mong ipinapakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa iyo? Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Manalangin na magkaroon ng mga mata na makakakita sa kamay ng Diyos sa inyong buhay at sa mundong nakapaligid sa inyo.”1 Ang mga himala ay kumakatawan sa mga sandali na kumikilos ang Diyos gamit ang Kanyang kapangyarihan para sa Kanyang mga anak.
Sa mga banal na kasulatan, nalaman natin ang tungkol sa mga makapangyarihang himala na ginawa ng Dakilang Jehova para sa Kanyang mga tao sa Lumang Tipan. Nalaman din natin ang mga himalang ginawa ni Jesucristo noong nabubuhay Siya sa lupa sa Bagong Tipan at bilang nabuhay na mag-uling Panginoon sa Aklat ni Mormon. Ngunit ang pinakadakila sa lahat ng himala ay ang Kanyang Pagbabayad-sala, nang tubusin Niya ang sanlibutan mula sa kasalanan at mabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Ngayon ay makikita natin ang Kanyang mga gawa at himala, kapwa malaki at maliit, sa ating sariling buhay at malalaman natin na “ang Panginoon ay mabuti sa lahat: at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa” (Mga Awit 145:9).
Bahagi 1
Si Jesucristo ay Diyos ng mga Himala
Ang mga himala ay bahagi na noon pa man ng gawain ng Diyos sa Kanyang mga anak. Kabilang sa Luma at Bagong Tipan ang maraming salaysay tungkol kay Jesucristo na nagpapakita ng banal na kapangyarihan para sa mga anak ng Ama sa Langit. Nalalaman ng mga tagasunod ni Jesucristo ngayon na ang kapangyarihan ng Diyos ay patuloy na ipinapakita sa mahimalang mga paraan sa Kanyang Simbahan at sa buhay ng mga indibiduwal at pamilya. Ipinahayag ng Diyos, “Sapagkat masdan, ako ang Diyos; at ako ay Diyos ng mga himala; at ipakikita ko sa mundo na ako ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman; at hindi ako gumagawa sa mga anak ng tao maliban kung ito ay naaayon sa kanilang pananampalataya” (2 Nephi 27:23).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Nang tanungin ng dalawa sa mga disipulo ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus, “Ikaw ba iyong darating o maghihintay kami ng iba?” Nagbanggit si Jesus ng mga halimbawa upang ipakita kung sino Siya (tingnan sa Mateo 11:3–6). Bakit pinatunayan ng mga halimbawang ito kung sino Siya? Isipin din ang sinabi ni Jesus sa Juan 5:36. Ano ang layunin ng “mga gawain” na ginawa ni Jesus?
-
Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband, “Ang Panginoon ay [gumagawa ng mga himala] para ipaalala sa atin ang Kanyang kapangyarihan, Kanyang pagmamahal sa atin, Kanyang pagtulong mula sa kalangitan tungo sa ating mortal na karanasan, at Kanyang hangaring ituro ang bagay na pinakamahalaga.”2 Ano ang ilan sa mga paborito mong himala na nabasa mo sa mga banal na kasulatan? Ano ang naituro sa iyo ng mga himalang ito tungkol sa Diyos?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Anyayahan ang mga kagrupo na pumili ng isa sa mga sumusunod na salaysay tungkol sa mga himala ng Tagapagligtas mula sa Bagong Tipan. Tukuyin ang “sino, ano, saan, kailan, at bakit” ng himalang inilarawan sa piniling scripture passage. Talakayin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga pangyayaring ito. Paano magagamit ang mga salaysay na ito para palakasin ang pananampalataya ng mga taong kilala ninyo?
-
Ang pagpapagaling sa dalawang lalaking bulag (tingnan sa Mateo 9:27–31)
-
Ang pagbuhay sa anak ng balo (tingnan sa Lucas 7:11–16)
-
Ang pagpapagaling sa lalaking isinilang na bulag (tingnan sa Juan 9)
-
Ang pagbuhay kay Lazaro (tingnan sa Juan 11:1–45)
-
Alamin ang iba pa
-
1 Mga Hari 17:8–24; Mateo 4:23; Juan 2:23; Mosias 3:5–11; 3 Nephi 17:6–9
-
Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6–17
Bahagi 2
Ang mga Himala ay Dumarating sa pamamagitan ng Pananampalataya kay Jesucristo
Sa Bagong Tipan, ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na ang mahimalang “mga tanda … ay tataglayin ng mga nananampalataya” (Marcos 16:17–18). Sa mga huling araw, sinabi Niya, “Kaya nga, tulad ng aking sinabi sa aking mga apostol sinasabi kong muli sa inyo, na ang bawat kaluluwa na naniniwala sa inyong mga salita, at nabinyagan sa pamamagitan ng tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ay tatanggap ng Espiritu Santo. At ang mga tanda … ay susunod sa kanila na naniniwala” (Doktrina at mga Tipan 84:64–65). Para sa mga naniniwala sa Diyos at kay Jesucristo, ang mga himala ay talagang napakaposible, ngunit kailangan muna silang manampalataya (tingnan sa Eter 12:12–18).
Ngunit hindi tayo dapat maghangad ng mga himala bilang paraan para patatagin o patunayan ang ating pananampalataya. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith: “Ang pananampalataya ay hindi dumarating sa pamamagitan ng mga tanda, kundi ang mga tanda ay sumusunod sa yaong sumasampalataya. Oo, ang mga tanda ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng kalooban ng mga tao, ni sa kanilang kagustuhan, kundi sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 63:9–10). Isinulat ng propetang si Moroni, “Wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” (Eter 12:6). Ang patotoo na nagsimula sa pagsaksi sa isang himala ay hindi magtatagal kung hindi ito pangangalagaan nang may patuloy na pananampalataya at pagsunod.
Ang ilang himala ay tahimik na nangyayari, tulad ng kapag ang isang tao ay nagkaroon ng patotoo sa katotohanan ng Diyos, nakararanas ng malaking pagbabago ng puso, nagtatamo ng kapatawaran mula sa Panginoon, o biniyayaan ng kapayapaan at lakas sa mahirap na panahon (tingnan sa Alma 37:6–7).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin ang sinabi ng anghel kay Maria: “Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37). Naharap ka na ba sa isang bagay na tila imposibleng maisakatuparan o malutas? Paano ka maihahanda ng pag-aaral ng mga salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa mga himalang ginawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na bumaling sa Kanya at magtiwala sa Kanyang pagmamahal, awa, at kalooban?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Nagsalita si Pangulong Howard W. Hunter ng maraming nakaaantig na himala na ginawa ni Jesucristo. Pagkatapos ay ibinahagi niya:
“Kamangha-manghang masaksihan ang isang bingi na nakarinig muli. Ngunit tiyak na ang malaking pagpapalang iyon ay hindi mas kamangha-mangha kaysa sa nakamamanghang kombinasyon ng mga buto at balat at nerves na nagtutulot sa ating mga tainga na matanggap ang magandang tunog sa mundo. Hindi ba tayo magpupuri sa ipinagkaloob na pandinig at luluwalhatiin ang Diyos para sa himalang iyon, kahit nakakarinig tayo kapag ang pandinig ay naibalik matapos itong mawala?
“Hindi ba’t gayon din kapag naibalik ang paningin o muling nakapagsalita ang isang tao, o maging sa pinakadakilang himalang iyon sa lahat—ang pagpapanumbalik ng buhay? Ang mga orihinal na nilikha ng Ama ay bumubuo ng isang tunay na kamangha-manghang mundo. Hindi ba’t ang pinakadakilang mga himala ay ang katotohanan na mayroon tayong buhay at katawan at paningin at pananalita?”3
Paano nadaragdagan ng pananaw na ito tungkol sa maraming himala sa ating buhay ang ating pasasalamat sa Diyos ng mga himala?
Alamin ang iba pa
-
Howard W. Hunter, “The God That Doest Wonders,” Ensign, Mayo 1989, 15–17
-
Michael A. Dunn, “Paano Anyayahan ang mga Himala sa Inyong Buhay,” Lingguhang YA, Hunyo 2021, Gospel Library
Bahagi 3
Hangarin at Asahang Mangyari ang mga Himala sa Iyong Buhay
Laging may mga himala hangga’t may mga taong may pananampalataya (tingnan sa Moroni 7:27–29). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na dapat nating “hangarin at asahang mangyari ang mga himala.” “Pagpapalain kayo ng Panginoon ng mga himala kung maniniwala kayo sa Kanya, ‘nang walang pag-aalinlangan’ [Mormon 9:21]. Gawin ang espirituwal na gawain sa paghahanap ng mga himala. Hilingin sa Diyos sa panalangin na tulungan kayong magpakita ng ganoong uri ng pananampalataya.”4
Ang mga himala ay nasa paligid natin araw-araw. Ipinaliwanag ni Elder Ronald A. Rasband: “Marami sa inyo ang nakasaksi na ng mga himala, nang higit kaysa inaakala ninyo. Maaaring tila maliit ang mga ito kumpara sa pagpapabangon ni Jesus sa patay. Ngunit hindi natutukoy ang himala sa laki, kundi na ito ay nagmula lamang sa Diyos.”5
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin ang payo ni Pangulong Nelson. Ano ang ibig sabihin ng “paghahanap” ng mga himala sa iyong buhay? Ano ang “espirituwal na gawain” na kailangan mong gawin sa “paghahanap ng mga himala”? Paano ka mapagpapala sa paghahanap ng mga paraan kung paano kumikilos ang Diyos sa iyong buhay?
-
Basahin ang Mormon 9:7–21. Kung ang Diyos ay hindi pabagu-bago at nagkakaloob ng mga pangitain, pagpapala, at paghahayag sa Kanyang mga anak noong sinaunang panahon, ano ang kahulugan nito para sa iyo? Sino ang kakilala mo na maaaring makinabang kapag mas naunawaan niyang mabuti na “ang Diyos ay hindi tumitigil na maging Diyos ng mga himala”? (Mormon 9:15)
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Anyayahan ang mga kagrupo na magbahagi ng isang pagkakataon na nasaksihan nila ang kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng pagpapala o himala sa kanilang sariling buhay, kung naaangkop. Talakayin ang iba’t ibang paraan na nangyayari ang mga himalang ito at ang iba’t ibang mga layunin nito.
Alamin ang iba pa
-
2 Nephi 28:3–6; 3 Nephi 29:6–7; Moroni 7:27–37; Doktrina at mga Tipan 35:8
-
Donald L. Hallstrom, “Tumigil na ba ang Araw ng mga Himala?,” Liahona, Nob. 2017, 88–90
-
Sydney S. Reynolds, “A God of Miracles,” Ensign, Mayo 2001, 12–13