Huwag Palampasin ang Debosyonal na Ito
Paano Anyayahan ang mga Himala sa Inyong Buhay
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga estudyante sa Ensign College sa Lungsod ng Salt Lake, Utah, USA, noong Marso 24, 2020. Basahin ang buong teksto sa ensign.edu.
Magpasiya ngayon na makilala, maging, at lumuhod na ipagdasal ang himala, at dakila at kamangha-manghang mga pagpapala—malaki at maliit—ang tiyak na naghihintay sa inyo.
Ngayon nais kong magsalita tungkol sa isang bukod-tanging bahagi ng ministeryo ng ating Tagapagligtas:
Mga himala.
Ngunit sa halip na isalaysay ang Kanyang maraming mga himala sa luma at bagong daigdig, nais kong ikuwento ang isang personal na himala na nasaksihan ko maraming taon na ang nakararaan, sa pag-asang mabuksan ang inyong mga mata sa mga himalang nangyayari sa paligid ninyo araw-araw.
Ang mga himala ay naging bahagi na at palaging magiging bahagi ng gawain ng isang maawain at mapagmahal na Diyos at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa madaling salita, asahang makakakita kayo ng mga himala sa inyong buhay.
Ano ang eksaktong bumubuo sa isang pangyayari sa buhay para maging himala sa halip na isang karaniwang pangyayari? Binibigyang-kahulugan ng mundo ang salitang himala bilang isang “pambihirang pangyayari sa pisikal na daigdig na higit pa sa lahat ng kilalang kapangyarihan ng tao o likas na kapangyarihan at sinasabing dahil sa isang pambihirang dahilan,” “isang epekto o pangyayaring ipinapakita o itinuturing na gawain ng Diyos,” “isang pagkamangha [o] kababalaghan.”1
Mababasa sa isa sa mga linya ng aking patriarchal blessing, “At makikita mo ang kamay ng Panginoon sa iyong buhay … at masasaksihan mo ang mga himala.” Kung mayroon man, iyan ay isang pahayag na pinaliit ang tunay na lawak nito. Pagkaraan ng mahigit na 60 taon ng pamumuhay—at halos pagkamatay—ngunit nanggigilalas din sa kabutihan ng Diyos sa buong buhay ko, pinatototohanan ko sa inyo na nakikita ko ang mahimalang kamay ng Panginoon sa buhay ko sa bawat araw.
Tunay ngang nakasaksi ako ng mga himala.
At—narito ang isang spoiler alert—mapagtitibay ko nang may katiyakan na bawat isa sa inyo, anuman ang inyong sitwasyon o kalagayan, ay nakararanas din ng mga himala sa araw-araw, kahit hindi ninyo batid ang marami sa mga ito.
Ang ating problema bilang mga Banal ay hindi pagkukulang ng mga pagpapala. Ang problema natin ay tayo bilang mga pinagtipanang tao ng Panginoon ay may mga bintana ng langit na malawak na bukas at literal na bumubuhos ng mga pagpapala. Lubos tayong pinagpapala kaya ang napakaraming himala sa ating paligid kung minsan ay nagiging pangkaraniwan o hindi na nakikita pa sa ating buhay. Ang nakalulungkot, ang sobrang kasaganaang ito ng mga kayamanan ay hindi nakakukuha ng ating lubos na pansin, ni ng pasasalamat, na dapat nitong matanggap. Tulad ng pagkakaroon ng hangin sa ating likod, kung minsa’y hindi lang natin nakikilala ang karingalan at lakas ng mga himala sa ating paligid.
Ngayon, nais kong iugnay ang isa sa mga maliliit na himalang iyon na nakakuha ng aking lubos at masusing pansin, isang himala na hinding-hindi ko malilimutan.
Ang Nawawalang Singsing
Hindi nagtagal pagkauwi nila mula sa kanilang pulot-gata noong unang bahagi ng Hunyo ilang taon na ang nakararaan, ang anak kong si Emi at ang aking manugang na si Chase ay may isang linggo para magbakasyon sa amin bago tumulak papunta sa kanilang bagong tahanan sa California, USA. Noong linggong iyon, nagplano silang buksan ang lahat ng regalo nila sa kasal, sumulat ng maiikling liham ng pasasalamat, at pagkatapos ay ilagak ang lahat ng kanilang gamit sa kotse.
Hindi na kailangang sabihin, napakaraming ginawa noong linggong iyon.
Ngunit kinaumagahan pagkatapos magbukas ng mga regalo, napansin ni Emi na hindi lamang wala sa kanyang kamay ang kanyang singsing sa kasal, wala rin ito sa lalagyan ng singsing na palagi niyang pinaglalagyan nito sa bawat gabi. Sinisikap na huwag mataranta, alam niyang nailagay niya nito sa isang lugar sa bahay at nagsimulang hanapin ito. Saanman ito naroroon, nakatitiyak siya na matatagpuan ito. Ngunit matapos na walang ibinunga ang kaswal na paghahanap, tinawag niya si Chase at pagkatapos ay kaming mag-asawa. Pagkatapos ay nagsimula na kami ng kani-kanyang hanap, muling sinisilip ang bagay na pihadong hindi napansin, batid na matatagpuan ng isa sa amin ang singsing. Iyon nga lang, hindi namin nakita.
Higit pa sa halaga ng pagpapalit ng singsing ay ang sentimental na halaga ng mahalaga at lubhang simbolikong singsing na iyon. Kumakatawan ang singsing sa pagmamahal, sakripisyo, kasipagan, at katapatan sa isa’t isa, at tanda ng walang hanggang ugnayan.
Si Chase ay isang estudyante sa unibersidad na nagsikap nang husto at inipon ang lahat ng kanyang salapi para mabili niya ang singsing na iyon. At sa loob ng walong buwan ng kanilang kasunduang magpakasal, pinahalagahan ni Emi ang simbolikong katangian ng singsing na iyon at ang walang hanggang katangian ng kanilang mga bigkis na kinakatawan ng singsing.
Kinaumagahan, mas marami pang tanong, mas maraming tahimik na panalangin, at mas maigting ang aming tuon habang kaming lahat ay aktibong sumali sa tatawagin kong “ikalawang antas” ng agarang paghahanap. Sa pagkakataong ay ito ginalugad namin ang mga silid sa bahay kung saan maaaring nagpunta si Emi ngunit posibleng nakaligtaan niya. Nakayuko at nakaluhod, naghanap kami sa ilalim ng mga sopa. At pagkatapos ay sa ilalim ng lahat ng kutson sa mga sopa ring iyon. Pero muli, wala kaming natagpuan.
Nang dumating ang araw na paalis na sila, nabagbag ang puso ko nang makita kong walang alahas ang kaliwang kamay ng aking anak at ang nauunawaan kong hitsura ng kakulangan sa kanyang mukha. Gayunpaman, kapwa man nalulungkot, nagulat akong makita silang umalis nang may di-inaasahang antas ng pag-asa na matatagpuan ang singsing. Kinilala ko ang kanilang pag-asa. Gayunman, wala nang ibang konklusyon para sa realistang tulad ko kundi ang, makaraan ng limang araw ng paghahanap nang walang bunga, wala na ang singsing na ito.
Taliwas sa lahat ng katwiran at lohika, nanatiling maganda ang pananaw nina Emi at Chase at kahit paano’y puno ng pananampalataya na matatagpuan ang singsing. Ipinakita nila ang mahahalagang mitsang iyon sa pagbuo ng isang himala dahil naka-angkla sila sa pananampalataya at di-natitinag na pag-asa—gaano man kataliwas ang mga pagkakataon. At sa halip na mag-ukol ng oras sa pagbili ng isa pang singsing, gumugol sila ng oras sa pagluhod sa panalangin at sa templo.
Kahit hindi nagantimpalaan ang kanilang pananampalataya sa paraang gusto nila, hindi sila nag-alinlangan. Nagtiwala sila sa Diyos nang buong puso at hindi sa kanilang sariling pang-unawa (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6). Tumanggi silang sumang-ayon sa inilahad ni J. R. R. Tolkien sa kanyang klasikong The Fellowship of the Ring nang isinulat nito:
“Walang pananampalataya ang nagpapaalam kapag nagdidilim ang daan.”2
Halos isang buong buwan ang lumipas na walang nangyayari. At ang daan ay tila hindi lamang nagdilim kundi tila tuluyan nang nawalan ng pag-asa. Lahat—maliban kina Emi at Chase—ay sumuko na.
Kalaunan, isang gabi pagkatapos ng trabaho, isang buwan matapos mawala ang singsing, tumanggap ako ng text mula kay Meagan, ang babaeng gumugupit ng buhok ko. May nabasa akong isang pangungusap na nagpalundag sa puso ko. Sabi sa teksto:
“Nahanap mo na ba ang singsing ni Emi?”
Ilang linggo na ang nakararaan, nabanggit ko kay Meagan kung gaano kami kalungkot na nawala sa amin ang singsing ni Emi. Pero hindi ko maisip kung bakit niya ako papadalhan ng text maliban na lamang kung may alam siya tungkol dito. Nanginginig man ang mga kamay ko, kahit paano ay nakapag-text ako ng maikling sagot:
“Hindi,” sagot ko.
“Puwede mo ba akong padalhan ng larawan ng kanyang singsing?”
Isang larawan? Bakit kakailanganin ni Meagan ng isang larawan? Hindi na mahalaga iyon. Nadama kong may nangyayari, kaya ipinadala ko ang retrato, at pagkatapos ay naghintay ako ng sagot. Limang salita lamang iyon:
“Nasa akin ang kanyang singsing.”
Agad kong tinawagan si Meagan, na hiniling sa akin na kunin ang singsing. “Sigurado ka?” sabi ko. “Talagang-talaga?” Tumawa siya at sinabing, “Pumunta po kayo at tingnan ninyo mismo. Ito ay isang himala na hindi ninyo paniniwalaan.”
Masasaksihan ko na ang isang himala, isang himala na naging karapat-dapat sina Emi at Chase, ayon kay Brigham Young. Sinabi ni Pangulong Young:
“Ang mga himala, o ang mga di-pangkaraniwang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos, ay hindi para sa hindi naniniwala; ang mga ito ay para aluin ang mga Banal, at palakasin at pagtibayin ang pananampalataya ng mga nagmamahal, natatakot, at naglilingkod sa Diyos,.”3
Bago ko ikuwento sa inyo ang iba pa sa mahimalang kuwentong ito, nais kong itanong sa inyo: Nakagawa na ba kayo ng personal na listahan ng mga himala? Nabilang na ba ninyo ang maraming pagpapala sa inyo at napangalanan nang isa-isa ang mga ito? Nabilang na ba ninyo ang inyong maraming pagpapala upang makita kung ano ang ginawa ng Diyos?4
Kung hindi, hayaan ninyo akong magmungkahi ng tatlong paraan na makatutulong sa inyo na matukoy ang maraming himala sa inyong buhay.
1. Kilalanin ang Himala
Una sa lahat, kailangan ninyong “makilala ang himala.” Madaling makilala ang munting himala ko. Ngunit nakikita ba ninyo ang mga himalang nangyayari sa inyong paligid bawat araw? Ang katotohanan na ang inyong puso, na, kung kayo ay mga 20 taong gulang na, ay nakapagbomba na ng dugo sa inyong katawan nang mahigit 840 milyong beses. O na pag-aari mo ang cell phone sa bulsa mo, na may mahigit 100,000 beses na lakas magproseso kung ihahambing sa kompyuter na tumulong sa tao na makatapak sa buwan 50 taon na ang nakararaan. At ang pinakamahalagang himala ng lahat, na kayo ay kabilang sa 0.2 porsiyento ng populasyon ng mundo na taglay ang ipinanumbalik na ebanghelyo at lahat ng kaugnay at nagpapadakilang mga pagpapala nito.
2. Maging Himala
Maaari ba akong maging mapangahas at imungkahi na, sa halip na hintayin ang inyong himala, maaari kayong magpasiyang maging isang manggagawa ng himala? Nais ng Diyos na tugunan ang inyong panalangin, ngunit siguro ay ang panalangin din ng iba sa pamamagitan ninyo. Tulad ng itinagubilin ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Huwag sana kayong manalangin—nakikiusap ako sa inyo—para sa mga gawaing katugma ng inyong mga kapangyarihan. Manalangin para sa mga lakas na kapantay ng inyong mga gawain. Sa gayon ang paggawa ng inyong gawain ay hindi na magiging isang himala, kundi kayo ang magiging himala.”5 Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at tulutan ang Diyos na tugunan ang panalangin ng iba sa pamamagitan ninyo. Tunay nga, kapag kayo ay “nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
3. Lumuhod para sa Himala
Nangangahulugan ito, sa pisyolohikal na konteksto, na dapat ang ating kasukasuan sa pagitan ng ating mga hita at binti ay tila 90 degree na anggulo habang tayo ay—sa mga espirituwal na kataga—mapagpakumbabang sumasamo sa Diyos para sa banal na tulong na hinahangad natin. Tandaan na ang ating Diyos ay Diyos ng mga himala, na ang mga gawain ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay masasabing “ministeryo ng mga himala.”
Alalahanin na nilikha Niya ang mundo at ang lahat ng bagay doon. Na ginawa Niyang alak ang tubig, ang mga nag-aalinlangan na maging mga nagsisisampalataya. Na lumakad Siya sa ibabaw ng tubig, pinagaling ang maysakit, at binuhay ang mga patay. At ang Kanyang payo sa atin ngayon ay magsumamo sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin para sa mga himalang iyon, ngunit pagkatapos ay maging matiyaga sa paghihintay sa Kanyang mga layunin at takdang panahon.
Napakadalisay ng paalalang ibinigay sa atin ni Jesus sa Doktrina at mga Tipan, “Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili upang ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; sapagkat kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa inyo, at iyon ay sa kanyang sariling panahon, at sa kanyang sariling pamamaraan, at alinsunod sa kanyang sariling kalooban” (Doktrina at mga Tipan 88:68).
Ang Diyos ay Nasa mga Detalye
Kaya paano nangyari ang himala ni Emi? Narito ang natitirang bahagi ng kuwento ng “kilalanin, maging, at lumuhod para ipagdasal ang himala.”
Isang babaeng nagngangalang Jilda ang sakay ng kotse pauwi kasama ang kanyang asawa at tatlong anak matapos bisitahin ang kanyang mga magulang. Sa maraming bagay na nasiyahang gawin ang kanyang mga anak sa pagbisitang iyon, ang pinakamasaya ay ang mga nilutong muffin ni Lola na may halong saging. Matapos ang walang-tigil na pangungulit mula sa kanyang mga anak sa kotse, nangako si Jilda na ipagluluto niya sila ng mga muffin kapag nakauwi na sila. “Pero paano ko gagawin iyon?” naisip niya. “Ni wala akong sariling tray para sa muffin.” At sa kaisipang iyon, natulog siya habang nagmamaneho ang kanyang asawa at umuwi na.
Ngunit sa kung anong dahilan, nagising siya habang papalapit na ang kotse sa isang pamilyar na tarangkahan ng expressway. Pagkatapos ay bigla niyang naisip na ang paborito niyang tindahan ng gamit sa bahay ay nasa kasunod na lagusan lamang. Tiyak na mayroon silang tinda na tray para sa muffin. Agad niyang hiniling sa kanyang asawa na lumabas ng expressway at pumunta sa partikular na tindahang iyon. Dire-diretsong pumasok, agad siyang pumunta sa bakeware section, kung saan sinimulan niyang galugarin ang mga tray para sa muffin.
Nang kumuha siya ng isang tray para sa muffin sa itaas ng istante, narinig niya ang isang mahinang kalansing. Tinitingnan niya ang mga tray, napansin niya na hindi tama ang pagkakapatong ng mga ito. Pagkatapos ay pinaghiwa-hiwalay niya ang mga ito at natanto niya kung bakit: sa loob ng tray ay isang kumikislap na singsing na diamante. Dahil ayaw niyang mapunta ito sa masasamang tao, nagpasiya siyang ilagay ito sa kanyang bulsa at sinimulang hanapin ang may-ari oras na nakauwi siya.
Dinala ni Jilda ang singsing sa salon kung saan siya nagtatrabaho. Sa buong maghapon, ikinuwento niya ang pagkakahanap ng singsing sa iba pang mga taga-ayos at kostumer habang naghahanap siya ng mga ideya kung paano ito maibabalik sa tunay na may-ari. Samantala, pagkaraan ng maghapong pagkukulot, pagkukulay, at paggupit ng buhok, handang-handa nang umuwi si Meagan. Ngunit napansin niya ang ilang taga-ayos na nakapalibot kay Jilda sa kabilang dulo ng salon.
Nakadama ng pahiwatig, lumapit si Meagan sa grupo upang makita kung ano ang pinagkakaguluhan. Habang hawak ni Jilda ang singsing, nagitla si Meagan. Pagkatapos, at walang pag-aatubili ay sinabi niya, “Palagay ko ay alam ko kung kaninong singsing iyon.” Noon niya ako nai-text, at, alam mo na ngayon ang natitirang bahagi ng mahimalang kuwento ng singsing.
Ang mga kumplikadong hibla ng kuwentong ito ay halos napakarami upang mauunawaan. Ngunit tulad ng paalala sa atin ni Jeremias, “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?” (Jeremias 32:27).
Kalaunan ay isinulat ng anak kong si Emi ang tungkol karanasang ito:
“Salamat sa Diyos sa pagpapatunay nang higit kailanman na Siya ay tunay na nakikibahagi sa mga detalye ng ating buhay at magagawa ang mga bagay na hindi malamang na mangyayari! Napakagandang paalala ng katotohanan na naririnig ang ating mga panalangin, gaano man kaliit ang ating mga problema. Kung mahalaga ito sa atin, mahalaga ito sa Kanya!”
Batid ng Panginoon ang mga Himalang Hinahanap Natin
Ngayon, bagama’t kahanga-hanga ang himalang ito, paano naman ang mga himalang hindi natutuloy? At bakit mahalaga ang isang hamak na singsing? May mga kaganapan sa iba’t ibang panig ng mundo, tulad ng COVID-19 o maliliit na pangyayari tulad ng maaaring desperado ninyong ipinagdarasal ngayon mismo sa inyong buhay. At ang sagot ay hindi ko alam.
Ngunit batid ko na alam Niya. At may tiwala ako sa Kanya. Alam ko rin na kung alam Niya kapag bumagsak ang isang maya, kung gayon ay alam din Niya kapag bumagsak ang kahit isang patak ng inyong mga luha. May pananampalataya rin ako na Siya ay “makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19), at, tulad ng itinuro ni Pablo, “Lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin” (Roma 8:28).
Narito ang masasabi ko sa inyo: habang naghihintay sa inyong himala, huwag palagpasin ang mga araw-araw na kamangha-manghang bagay sa inyong paligid, tulad ng himala ng pagkakita sa isang tao na lubos na tinanggap ang ebanghelyo at nagbabago ang puso—isang taong pinipiling talikuran ang kasalanan at lubusang baguhin ang kanyang buhay, at sa gayon, ang kanyang walang-hanggang kapalaran. O ang lingguhang himala ng sacrament, ang kapangyarihang magbuklod at magpagaling ng mga ordenansa sa templo, at lahat ng iba pang pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo. At huwag sana ninyong kalimutan ang “mga sukdulang himala,” ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ano ang dapat ninyong hanapin sa sarili ninyong buhay? Ano ang mga himala ng Diyos na nagpapaalala sa inyo na malapit lang Siya, at nagsasabing, ‘Narito lang ako’? Isipin ang mga sandaling iyon, ang ilan ay araw-araw, nang kumilos ang Panginoon sa inyong buhay—at muling kumilos. Pahalagahan ito bilang mga sandali na nagpakita ang Panginoon ng tiwala sa inyo at sa mga pagpili ninyo. Ngunit hayaang hubugin Niya kayo at gawing mas mabuting tao kaysa magagawa ninyo nang mag-isa. Pahalagahan ang pakikibahagi Niya.”6
At hindi lamang pahalagahan ito, hangarin ito nang walang humpay. Tandaan na magagawa ng Diyos ang anumang bagay, at lahat ng bagay sa pagitan nito. Siya ang Panginoon ng lahat ng bagay.
Mga kapatid, magpasiya ngayon na makilala, maging, at lumuhod na ipagdasal ang himala, at dakila at kamangha–manghang mga pagpapala—malaki at maliit—ang tiyak na naghihintay sa inyo. Tulad nina Emi at Chase, masigasig ninyong maipakikita ang inyong pananampalataya batid na pagpapalain kayo maganap man o hindi ang inyong himala. Magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon. Magpasalamat at pahalagahan ang ginawa ng Panginoon sa inyong buhay, at tandaan ang mga salita ni Job: “Ang Diyos ay aking hahanapin, at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin, na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan, mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang” (Job 5:8–9).