Mula sa Misyon
Ang Itinuro sa Akin ng Ama sa Langit tungkol sa Pagbabago ng Puso
Sa isang simpleng karanasan, itinuro sa akin ng Ama sa Langit na nagmamalasakit Siya kapwa sa mga missionary at sa mga tinuturuan nila—at na mababago Niya ang anumang puso.
Yumuko ako, napupuno ng luha ang aking mga mata. Si Yannick (binago ang pangalan) ay katatapos lang magsalita nang may katiyakan: “Hindi ko sila mapapatawad. Hindi ko mapalalampas ang sakit na ito. Napakatigas ng puso ko.” Bagama’t lubos kong naunawaan ang pagsasalita niya ng wikang Pranses, hindi ko maunawaan ang kanyang damdamin.
Sampung taon na ang nakararaan, sumapi si Yannick sa Simbahan sa kabila ng oposisyon mula sa kanyang malaking pamilya. Nagkaroon siya ng lakas ng loob na magmisyon at inasam ang isang karanasang nagpapabago ng buhay sa pamamagitan ng paglalaan ng dalawang taon ng kanyang buhay sa Panginoon. Hindi niya alam kung gaano katindi ang mababago nito sa buhay niya. Ilang buwan lamang matapos lumisan para magmisyon, umuwi na si Yannick. Isang target ng masasakit at di-totoong sabi-sabi ng mga hindi masunuring kompanyon, sinalubong siya pauwi ng mga miyembrong pinaniwalaan ang mga sabi-sabi. Pakiramdam ni Yannick ay wala sa simbahan ang nagnanais na naroon siya. Nagpasiya siyang huwag nang bumalik.
Makalipas ang 10 taon, nagpasiya si Yannick na oras na para kalimutan ang kanyang sakit at galit. Hinanap niya ang mga missionary sa kanyang lugar—ang kompanyon ko at ako. Ilang linggo na kaming bumibisita kay Yannick, nagbabahagi ng mga espirituwal na mensahe at nagbabalik-aral sa mga alituntunin ng ebanghelyo habang nakaupo kami sa lilim ng kanyang mga puno ng mangga. Hindi tumigil si Yannick sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan o pag-aaral tungkol sa ebanghelyo. Hindi siya kailanman nawalan ng patotoo sa Simbahan, ngunit ang kahihiyang naranasan niya matapos ang kanyang misyon ang humadlang sa kanya na matamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Nadama ko na ipinadala ako sa kanyang lugar para sa isang kadahilanan, marahil ay para tulungan siyang maunawaan muli ang mga pagpapalang ito.
Akala ko ay umuunlad na kami, ngunit matapos marinig ang sinabi niya tungkol sa hindi pagpapatawad, agad kong natanto na malayo pa ang aming tatahakin.
Yumuko ako, iniisip kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko makalimutan ang mga sinabi ni Yannick: “Napakatigas ng puso ko.” Wala ring masabi ang kompanyon ko tulad ng nadarama ko. Tiningnan ko ang Biblia sa aking kandungan, tahimik na naiinis dahil nasa wikang Pranses ito. Pagkaraan ng siyam na buwan sa misyon, hindi pa rin ako mahusay sa pag-intindi ng mga banal na kasulatan sa Bibliang nasa wikang Pranses. Nagdasal ako sa aking puso, nagsusumamong malaman kung ano ang maaari kong sabihin sa lalaking ito na nakadama na hindi na gagaling pa ang kanyang puso.
Ang sagot na “Ezekiel kabanata 36” ay pumasok sa isipan ko.
Nag-isip ako nang mabuti, sinisikap alalahanin kung may naisaulo akong anumang talata sa banal na kasulatan sa aklat ni Ezekiel. Wala naman.
“Ezekiel kabanata 36.” Dumating muli ang sagot, umaalingawngaw sa aking isipan.
Binuklat ko ang aking Biblia at inilipat ang mga pahina sa Ezekiel 36. Ginalugad ng mga mata ko ang pahina; wala akong nakita. Bakit ba hindi ito sa wikang Ingles? Ano ang nais ipahanap sa akin ng Ama sa Langit? Nagpatuloy pa rin ako.
“Yannick, may isang talata sa Biblia na nais kong ibahagi sa iyo. Nasa Ezekiel kabanata 36 ito…”
Wala akong ideya kung ano ang susunod na sasabihin, ngunit habang tumitingin akong muli sa pahina, tumuon ang aking mga mata sa tamang lugar: “… talata 26.”
Binasa ko, “Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.”
Hindi na lamang ako may luha sa mga mata. Tiningnan ako ni Yannick nang may pagpapahayag ng pagkamangha sa kanyang mukha.
“Yannick, nangangahulugan ito na maaaring magbago ang iyong puso. Mabibigyan ka ng Ama sa Langit ng bagong puso.”
Nahirapan siyang sambitin ang sagot niya. “Paano? Sabihin mo sa akin kung ano ang kailangan kong gawin.”
Bigla na lang, isang lalaking handang sumuko ay handa na ngayong maniwala na kaya niyang magbago. Narinig ni Yannick ang pangako ng Panginoon sa banal na kasulatang iyon, sinasabi sa kanya na maaari niyang kalimutan ang kapaitan sa kanyang puso at patawarin ang mga nagkamali sa kanya.
Sa mga sumunod na buwan, unti-unting nagbago ang puso ni Yannick. Sinikap niyang patawarin ang mga taong nakasakit sa kanya at nagawang kalimutan ang marami sa kanyang kapaitan at galit. Nagtitiwala sa Ama sa Langit, kalauanan ay mas naunawaan niya ang tungkol sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagpapagaling at pagbabago ng mga puso. Makalipas ang higit sa 10 taon, muling nagsimulang magsimba si Yannick, tumanggap ng tungkulin, at bumalik sa templo. Tinanggap niya ang taos-pusong paanyaya na bumalik sa hapag ng Panginoon at sa wakas ay natamasa niya ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo.
Bagama’t si Yannick ang mismong may natutuhan tungkol sa mga pusong nagbabago, natuto ako ng mahahalagang aral para sa aking sarili. Nalaman ko na tinutupad ng Ama sa Langit ang Kanyang pangako na ang Kanyang mga missionary ay maaaring “sabihin … ang mga bagay na ilalagay [Niya] sa [kanilang] mga puso. … Sapagkat ibibigay … sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang [kanilang] sasabihin” (Doktrina at mga Tipan 100:5–6). Mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga missionary, gayundin ang mga tinuturuan nila, kung kaya binigyang-inspirasyon Niya ang isang missionary ng mismong banal na kasulatan na kailangan ng isa sa Kanyang mga anak upang hindi nito sukuan ang mga walang hanggang pagpapala.
Nalaman ko rin na nais ng Ama sa Langit na makipag-ugnayan sa atin at magagawa ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng mga banal na kasulatan.
Higit sa lahat, alam ko na maging ang pinakamatitigas na puso ay mababago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—si Yannick ay isang buhay na patotoo tungkol diyan.