2021
Pagtulong sa Iba na Matanggap ang Pagpapagaling ng Panginoon
Hunyo 2021


Pagtulong sa Iba na Matanggap ang Pagpapagaling ng Panginoon

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nagiging mahuhusay tayong tagapagpagaling kapag tumutulong tayo na maipadama ang pagpapagaling ng Panginoon sa mga may karamdaman na pisikal, mental, at espirituwal.

painting of woman with hands up

The Release, ni Jenedy Paige, hindi maaaring kopyahin

Isang araw ng Linggo nabasa ko ang talata sa banal na kasulatan na “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo; at alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 27:21; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Inisip ko, “Ano ba ang mga ginawa ni Cristo sa mundo?” Dalawang bagay ang unang naisip ko: paglilingkod at pagpapagaling. Magagawa kong maglingkod, pero makapagpapagaling ba ako? Natitiyak ko na hindi ko kayang magpagaling ng iba—o kaya ko ba?

Katatapos ko lang magpagaling sa operasyon na sinundan ng matinding allergy. Naisip ko kaagad ang mga tumulong sa akin habang nagpapagaling ako, na talaga namang napakarami. Kung natulungan nila ako na gumaling, hindi ko ba kayang gawin iyon sa iba?

Bawat isa sa atin ay maaaring matutong maging mahusay na tagapagpagaling.1 Tayo ay napaliligiran ng mga taong may karamdaman na pisikal, mental, at espirituwal na maaari nating matulungan.

Pagdalaw sa Maysakit

Nakalahad sa Mosias 4:26 “Nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan.”

Kapag may karamdaman tayo—pisikal, mental, o espirituwal man—nahihiwalay tayo sa mga tao. Maraming malungkot na oras ang ginugugol ng mga tao sa mga silid-tulugan o ospital habang nagpagagaling, at napakadali nilang panghinaan ng loob dahil dito. Sa pagtindi ng dilim, ang pagdalaw ng nagmamalasakit na kaibigan o kapamilya ay nagdudulot ng liwanag sa kanilang buhay.

Ang paraan ng pagdalaw natin sa maysakit ay mahalaga rin. Ilang kababaihan ang sumagot nang itanong ko kung paano sila tinulungan ng iba na gumaling. Sabi ni Judi ng Arizona, USA, “Ang pakikinig … [ay] napakalaking tulong sa mga panahong naliligalig tayo. Pakikinig at hindi panghuhusga.” Ang pakikinig nang matiyaga, tapat, at may pagmamahal ay malaking tulong sa mga nagsisikap na gumaling.

Ikinuwento ni Linda ng California, USA, kung paano nakatulong sa kanya ang pagdalaw ng kanyang kaibigan: “Naaalala ko ang mga espesyal na tao sa buhay ko—lalo na ang mga talagang nakinig at nagpadama ng magiliw na payo ng Espiritu. Mula nang mabiyuda ako sa edad na 30 na may limang maliliit na anak, lalo kong naramdaman ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit dahil sa mabait na kaibigan kong si Karen. Alam niya kapag may kailangan ako at handa siyang makinig sa mga sinasabi ko. Kahit kailan hindi ko nadama na nag-iisa ako dahil palagi niyang ipinapaalala sa akin na ako ay anak ng Diyos.”

Ang mga ministering brother at sister ay higit na makapagpapadama ng bisa ng pagpapagaling na ito. Mahalagang maging sensitibo sa mga pangangailangan ng mga nagdurusa. Kung minsan maikling pagbisita lang ang nararapat kapag pagod na pagod sila. Kung minsan naman ay nalulungkot at naiinip sila at makabubuti ang mas mahabang pagbisita. Mahalaga ring makibagay sa kanilang personalidad. May ilang mas gusto na mapag-isa at tahimik lamang samantalang may iba namang gusto na maraming kumakausap at sumusuporta. Dapat muna nating alamin ang kanilang mga pangangailangan at pagkatapos ay tumulong nang nararapat.

Pagpasan ng mga Pasanin ng Isa’t Isa

Mahusay na nailarawan ni Alma ang matibay na pangako natin na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas nang tanungin Niya ang mga nananampalataya sa Aklat ni Mormon kung nakahanda sila “na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at [maging handa na] magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan” (Mosias 18:8).

Bawat isa sa atin ay may iba’t ibang uri ng pasanin. Mas lalong mahirap kayanin ang mga ito kapag tayo ay maysakit o may karamdaman sa pag-iisip o problema sa espirituwalidad. Isa sa mabibisang nagpapagaling ay ang pagtulong sa pagpasan ng mga pasanin ng ibang nagdurusa.

Ikinuwento ni Shannon na taga Utah, USA, kung paano siya tinulungan ng kanyang mga kapitbahay: “Sa araw na inilibing namin ang aming batang anak na lalaki, nadatnan namin pag-uwi galing sa sementeryo na nagtipun-tipon ang aming mga kapitbahay habang nasa libing kami at ginawan ng panibagong landscape ang aming bakuran. Nagtanim sila ng magagandang palumpong, puno, at mga bulaklak, pati na mga bagong damuhan. Sa gitna ng aming hindi mailarawang kalungkutan, ang kanilang magiliw na pagpapakita ng pagmamahal at pagsuporta ay naging simula ng aming paggaling. Sa bawat taon, naipaalala sa amin na ang pagmamahal at buhay ay walang hanggan nang muling magkaroon ng sigla at buhay ang aming magandang bakuran. [Ito ay isang] sagrado at masimbolikong karanasan na hindi namin malilimutan kailanman.”

Nang masuri ako na may kanser sa suso, kasalukuyan akong naglilingkod noon bilang pangulo ng Relief Society at tumatakbong muli para sa aming city council. Nawalan ng trabaho ang aking asawa, at dumanas kami ng marami pang ibang mabibigat na pagsubok sa panahong ito. Tapat na sinunod ng aking mga tagapayo ang utos na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa” at naghanap ng iba pang makakatulong na magpasan sa aking pasanin. Inako ng aking bishop ang ilan sa aking mga responsibilidad. Ang asawa ko ang nag-asikaso ng pagluluto at pag-aayos sa bahay. Tunay na nakapagpapakumbaba na hindi inalis ang aking mga pasanin at sa halip ay pinagtulung-tulungang pasanin ito ng maraming tao, mga taong nagpakita ng kabaitan na nagpapagaling.

Nakapagbibigay ng kaaliwan

Itinuro rin ni Alma na ang mga tagasunod ni Cristo ay “nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9).

Ang pag-aliw ay kinapapalooban ng tapat na pakikiramay, kabaitan, pag-aalala, malasakit, pagmamahal, at kawanggawa. Ito ay pagyakap sa mga may karamdaman o nagdurusa nang may pagmamahal upang tulungan silang kayanin ang kanilang mga paghihirap.

Si Luann (binago ang pangalan) ay nakaranas ng problema sa espirituwal at moralidad at inalala ang mga ginawa ng mga tumulong sa kanya: “Hindi nila pinansin ang nakaraan ko at sa halip ay tiningnan ang posibleng mangyari sa akin sa hinaharap, ang potensyal na maging mas mahusay, mas matalino, at mas mabait. Kapag iniisip ko ang dati kong pagkatao, nanliliit ako kung minsan dahil sa aking kamangmangan—nahihiya dahil sa mga nagawa kong paglabag at masasamang gawi. Ngunit ang kirot na dulot ng kahihiyan ay laging nasusundan ng nagpapagaling na balsamo na biyaya, awa, kapatawaran, at pagmamahal. Kapag nakikita ko na may mga taong nakapalibot sa akin na saganang nagbibigay ng mga bagay na iyon, napapawi ang kirot. At nakikita kong tinutulungan nila ako na mapagaling. Marahil mas tumpak sabihin na lumilikha sila ng ligtas na kapaligiran para sa akin—marahil parang cocoon na mapagmahal na nakabalot sa akin—kung saan, sa loob niyon, ang Tagapagligtas, ang Dalubhasang Manggagamot, ay mapapagaling ako. Binabago ako. Binabago ang puso ko.”

painting of Christ with children

Detalye mula sa Balsamo sa Galaad, ni Annie Henrie Nader

Isang mahalagang bahagi ng pag-aliw sa may karamdaman ang ibaling sila sa Dalubhasang Manggagamot. Sabi ni Sabrina na taga Utah, “Walang pagpapagaling na hihigit pa kaysa sa tulong na nagmula sa sinuman na tutulong sa iyo na hanapin ang o bumalik sa Diyos. Maaaring isa lang itong paalala sa mga bagay na alam mo na—na pinipilit mong maging mas matibay kaysa kinakailangan, kinakaya ang lahat nang mag-isa, at hindi talagang umaasa sa Diyos.”

Kinakailangang maging sensitibo tayo sa Espiritu upang maaliw natin ang mga may karamdaman at matulungan sila na magkaroon ng magandang pananaw. May panahon sa buhay ko na hindi ako nakatulog nang mabuti nang maraming buwan, at kada gabi karaniwang dalawa o tatlong oras lang na paputul-putol na pagtulog ang nagagawa ko. Dumanas ako ng matinding pagkabalisa at pagkapagal; nagpasuri na ako sa maraming doktor pero wala pa ring nangyari. Sa huli, iminungkahi ng kaibigan ko na magpatingin ako sa isang doktor na Banal sa mga Huling Araw na kaagad na nagbigay sa akin ng tamang diagnosis. Ikinabigla ko ang sumunod na sinabi niya sa akin: “Merrilee, ang pinakamahalagang bagay na kailangan mong gawin ay ibaling sa Diyos ang lahat ng lumiligalig sa iyo.” Pagkatapos ay hinikayat niya ako na pagnilayan sandali araw-araw ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”

Sinubukan ko nang ilang beses ang pagninilay-nilay na ito pero walang nangyari, magkagayon man gustung-gusto ko pa ring mapagaling. Kinabukasan, tahimik kong pinagnilayan ang nakaaantig na mga salita, “Iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo.”2 Sumigla ang pakiramdam ko habang sinisimulan kong pagnilayan ang patotoo ng ating dakilang Manggagamot at alam ko na nakahanap ako ng aliw at kapayapaan sa aking kaluluwa.

Pag-uukol ng Atensyon

Sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan para matularan si Jesus sa Kanyang pagpapagaling, mababasa natin na paulit-ulit na ginagawa ni Jesus ang isang bagay: Pinag-ukulan niya ng pansin ang mga nakapaligid sa Kanya.

Pinansin ni Cristo ang mga tao. Nakipag-usap Siya sa babaeng taga Samaria kahit bawal ito sa kultura. Nag-ukol Siya ng panahon na basbasan ang mga bata. Kumain Siya kasama ang mga maniningil ng buwis at makasalanan at ginamot ang mga ketongin at mga taong itinaboy. Pinag-ukulan Niya ng pansin ang bawat isa.

Bilang mga tagasunod ni Cristo na naghahangad na makapagpagaling, simulan natin ito sa pagtingin sa mga tao kung paano sila tingnan ni Cristo. Maglaan tayo ng oras na batiin, ngitian, at kumustahin sila. Maaaring hindi natin malaman kung gaano makapagpapagaling ang ginagawa natin sa mga tao sa ating paligid na nalulungkot, balisa, maysakit, mahina, o nahihirapan. Kahit na ang simpleng pagpapakita ng pagmamahal ay may malaking epekto.

Sa paggawa natin ng gawain ni Cristo at pagtulong na pagalingin ang iba, malalaking pagpapala ang saganang darating. Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40). Sa Kanya na nagpagaling sa bawat isa sa atin, sa Kanya na iniyakap sa atin ang Kanyang mapagmahal na mga bisig nang mas maraming beses kaysa nalalaman natin, sa Kanya na nag-alok sa atin ng nagpapagaling na balsamo ng Kanyang Pagbabayad-sala, maiaalay natin ang ating mumunting pagsisikap na tumulong na mapagaling ang ating mga kapatid. Ito ang tunay na gawain ng mahusay na tagapagpagaling.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164.

  2. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Mayo 2017, sa loob ng pabalat sa harap.