2021
Paghihintay sa mga Stoplight ng Buhay
Hunyo 2021


Mga Young Adult

Paghihintay sa mga Stoplight ng Buhay

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Ang paulit-ulit na malaglagan ng anak ay parang magkakasunod na stoplight sa aking buhay, ngunit nang bumaling ako sa Panginoon, natanto ko na ang bawat kawalan ay may kalakip na kapayapaan, mabuting pananaw, at pag-unlad.

woman standing on tree-lined road

Mahigpit kong hinawakan ang manibela habang nakatingin sa red light. Nang sa wakas ay maging green light na ito, pinaandar ko na ang sasakyan at muli na namang naghintay sa isa pang tila walang katapusang stoplight. Mga 10 minuto pa bago ang lesson ng mga sister missionary na nagsimula na sana 5 minuto na ang nakararaan. Kung naging mas marunong akong ina, nahulaan ko sana ang 15-minutong pagwawala ng aking anak na magtatatlong taong gulang na nang paalis na kami, pero hindi gayon ang nangyari. Oo, patuloy pa rin naman ang mundo kung mahuhuli ako, ngunit dahil gusto kong gumawa ng isang bagay na mabuti, hindi ba’t marapat lamang na kahit paano ang ilan sa mga traffic light ay makisama sa akin? Habang naiinip na naghihintay sa isa pang stoplight, ang pagkadismaya ko ay unti-unting nauuwi sa galit. “Nagsisikap akong gumawa ng mabuti; sinisikap gawin ang pinakamahusay na kaya ko! Nasaan ang tulong na kailangan ko?”

Noong nakaraang dalawampung buwan, natagpuan ko ang aking sarili na tinatanong ang gayon ding bagay sa gayon ding sitwasyon, ngunit sa lugar na lubos na payapa at tahimik na wala roon sa stoplight.

Sa Sagradong Kakahuyan, sa Palmyra, New York, ang mga dahon ay bahagyang sumisibol sa kulay brown na mga sanga na nakapaligid sa akin. Ang bagong sibol na luntiang shrubbery na nagkalat sa lupa ay tila nagbibigay-buhay sa kapaligiran. Tanging ang pagaspas ng banayad na hangin, tunog ng aming stroller, at ang mga yabag ko ang narinig ko—walang mga sasakyan, walang kalsada, walang malakas na mga pag-uusap. Gayunpaman, sa kabila ng katahimikan, marami akong katanungan at pag-aalinlangan sa aking isipan. Kami ng asawa kong si Lance ay naghihintay noon sa loob ng nakababagot na 72 oras sa tawag ng aking doktor para sa mga resulta ng pahabol na ultra-sound at blood test. Desperado akong malaman ang resulta at mapanatag.

Pagtanggap ng Kaaliwan

“Sila ay dinalaw ng Panginoon ng kanyang Espiritu, at sinabi sa kanila: Maaliw. At naaliw sila” (Alma 17:10).

Natagpuan ko ang aking sarili na nakatitig sa mga latag ng bulaklak na nababad ng taglamig sa labas ng Palmyra New York Temple. Pinag-isipan ko nang husto ang mga tanong: “Kung mawawala sa akin ang sanggol na ito, bakit? Ano ang mangyayari pagkatapos?” Tulad ng banayad na hangin ng tagsibol sa aking paligid, ang Panginoon ay nangusap sa aking isipan ng kaaliwan at kapanatagan na hinahangad ko. Hindi ko na kailangan ang doktor para malaman ko; alam ko na mawawala sa akin ang sanggol na ipinagbubuntis ko, ngunit agad kong naunawaan na ang munting kaluluwang ito ay nasa perpekto at mapagmahal na mga kamay ng Ama sa Langit. Biglang-bigla, lahat ng dalamhati na nadama ko ay napalitan ng nakapapanatag na kapayapaan na nakatulong sa akin sa sumunod na mga linggo at buwan.

Paghihintay sa Green Light

“Noon ko pa pinasasalamatan ang maraming paraan ng pagdalaw sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng Mang-aaliw kapag kailangan ko ng kapayapaan. Subalit ang inaalala ng ating Ama sa Langit ay hindi lamang ang ating kapanatagan kundi higit pa rito ay ang ating pag-unlad.”1 —Pangulong Henry B. Eyring

Ilang araw pagkatapos pumunta sa Palmyra, nakunan ako na nagdulot ng matinding pighati sa akin. Bagama’t patuloy akong nakadama ng kapanatagan na nakatulong sa akin, ako ay pisikal at emosyonal na nanghina dahil sa pagkawala ng sanggol at hindi nakapaghanda sa paghihintay na kasunod nito. Una kong hinintay ang mga resulta mula sa laboratoryo, na nagpakita ng isang bibihira na partial molar pregnancy (o kumplikadong pagbubuntis kung saan bahagya o hindi nabuo ang embryo). Pagkatapos ay nagpa-blood test ako nang lingguhan, nang kada dalawang linggo, at sa huli ay nang buwanan para matiyak na walang palatandaan ng kanser. Kahit sa loob ng matagalang paghihintay, agad naming nakita ang impluwensya ng Panginoon na pinapanatag kami sa panahong iyon. Walang matagalang epekto ang partial molar pregnancy, at pagkaraan lamang ng anim na buwan sinabi ng doktor na maaari naming muling subukang magkaanak. Nakabalik ako sa landas patungo sa pag-unlad sa aking buhay; ang red light ay napalitan sa wakas ng green light.

Ngunit tatlong buwan pa lamang ang nakalipas at ilang blood test ang naisagawa, nakunan akong muli—sa pagkakataong ito ay isang linggo bago mag-Pasko. Tatlong buwan pa ang lumipas at nadagdagan ang pag-asa ko pagkatapos ng isang positive pregnancy test, para lamang makunan pagkaraan ng isang linggo—isa na namang stoplight.

Pagsubok sa Pananampalataya

“Kahit malakas ang ating pananampalataya, maraming balakid ang hindi maaalis. … Kung lahat ng oposisyon ay lilimitahan, kung lahat ng hirap ay aalisin, ang pangunahing mga layunin ng plano ng Ama ay mabibigo.”2 —Elder David A. Bednar

Muli akong nagdalang-tao, at manganganak ako sa mga araw na malapit sa Pasko sa susunod na taon. Maganda ang pakiramdam ko sa pagbubuntis kong ito. Nakita namin ang tibok ng puso sa unang ultrasound at alam namin na ipinagdarasal kami ng aming pamilya. Habang nakaupo kami isang araw sa endowment session sa templo, marami akong iniisip: “Kung mawawala sa akin ang ipinagbubuntis kong ito, mananatili pa rin bang malakas ang aking pananampalataya? Siyempre oo. Pero hindi na ako makukunan pa dahil sa pagkakataong ito handa na akong tanggapin ang kalooban ng Panginoon anuman ang mangyari.”

Sa kabila ng positibong pananaw ko, makaraan ang ilang linggo nakita ko na ang mga palatandaan, nagpa-ultrasound, at nadama kong muli ang hirap na naranasan ko noon. Ang aking pananampalataya ay hindi lubos na nanatiling malakas gaya ng inasahan ko. Ang mga sagot na nakatulong sa akin sa mga naunang hindi natuloy na pagbubuntis ay tila hindi sapat. Nakadama ako ng depresyon. Nakadama ako ng pighati, kahungkagan, at para akong nalinlang. Hindi lamang kami ng asawa ko ang naghihintay sa Panginoon; madalas sabihin ng aming anak na babae na gustung-gusto na niyang magkaroon ng kapatid na lalaki o babae. Nalungkot din kami para sa kanya. Nang idulog ko ang aking nasaktang damdamin sa Panginoon sa taimtim na panalangin, muli akong nakatanggap ng malinaw na patunay na nalalaman ng Ama sa Langit ang aking pighati at kalagayan at mahal Niya ako. Bagama’t gayon pa rin ang kalagayan ko, ang maganda at simpleng karanasang ito ay mahimalang nagpagaan ng aking pasanin at nagbigay sa akin ng kakayahan na makayanan ito at nakadama rin ng kaligayahan habang ipinagpapatuloy ang buhay sa araw-araw. Anuman ang mangyari sa hinaharap, magiging AYOS ako.

Nang bumalik ang genetic testing makalipas ang ilang buwan nang walang kasagutan, muli kaming nakadama ng kalituhan tungkol sa layunin ng mga pagsubok o problemang ito sa aming buhay. Sinikap kong isantabi ang sarili kong mga hangarin at iayon ang kalooban ko sa kalooban ng Panginoon, ngunit sa mahihirap na sandali sinasabi ng puso ko, “Ano ang dapat kong matutuhan dito? Sinisikap kong gumawa ng mabuti! Nasaan ang tulong na kailangan ko?”

Pagbabago ng Pagtugon Ko

couple walking and holding hands

“Ang paghihirap ay hindi nagbabago! Lahat tayo ay may mga hamon. Ang pagbabago ay ang ating pagharap sa mahirap.”3 —Elder Stanley G. Ellis

Walong buwan matapos ang pang-apat kong pagbubuntis na nakunan at ilang linggo lamang matapos ang nakakapagod na pagmamaneho papunta sa mga sister missionary, panatag akong naghihintay sa stoplight habang papauwi ng bahay nang dumating ang kasagutan sa akin. Habang minamasdan ko ang paghinto ng mga sasakyan sa tabi ko at ang mga sasakyan na tumatakbo sa unahan ko, nakita ko ang walang hanggang layunin ng aking buhay. Bigla kong napagtanto na ang pinakamahalaga sa aking paglalakbay ay ang manatili ako sa landas na magbabalik sa akin sa tahanan sa langit. Naghintay man ako sa maraming “stoplight” ay wala itong magiging epekto sa aking destinasyon. Ang paraan ng pagtugon ko sa mga ito ang makakaapekto.

Nagsimula kong pahalagahan ang lahat ng stoplight sa buhay ko, may sinisimbolo man ito o literal. Sa halip na isiping nasayang ang oras, ang bawat isa ay naging isang pagkakataon na magkaroon ng tiyaga at pananaw na darating lamang sa pamamagitan ng paghihintay. Tulad ng lahat ng pulang traffic light na may kaparehang berdeng light sa magkaibang direksyon, natuklasan ko na lahat ng stoplight sa buhay ko ay nagbubukas ng pagkakataon para umunlad, hindi nga lang kinakailangang ayon sa ipinlano ko noon. Sa halip na isipin ang mga kabiguan, nagsimula akong masiyahan sa pagkakataon na umunlad na dulot ng lahat ng hindi inaasahang pagbabago sa mga pangyayari.

Pagtutuon sa Tagapagligtas

“Ang mahalagang tanong na dapat pag-isipan ay ‘Saan natin itinutuon ang ating pananampalataya?’ Ang ating pananampalataya ba ay nakatuon lang sa hangaring mawalan na ng sakit at pagdurusa, o ito ba ay matibay na nakatuon sa Diyos Ama at sa Kanyang banal na plano at kay Jesus ang Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?”4 —Elder Donald L. Hallstrom

Dalawang taon ang nakalipas pagkatapos ako unang makunan, nagsilang ako ng maganda at malusog na sanggol na lalaki. Sa panahong iyon ng kagalakan sa aming pamilya, natanto ko na hindi nagdusa si Jesucristo para sa akin upang alisin ang lahat ng paghihirap sa aking buhay. Sa halip, nagdusa Siya upang ako ay mapalakas at umunlad mula sa mga pagsubok na nararanasan ko. Bagama’t ang malulungkot na sandali ng kawalan at maraming buwang paghihintay ay masakit pa ring alalahanin, ang mga iyon ay naging mahalagang alaala sa aking buhay. Sa mga sagradong sandaling iyon, naunawaan ko kung paano nalalaman ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga pagdurusa ko. Tinulungan Niya ako sa paraang tanging ang nakaaalam lamang ng aking kalungkutan ang makatutulong. Bagama’t madalas na hinahadlangan ng oposisyon sa buhay ang ating plano na umunlad, ginagamit ng Panginoon ang oposisyon para isulong tayo patungo sa mas dakilang layunin—pag-alam at pananatili sa Kanyang pagmamahal.

Mga Tala

  1. Henry B. Eyring, “Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo,” Liahona, Mayo 2017, 17.

  2. David A. Bednar, “Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon,” Liahona, Ago. 2016, 22.

  3. Stanley G. Ellis, “Nagtitiwala ba Tayo sa Kanya? Ang Mahirap ay Mabuti,” Liahona, Nob. 2017, 113.

  4. Donald L. Hallstrom, “Tumigil na ba ang Araw ng mga Himala?Liahona, Nob. 2017, 90.