2021
“Maganda” ang Pakiramdam sa Sarili: 3 Paraan para Madaig ang Pag-iisip ng Negatibo tungkol sa Sarili
Hunyo 2021


Mga Young Adult

“Maganda” ang Pakiramdam sa Sarili: 3 Paraan para Madaig ang Pag-iisip ng Negatibo tungkol sa Sarili

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang depresyon at pagkabalisa ay humantong sa pagkakaroon ko ng mahinang pangangatawan at masamang pagtingin sa sarili. Ngunit tatlong bagay ang nakatulong sa akin para muling mahalin ang aking sarili.

man looking at sunset

“Hindi ka kaaya-aya.”I

yon ang mga salitang nakasabit sa pader ng aking basement. Mayroong maliit na silid roon kung saan ako nag-eehersisyo, at kapag may pumapasok na hindi magagandang bagay sa aking isipan, isinusulat ko ang mga ito at idinidikit sa board. Ito ay paalala ng mga paghihirap na naranasan ko at ang dati kong sarili na iwinawaksi ko na.

Mahabang panahon ding sinabi ko sa sarili ko na hindi ako kaaya-aya. Nadaig ako ng depresyon at pagkabalisa, na humantong sa pagkakaroon ko ng mahinang katawan. Nawala ako sa aking sarili. Pakiramdam ko ay wala akong pakinabang. Pakiramdam ko ay wala na akong pag-asa. Naniwala ako na hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos at ng sinuman.

Bilang mga young adult, marahil marami sa atin ang nakadarama ng hindi maganda tungkol sa ating pag-uugali, mga talento, o sa aking sitwasyon, tungkol sa aking sarili. Kamakailan, hinamon ko ang aking sarili na maging tapat sa aking sarili, na matagal ko nang hindi ginagawa. Sa pagsusuri ko ng aking sarili, natagpuan ko ang ilang bagay na nagpasimula ng pag-iisip ko ng negatibo tungkol sa aking sarili na kinimkim ko sa mahabang panahon. Ngunit nakatuklas din ako ng tatlong paraan para madaig ang mga ito.

1. Alisin ang Pagkukumpara

Mayroon akong nabasa na sinabi ni Theodore Roosevelt, “Ang pagkukumpara ay magnanakaw ng kagalakan.” Sa mundo kung saan malayang naibabahagi ng lahat ang kanilang mga karanasan sa buhay sa pamamagitan ng social media, madalas akong maapektuhan ng mga hindi makatotohanang pagkukumpara ng aking sarili sa mga kaibigan, pamilya, at kilalang tao sa lipunan. Ang malalaking kakulangan ko ay naikumpara sa malalaking tagumpay ng iba, at dahil dito ay madalas kong madama ang aking kakulangan. Sa panahong ito ng pag-iisip ng negatibo tungkol sa aking sarili, natanto ko na kailangan kong baguhin ang pananaw ko.

Hindi muna ako gumamit ng lahat ng uri ng social media at nagsimulang pagsikapang mag-isip ng maganda tungkol sa sarili at makita ang mabuti sa ibang tao. Sa maikling panahon, nagsimulang magbago ang iniisip ko. Mabilis kong itinigil ang pagkumpara ng hindi magagandang katangian ko sa magagandang katangian na taglay ng iba na madalas kong gawin noon. Sa katunayan, nagsimulang ikatuwa ko nang lihim ang tagumpay ng iba! Ang paggawa nito ay kaagad na nagpaguho sa pader ng kapalaluan at inggit na naging ugali ko noon. At kasunod nito ay nagkaroon ako ng malinaw na pag-iisip at kakayahang makita ang mga bagay nang may walang hanggang pananaw.

2. Umayon sa Kalooban ng Diyos

Ang ating karanasan sa lupa ay hindi napahahalagahan kung minsan dahil sa katotohanang hindi tayo mga perpektong tao. Kalaunan ang pag-iisip ko ng negatibo tungkol sa aking sarili at sa aking katawan ay nakapinsala sa lahat ng aspeto ng aking buhay. Kapag lalo kong nararamdaman ang aking kakulangan, bumabaling ako sa mga pag-uugaling nakapipinsala sa halip na sa Panginoon. Ang mga pag-uugaling ito ay nagpadama ng kakulangan na napakatindi kung minsan kaya’t sa pakiwari ko ay walang kabuluhan ang aking buhay. Sa huli ang tanging mahihingan ko ng tulong ay ang Panginoon. Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagsisisi, sinikap ko na mas palaging magbasa ng mga salita ng mga propeta nang may layunin at manalangin na maunawaan ang nakapaligid sa akin nang may dalisay na mga mata.

Walang pagsubok na napakatindi kapag bumaling tayo sa Panginoon at tinanggap ang Kanyang kalooban, anuman ang kahihinatnan nito. Sa kabilang banda, magiging pabigat ang mga pagsubok kapag tinangka nating ipilit ang ating kagustuhan sa Kanyang kalooban. Sa pagtanggap ng Kanyang kalooban, lalo akong nakaunawa, at nagsimulang makita ang kahalagahan ko bilang tao sa halip na patuloy na mamuhay na iniisip ang aking kakulangan.

3. Magkaroon ng Ganap na Pag-ibig

Sa Moroni 8:16 sinabi sa atin na “ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot.” Ang ganap na pag-ibig ay pinakamakapangyarihang sandata na magagamit natin kapag iniharap natin ang ating sarili sa salamin at inunawa ang walang hanggang kahalagahan ng ating sarili at ng lahat ng tao sa paligid natin. Ito ay ang makita ang ating sarili kung sino tayo sa halip na magtuon sa ating mga kahinaan at kakulangan. Hindi ito batay sa panlabas na anyo. Ito ay pagpapatawad sa ating sarili at sa iba para sa mga pagkakamaling nagawa noon at pagsulong habang nakatuon ang mga mata natin sa liwanag ng walang hanggang kaluwalhatian.

Nalaman ko na hindi ako basta magmamahal; hahayaan ko muna itong manuot sa akin at maging bahagi ng aking pagkatao. Kapag naunawaan natin ang ganap na pag-ibig matatagpuan natin ang tunay na pagkatao ng Diyos—at pati na rin ang ating banal na pagkatao—at ang landas na nilikha Niya para sa atin.

Ang aking paglalakbay para mas lumusog ang aking isipan, katawan, at espiritu ay nagpalakas sa aking pananampalataya sa panahong itinakda ng Diyos at sa Kanyang walang hanggang pagmamahal sa akin. Kung minsan ay napakalungkot ko noon, pero nang itigil ko ang pagkukumpara ko ng aking sarili sa iba, iniayon ang aking kagustuhan sa kalooban ng Diyos, at natutuhang tunay na mahalin ang aking sarili, ang larawan ng aking walang hanggang tadhana ay napagtuunan ko at nakadama ako ng kapayapaan. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na makapangyarihan. Kapag nagdahan-dahan tayo at nag-ukol ng panahon na matuklasan ito, matutulungan Niya tayo na maging maganda ang tingin natin sa ating sarili, kahit sa pinakamalungkot na sandali natin.