Mga Young Adult
7 Mungkahi para Madaig ang Paggamit ng Pornograpiya
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Sa pagtulong ko sa mga young single adult na nagsisikap na madaig ang masimbuyong paggamit ng pornograpiya, nakatuklas ako ng ilang mungkahi na maaari ring makatulong sa iyo.
Nang ma-set apart ako bilang bagong bishop ng isang young single adult ward, may pila ng mga young single adult sa labas ng pinto ng aking opisina na naghihintay na makausap ako. Mahuhulaan mo ba kung ano ang tinalakay namin sa unang interbyu na iyon?
Pornograpiya.
At sa loob ng sumunod na tatlong taon, ang pagsisikap na matulungan ang mga young adult na madaig ang isang masimbuyong gawi ay naging malaking aspeto ng aking tungkulin, kaya alam ko na kailangan kong matutuhan ang lahat ng kaya kong matutuhan tungkol dito. Ako ay nag-ayuno, nanalangin, dumalo sa templo, humingi ng payo sa ibang lider, nagbasa ng lahat ng resource na makukuha ko, dumalo sa mga klase ng addiction recovery, at natuto mula sa mga nagsisikap na madaig ang adiksyon. Nais kong magbahagi ng ilang ideyang puno ng pag-asa tungkol sa natutuhan ko.
1. Tandaan na Ikaw ay Anak ng mga Magulang sa Langit na Nagmamahal sa Iyo
Kung nagsisikap kang madaig ang masimbuyong paggamit ng pornograpiya, maaaring maisip mong lumayo na lang sa Ama sa Langit dahil pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat sa pagmamahal o tulong hangga’t hindi mo ito nalulutas. Ito mismo ang nais ni Satanas—ang ihiwalay ka sa lahat ng taong nagmamahal sa iyo at isipin mong kaya mong madaig ang pornograpiya nang mag-isa at magiging karapat-dapat ka lang sa pagmamahal kung magawa mo ito.
Dahil sa iyong likas na kabanalan, palagi kang karapat-dapat na tumanggap ng pag-asa, inspirasyon, at personal na paghahayag mula sa Ama sa Langit at ng nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo na madaig ang pornograpiya.1 Huwag lumayo sa Kanila o sa mga taong nagmamahal sa iyo.
2. Alisin ang Kahihiyan
Natutuhan ko na ang pag-alis sa kahihiyan ay mahalaga sa pagdaig sa pornograpiya. Ang kahihiyan ay pakiramdam na para kang nasira, napinsala, o isang masamang tao. Ang paniniwala sa mga mapaminsalang ideya na ito tungkol sa iyong sarili ay maaaring bumihag sa iyo sa patibong ng adiksyon. Ang taos na paggigiyagis o kalungkutan para sa isang bagay na nagawa mo ay bahagi ng proseso ng pagsisisi at makatutulong sa iyo na baguhin ang iyong gawi. Ngunit ipinaparamdam sa iyo ng kahihiyan na ang iyong buong pagkatao ay masama at na hindi ka na makatatanggap ng tulong mula sa Tagapagligtas.2
Nais ng Ama sa Langit na mapuspos ka ng pag-asa kay Jesucristo at sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Palaging ipinapaalala sa iyo ng kahihiyan ang nakaraan at binibihag ka nito sa kumunoy ng mga kasinungalingan at pagkamuhi sa sarili. Mangyaring umiwas sa landas ng kahihiyan.
3. Huwag Kaagad Gamitin ang Bansag na “Adiksyon”
Binabansagan ng maraming tao ang kanilang mga sarili na “adik” sa pornograpiya. Binabalaan kita na huwag gamitin ang bansag na iyon nang hindi wasto. Karamihan sa mga kabataang nahihirapan sa pornograpiya ay hindi naman talaga lulong dito.3 At ang hindi wastong paggamit sa bansag na ito ay maaaring lalong magpahirap na wakasan ang paggamit ng pornograpiya dahil sa kahihiyan, kawalan ng pag-asa, at pagkamuhi sa sarili na dulot nito.
4. Lumikha ng Isang Nakasulat na Personal na Plano sa Pag-iwas
Ang personal na plano sa pag-iwas ay isang dokumentong may tatlong bahagi na makatutulong sa iyo na madaig ang pornograpiya.
Bahagi 1: Ilista ang mga bagay na nakauudyok sa iyo. Ang pagkaudyok ang unang hakbang sa landas na humahantong sa panonood ng pornograpiya.
Mayroong ilang uri ng mga bagay na nakauudyok:
-
Sitwasyon: mga kapaligirang nakauudyok dahil sa mga nakaraang ideya o gawi (tulad ng kapag ikaw ay nasa parehong silid o partikular na oras sa araw)
-
Stress/pagkabalisa/kalungkutan/hindi magagandang pangyayari: hindi magagandang damdamin o sitwasyon na nakauudyok sa iyo na bumaling sa pornograpiya para matakasan ang pagharap sa mga damdaming ito
-
Biswal: inosenteng pagkalantad sa isang bagay na hindi pornograpiko ngunit nakauudyok sa pamamagitan ng social media, mga pelikula, larawan, atbp.
Bahagi 2: Lumikha ng isang plano kung paano babawasan ang mga bagay na nakauudyok.
Halimbawa, kung may sitwasyon na nakauudyok sa iyo tulad ng pakiramdam na mahina ka kapag malalim na ang gabi, makatutulong na patayin mo ang iyong telepono 30 minuto bago ka matulog o matulog ka nang wala ang iyong telepono sa iyong silid. Kung ang pornograpiya ay isang paraan para makayanan mo ang mahihirap na damdamin, maghanap ng ibang paraan para mas makayanan mo ang mga damdaming ito. Maaari bang makatulong ang pag-eehersisyo o pag-inom ng gamot para mabawasan ang antas ng iyong stress o pagkabalisa? Maaari bang makabawas sa kalungkutan ang paglabas kasama ng mga kaibigan o pagdalo sa isang klase sa institute? Isipin kung ano ang bagay na nagpapahirap sa iyo at kung ano ang mga opsiyon na maaaring makatulong sa iyo.
Gayundin, huwag maliitin ang mga espirituwal na kasangkapan. Ang pananalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, paglilingkod, at pagdalo sa simbahan at sa templo ay mabibisang kasangkapan na mahalaga sa pagbabawas ng mga bagay na nakauudyok at pagtulong sa iyo na manatiling matatag.
Bahagi 3: Magplano kung ano ang gagawin mo kapag naudyukan ka. Para sa bawat bagay na nakauudyok, isulat ang iyong plano na binubuo ng maraming hakbang.
Halimbawa, kapag naudyukan ka, maaaring patayin mo kaagad ang iyong telepono, mag-text o tumawag ka sa isang tao, maglakad-lakad o mag-ehersisyo ka, magbasa ka ng Aklat ni Mormon, o gumawa ka ng iba pang bagay na maaaring makatulong na maibaling sa iba ang iyong isipan.
Magsulat ng mga hakbang na akma sa iyo! Kung minsan ay lilipas ang mga bagay na nakauudyok nang hindi na kailangang pagdaanan ang lahat ng hakbang sa iyong plano sa pag-iwas. Ngunit ang mga hakbang na ito ay makatutulong na maibaling sa ibang bagay ang iyong isipan kapag bigla kang naudyukan. Kapag lumipas na ang isang bagay na nakauudyok, i-update ang iyong plano sa pag-iwas batay sa kung ano ang gumana at kung paano ito maaaring baguhin para maging mas epektibo sa susunod. Ilagay ito sa lugar kung saan araw-araw mo itong makikita.
5. Unawain ang Kaibhan ng Pagkakamali at ng Pagbalik sa Adiksyon
Ang pagkakamali ay kapag may nagawa kang hindi maganda, ngunit bumangon ka kaagad at ginamit mo ang karanasang iyon para matuto at pagbutihin ang iyong plano sa pag-iwas. Ang pagbalik sa adiksyon ay kapag sumuko ka na, nalulong ka na naman sa isang aktibidad, at wala ka nang pakialam.
Dapat mong malaman na ang pagkakamali ay bahagi ng pagpapabuti ng iyong plano sa pag-iwas. Huwag mong isipin na naglaho na ang lahat ng iyong progreso o na walang nang halaga ang lahat ng nagawa mo—dahil mahalaga pa rin iyon. Dapat umasa ka nang may positibong pananaw at malaman mo na bawat araw ay palapit ka nang palapit sa paggaling.
Kapag nagkamali ka, tanungin mo ang iyong sarili:
-
Ano ang nangyari?
-
Ano ang naiiba sa bagay na ito na nakauudyok?
-
Na-stress ka ba nitong mga nakaraang araw? Ano ang mga emosyong nararamdaman mo?
-
Nagpahina ba sa iyo ang ilang araw na hindi pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
-
Hindi ka ba nakapag-ehersisyo nang mabuti nitong mga nakaraang araw?
-
Mayroon bang hakbang sa iyong plano sa pag-iwas na hindi nakatutulong?
-
Ano ang ibang bagay na maaari mong gawin sa susunod?
Isulat kung ano ang natututuhan mo at magpatuloy!
6. Maniwala sa Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas
Matutulungan ka ni Jesucristo sa proseso ng tumitinding pagsisisi, at may kapangyarihan Siyang bigyan ka ng lakas habang nagsisikap kang madaig ang pornograpiya. Nauunawaan Niya ang nararamdaman mo at naghihintay Siyang kunin ang pasaning iyon mula sa iyo. Huwag mong isipin na ang pagbaling sa Kanya ay nakadaragdag sa Kanyang pasanin. Nabayaran na Niya ang halaga para sa iyo. Sa halip, gawin ang lahat ng makakaya mo, mas lumapit sa Tagapagligtas, at hilingin sa Kanya na tulungan kang gumaling, na baguhin ang iyong mga ninanais, at na bigyan ka ng karagdagang lakas para sumulong.
Tulad ng itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung patuloy tayong magsisikap na malampasan ang ating mga pagsubok, pagpapalain tayo ng Diyos ng mga kaloob na pananampalataya upang gumaling at ng paggawa ng mga himala. Gagawin Niya para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili.”4
7. Huwag Itong Gawin nang Mag-isa
Ang koneksyon at pakikipagkaibigan ay maaari ring makapagbigay sa iyo ng lakas at makatulong sa iyo na magtagumpay. Dapat ay may isang taong makatutulong sa iyo na manatiling may pananagutan sa iyong sarili at sasama sa iyo sa hirap at ginhawa. Dapat suportahan ka niya nang walang panghuhusga. At maaari ka ring magbigay ng gayong suporta sa kanya. Humingi ng payo mula sa iyong mga lider sa Simbahan o kapamilya. At kung kailangan, matutulungan ka rin ng isang therapist o propesyonal na counselor sa kalusugang pangkaisipan na matuklasan ang mga ugat na dahilan kung bakit ka nahihirapan sa pornograpiya.
Alalahanin na Isa Ka sa mga Magulang at Lider ng Kinabukasan
Kabilang ka sa unang henerasyon na may 24/7 na access sa pornograpiya. Naniniwala ako na ang hamong ito ay nagiging sukdulan sa inyong henerasyon dahil magkakaroon kayo ng mas maiinam na kasangkapan at karunungan para akayin ang ibang tao palayo o palabas sa patibong na ito kapag naging mga magulang at lider kayo balang araw. “Hindi tayo inilagay ng Ama sa Langit sa lupa para mabigo kundi para magtagumpay nang maluwalhati.”5
Bagama’t ang mga mungkahing ito ay makatutulong sa iyong mga pagsisikap na madaig ang pornograpiya, huwag matakot na gumamit ng iba pang mga resource. Ang proseso ng paggaling ay nagkakaiba-iba sa bawat tao. Hanapin kung ano ang nakatutulong sa iyo. Huwag sumuko. Huwag magmadali. Magagawa mo ito. Talagang magagawa mo (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:13). At magiging katulad ka ng nararapat mong kahinatnan.