2021
Mga Aral na Natutuhan Ko mula sa Pagboboluntaryo sa Isang Refugee Camp
Hunyo 2021


Digital Lamang

Mga Aral na Natutuhan Ko mula sa Pagboboluntaryo sa Isang Refugee Camp

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Naglingkod ako sa pinakamalaking refugee camp sa Greece, at isa itong karanasang nakapagpapabago ng buhay.

lalaking hawak ang kamay ng isang matandang babae

Noong Nobyembre ng 2015, mula sa maginhawang kalagayan sa aking mainit na kama, pinanood ko ang isang video tungkol sa mapangwasak na krisis ng mga refugee na nagaganap sa Greece. Nang matapos ang video, nadama ko na parang sasabog ang dibdib ko. Alam ko kung ano ang kahulugan ng pamilyar na damdaming iyon. Nagkaroon ako ng pahiwatig, at makalipas ang ilang linggo, natagpuan ko ang sarili ko na pumapasok sa gitna ng nakakakilabot na pinakamalaking refugee camp sa isla ng Lesbos.

Tulad ng sinabi ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Pitumpu sa pangkalahatang kumperensya, “Ang katunayan ng mga sitwasyong ito ay kailangang makita upang mapaniwalaan.”1

Pinatototohanan ko na ito ay totoo.

Matapos ko mismong masaksihan ang mga hindi kapani-paniwalang kalagayan at mapag-aralan kung gaano kadelikado para sa mga refugee sa kampo na makarating doon nang buhay, tinanong ko ang isang lalaki mula sa bansang Syria kung bakit ganoon na lang ang isinugal niya upang makarating doon. Ang sagot niya sa akin ang tumapos sa aking walang muwang na kalituhan:

“Maaaring manatili kami at mamatay, o umalis kami at baka mamatay.”

Ang panahon ko sa refugee camp ng Moria ay isa sa pinakamahihirap na karanasan ko sa buhay, ngunit mabilis din itong naging isa sa mga pinakanagbibigay ng inspirasyon. Noong una hindi ko naisip na ang maliliit na gawaing ibinigay sa akin ay may nagagawa pang kaibhan para kahit kaninuman, ngunit naranasan ko mismo ang tunay at di-maikakailang kapangyarihan ng pagmamahal.

Ang Impluwensiya ng Pagmamahal

Isang hapon ay kausap ko si Ebrahim, isang bagong kaibigan mula sa bansang Iran. Gusto niyang malaman kung magkano ang ibinayad sa akin para tumulong sa kampo. Ngumiti ako at sinabi kay Ebrahim na isa akong boluntaryo. Hindi pa niya narinig ang salitang ito, kaya nagpaliwanag ako. Nagulat siya at pagkatapos ay tinanong kung magkano ang perang kinita ng aking team leader. Tumawa ako at sinabi ko sa kanya na lahat ng nasa kampong iyon ay mga boluntaryo.

Palagay ko ay kumalat ang balita, dahil mas marami sa mga bago kong kaibigan ang nagsimulang magkomento tungkol rito, at sinabing nagulat sila na tutulong kami sa kanila nang walang kapalit. Wala pa silang nakitang anumang katulad nito.

Matapos ang mga kakila-kilabot at di-makataong paraan ng pagtrato sa kanila, may katwiran silang mag-isip na walang tutulong sa kanila—lalo na ang mga estranghero. Marami ang nagsabi sa akin na wala silang anumang ideya kung ano ang mangyayari sa kanila sa oras na dumating sila sa lupang Europeo. Marahil ay lubhang nakagugulat na salubungin mula sa mga nagngangalit na alon ng dagat patungo sa mga bukas at nagmamalasakit na mga bisig at pang-emergency na mga kumot.

Hindi nagtagal ay may napansin akong isang bagay na nakatutuwa matapos nagsimulang kumalat sa kampo ang mga pag-uusap tungkol sa aming mga boluntaryo. Nagsimula akong tulungan ng mga refugee sa aking mga gawain! Nagsimula silang pumulot ng basura. Itinanong nila kung maaari silang tumulong gumawa ng maiinit na inumin at ihain ang mga ito sa mga napakalamig na magdamag. Tumulong sila sa pagtupi, pag-aayos, at pamamahagi ng mga ipinamigay na damit at pagtatayo at pagliligpit ng mga tolda. At sa aking pagkamangha, sa pagtatapos ng aking paglilingkod, halos walang anumang trabahong natitirang puwedeng ipagawa sa akin.

Hindi ako makapagbuhat ng mabigat na jug ng tubig nang walang lalaking nag-aalok na dalhin ito para sa akin. Hindi ako makahugas ng mga pinggan nang walang mga refugee na masayang nagsasabi sa akin na sila na ang gagawa ng mga ito. At hindi lamang ako makapagbukas ng isang basurahan na walang kawan ng mga batang lalaking nagmamadaling tumulong, halos tumigil na ang mga refugee sa pagtapon ng kanilang basura sa lupa!

Hindi maikakaila ang mga pagbabagong nasaksihan ko sa loob ng kampo.

Nang dumating ang malungkot na araw na kinailangan kong lisanin ang mga taong minahal ko nang husto, nakilala ako ng isang lalaki sa lantsa. Nilapitan niya ako upang pasalamatan ako sa ginawa ko, nang makita niya na isang mumurahing ticket lamang ang hawak ko. Iginiit niya na ipalit ko ang tiket ko para sa kanyang pinakamahal na tiket sa mahaba at 14 na oras na paglalakbay. Sinabi niya sa akin na ang makita ang mga halimbawa ng mga boluntaryo ay nagpabago sa kanya. Nais rin niyang tumulong sa iba, at ang pagpalit sa kanyang tiket ang pinakamainam na magagawa niya ngayon mismo.

“Sige na,” pagsusumamo niya. “Kung maaari po.”

Napuno ng luha ang aking mga mata nang masaksihan kong muli ang sunud-sunod na epekto ng tunay na paglilingkod at pagmamahal.

Napaka-walang muwang ko na isipin ang maliliit na tasa ng tsaa na inihahain ko ay hindi talaga gumagawa ng kaibhan para kaninuman.

Kailangan Natin ang Isa’t Isa

Salamat sa karanasang ito, natanto ko na tunay na kailangan tayo ng mga taong ito. Kailangan nila ang ating oras, kailangan nila ang ating mga donasyon, kailangan nila ang ating pagmamahal, at kailangan nila ang ating mga halimbawa. At kailangan din natin sila.

Napakaganda ng mundo kung sa halip na talikuran o iwan silang mag-isa sa kanilang bagong sitwasyon ay yayakapin natin sila tulad ng gagawin ng ating Tagapagligtas—nagpapakita sa kanila ng pagmamahal, pagiging kabilang, at pasasalamat, at ikinikintal sa kanila ang pagnanais na paglingkuran ang iba kapag kaya na nilang mag-isa.

Sa mga patuloy na krisis ng mga refugee sa buong mundo at sa magkakaibang paniniwala kung paano ito haharapin, madalas kong maalala ang alituntunin sa Mosias 4:19: “Sapagkat masdan, hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi? Hindi ba’t tayong lahat ay umaasa sa iisang Katauhan, maging sa Diyos, sa lahat ng kabuhayan na nasa atin, kapwa sa pagkain at kasuotan, at sa ginto, at sa pilak, at sa bawat uri ng lahat ng kayamanan na nasa atin?”

Dalangin ko na matanto natin balang-araw na lahat tayo ay mga pulubi. Kailangan nating lahat ng tulong sa buhay na ito, at naniniwala ako ngayon na inaasahan ng Ama sa Langit na matututo tayo mula sa di-maiiwasang pagdurusang nangyayari sa ating paligid sa mortalidad. Maaari tayong matutong mahalin at paglingkuran ang mga taong nangangailangan.

Ang mga karanasang tulad ng paglilingkod sa isang refugee camp ay magtutulot sa atin na maging mas mapagpakumbaba, mas maunawain, at mas mahabaging mga tao. At ibinibigay nito sa atin ang sagradong karangalan at pribilehiyong magbigay ng tulong sa ating mga kapatid at magkaroon ng tunay at perpektong pagmamahal para sa isa’t isa na tulad ng kay Cristo.

Batid ko na sapat ang pagmamahal ng Diyos sa mga refugee na iyon para ipadala ang ibang tao upang tulungan sila. Ngunit ngayon ay nauunawaan ko na mahal Niya rin ako upang hayaan akong matuto mula sa kanila.

Sa simula ng aking paglilingkod, pinanghinaan ako ng loob at dama kong wala akong silbi at lubos na naghangad na maaayos ko ang lahat ng problema, o mas marami pang magagawa maliban sa paghahain ng tsaa sa mga taong karapat-dapat. Pero kalaunan ay nasaksihan ko ang mas malalaking epekto ng ginagawa ko talaga roon. Ang tungkulin ko roon talaga ay—ang magpalaganap ng pag-asa, kabutihan, at liwanag sa mundong nagdidilim.

Lahat tayo ay anak ng mga magulang sa langit, at marami tayong magagawa upang tulungan ang isa’t isa, saanman tayo naroroon.

Tala

  1. Patrick Kearon, “Kanlungan Mula sa Bagyo,” Liahona, Mayo 2016, 111–114.