Binigyang-diin sa Pagsasanay ang Kahalagahan ng mga Council
Sa pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno noong Nobyembre 2010, kung saan ipinakilala ang mga bagong hanbuk ng Simbahan, binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang kahalagahan ng mga epektibong ward1 council sa pagtulong sa mga bishop na napakarami ang gawain at sa pagsasakatuparan ng mga gawain para sa kaligtasan.
“Hangad ng Handbook 2 na bawasan ang gawain ng bishop sa pamamagitan ng pagdaragdag sa tungkulin ng ward council at mga miyembro nito” sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Kabilang sa tungkuling ito ang pagtulong sa bishop “sa mahahalagang bagay sa buong ward” at sa “pagpapaaktibo at pagpapanatiling aktibo.”
Ang Kahalagahan ng mga Council
Sa pagsasanay noong Nobyembre, ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang Simbahan ay pangangasiwaan sa pamamagitan ng mga council sa pangkalahatan, sa area, sa stake, at sa ward” at na “sa bagong mga hanbuk [pinalawak nang husto] ang papel ng mga council sa Simbahan.”
Tinalakay ni Elder Cook ang tatlong pangunahing council sa ward na mahalaga sa pangangasiwa ng bishop sa mga gawain sa Simbahan at kung paano naaapektuhan ang mga council sa impormasyong nasa mga bagong hanbuk. Kabilang dito ang bishopric, ang priesthood executive committee, at ang ward council.
Gagampanan pa rin ng bishopric ang halos lahat ng dati nilang ginagawa. Bagama’t ang PEC ay patuloy na magpupulong nang regular at gagawin ang ilan sa mga bagay na dating ginagawa ng ward welfare committee, ipinahiwatig ni Elder Cook na marahil ay mababawasan ang oras ng mga pulong ng PEC dahil malamang na dumalas ang pulong ng ward council.
“[Pinalalawak] ng bagong hanbuk ang papel na gagampanan ng ward council sa ilalim ng pamamahala ng bishop,” sabi ni Elder Cook.
Pagpapalawak ng Tungkulin ng Ward Council
Pinalalawak ng mga hanbuk ang tungkulin ng ward council sa pagmumungkahi kung ano ang maaaring ipagawa ng bishop sa iba at pagpapalawak ng tungkulin ng mga miyembro ng council para matulungan siya.
“Ang pangunahing pinagsisikapan ng ward council ay ang mga gawain para sa kaligtasan sa ward,” sabi ni Elder Cook. “Maraming isyu ngayon ang tuwirang inilalapit sa bishop. Sana magbago ito kapag ipinagawa na sa iba ng mga bishop ang mas maraming bagay sa mga miting ng ward council at/o sa isang tao, kabilang na ang mga gawaing pangkapakanan, pagpapanatiling aktibo, at pagpapaaktibo ng mga miyembro” at iba pa.
Ipinaliwanag ni Elder Cook na bagama’t patuloy na pamamahalaan ng bishop ang “mga problemang nangangailangan ng hukom sa Israel,” sa pahintulot ng miyembrong hangad magsisi, maipapakatawan ng bishop sa iba “ang masinsinang pagpapayo na maaaring kailanganin” para matulungan ang mga miyembrong nagpapagaling mula sa adiksyon o nangangailangan ng tulong sa pananalapi, sa mga bagay na pampamilya, o iba pang mga problema.
“Ginagawa ng mga miyembro ng ward council ang halos lahat ng kanilang gawain sa labas ng ward council meeting,” sabi ni Elder Cook. “Nakikipagtulungan sila sa kanilang mga tagapayo at home teacher, visiting teacher, at iba pa sa pagtulong at pangangasiwa sa mga yaong … nangangailangan ng tulong.”
Hinikayat niya ang mga lider ng priesthood at auxiliary na tukuyin at desisyunan ang mga problemang angkop na malulutas sa korum o organisasyon upang mabawasan ang pasanin ng bishop at ward council.
Mahalaga ang Bawat Miyembro
Sa brodkast, ang kahalagahan ng tulong ng bawat miyembro ng council ay binigyang-diin ng panel na kinabibilangan nina Elder M. Russell Ballard, Elder Jeffrey R. Holland, at Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol; Elder Walter F. González ng Panguluhan ng Pitumpu, at Julie B. Beck, pangkalahatang pangulo ng Relief Society.
“Palagay ko may maling akala tayo na lahat ng paghahayag para sa ward ay kailangang dumating sa pamamagitan ng bishop,” sabi ni Elder Bednar. “Sa pamamagitan ng kanyang awtoridad, kailangan niyang tanggapin at kilalanin ito, ngunit hindi kailangang siya lang ang maging daan para matanggap ito.”
Binigyang-diin ni Elder Bednar ang kahalagahan ng pagkakaisa sa sandaling makapagpasiya ang nangungulong awtoridad upang makakilos ang council sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo.
Nagbabala si Elder Holland laban sa tendensiya ng kultura na balewalain ang halaga ng kababaihan sa mga council. “Kung minsan hindi natin gaanong inaanyayahan o hinihikayat … ang mga kababaihan na nasa council na siyang dapat nating gawin,” wika niya. “Kailangan natin ang tulong ng kababaihan.”
Binigyang-diin ng panel na ang mahuhusay na lider ay nakikinig.
“Ang kaloob na makahiwatig ay mas napapakinabangan kung nakikinig tayo sa halip na nagsasalita,” sabi ni Elder Bednar.
Idinagdag ni Elder Ballard na ang alituntunin ng pakikinig ay angkop sa bawat miyembro ng council at hindi dapat dominahin ng isang miyembro ang usapan.
“Kapag [ang] Espiritu ang pumatnubay sa sistema ng council sa Simbahan, susulong ang gawain, at mas marami tayong matutulungang anak ng ating Ama sa Langit,” sabi ni Elder Ballard. “Isang dakilang gawain ang pinagtutulungan natin.”