Mga Young Adult at Family Home Evening
Inilalaan ng mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ang Lunes ng gabi para sa family home evening. Tulad ng itinuro ng mga makabagong propeta, ang family home evening ay panahon “para sa aktibidad ng mga grupo, para magsaayos, magpakita ng pagmamahal, magbahagi ng patotoo, matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo, para sa kasiyahan at libangan ng pamilya, at higit sa lahat, para sa pagkakaisa at pagkakasundo ng pamilya.”1
Para sa sumusunod na mga young adult, dapat unahin ang family home evening. Hindi lahat sa kanila ay may mga magulang o kapatid sa bahay. Ang ilan ay nagdaraos ng family home evening kasama ang mga roommate o mga miyembro ng ward o mga kaibigan sa institute. Ang ilan naman ay naglalaan ng oras para idaos itong mag-isa. Ngunit nakikilala nilang lahat ang mga pagpapalang agad dumarating at darating pa sa kanilang buhay sa pagsunod sa payo ng mga propeta na makibahagi sa family home evening.
Isang Pagpapala sa Lahat ng Aspeto ng Buhay
Bilang nabinyagan at tanging miyembro ng Simbahan sa aking pamilya, dumadalo ako sa family home evening sa young adult center sa aking lungsod. Ang pakikibahagi sa family home evening ay mahalaga sa akin dahil natutuhan ko kung paano magturo sa maliit na grupo, mas naunawaan ko ang mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro sa akin noong sinisiyasat ko pa ang Simbahan, at nakita ko ang pag-unlad ng iba kapag nagtuturo o nagbabahagi sila ng kanilang patotoo.
Alam ko na mahahalagang kasanayan ang mga ito para sa aking hinaharap. Kapag may sarili na akong pamilya, malalaman ko kung paano gumawa ng epektibo at masayang family home evening dahil sa magagandang halimbawang nakita ko.
Ngunit ang family home evening ay mahalagang bahagi rin ng buhay ko ngayon. Kung minsan mas madali pang lumagi sa bahay sa Lunes ng gabi, lalo na kung masama ang panahon o marami akong pag-aaralan. Pero halos tuwing ganito ang sitwasyon ko, pumupunta pa rin ako sa family home evening dahil alam ko na mahalagang makasama ko ang ibang mga young single adult para pag-usapan ang ebanghelyo at magkatuwaan. Kahit kakaunti lang ang dumadalo, magandang karanasan pa rin ito.
Ang maganda sa family home evening sa young adult center ay iyong maaari kaming magpunta nang maaga o magpagabi para mag-aral, magpraktis ng pagtugtog ng piano, maglaro, o magrelaks lang—laging mayroong gagawin.
Alam ko na kapag masunurin ako at sinusunod ko ang payo ng propeta na makibahagi sa family home evening, pinagpapala ako. Napatunayan ko ito sa aking pag-aaral, sa aking trabaho, na binibigyan ako ng lakas para sa linggong darating, at kapag nakadarama ako ng sigla.
Lenneke Rodermond, Netherlands
Isang Pundasyong Pagtatayuan
Lumaki ako sa isang pamilyang regular na nagdaraos ng mga family home evening. Naaalala ko noong bata pa ako, mga family home evening ang isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa buhay ko, at masigla akong gumigising tuwing Lunes ng umaga at ipinapaalala ko sa mga magulang ko na may family home evening sa gabing iyon. Ngayong malaki na ako, kasama ko pa rin sa bahay ang mga magulang ko at patuloy kong ginugugol ang mahalagang sandaling ito sa piling ng aking pamilya bawat linggo.
Dahil laging nagdaraos ng family home evening ang pamilya ko mula pa noong bata ako, noon pa man ay nauunawaan ko nang mahalaga ito. Sa Korea, kung saan lubhang abala ang mga magulang at mga anak at bihirang magkasama ang pamilya, ang home evening ay isang magandang oportunidad para magkasama-sama at palakasin ang isa’t isa.
Ang isa pang pagpapalang nagmula sa mga pagsisikap ng mga magulang ko ay na nabigyan ako ng matatag na pundasyong pagsasaligan ko ng aking patotoo kay Jesucristo. Bagama’t natutuhan ko ang ebanghelyo sa simbahan, sa mga aralin sa family home evening ko talagang naunawaan ang mga alituntunin nito. Bunga nito, nagawa kong makapagsimba at umunlad sa ebanghelyo batay sa sarili kong pananampalataya at hindi sa pananampalataya ng mga magulang ko.
Hye Ri Lee, Korea
Isang Oportunidad na Maibahagi ang Aking Pananampalataya
Ako ay 24-anyos na binata na nagkaroon ng malakas na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil sa pagsunod sa payo ng propeta na magdaos ng family home evening. Bagamat ako lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya ko, matapos akong mabinyagan, naisip ko na mapapalakas kami ng family home evening, kaya’t nagpasiya akong simulan ito sa bahay namin.
Alam na ng buong pamilya na espesyal ang araw ng Lunes kapag nagtitipon kami upang pag-aralan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Kung minsan nilulutas namin ang mga problema sa pamilya o pinag-uusapan ang mga pagsubok, pangangailangan, o interes ng bawat kapamilya. Natutuhan ko kung paano talaga makipag-ugnayan sa aking Ama sa Langit at mapayuhan ng aking mga kapamilya nang may pagmamahal. Dahil diyan, lalo kaming nagkaisa, na isang malaking pagpapala.
Bukod pa riyan, ang family home evening ay nagpatibay sa pundasyon ng aking pamilya sa ebanghelyo ni Jesucristo, at nagsisiyasat na sila ngayon sa Simbahan. Katunayan, sumasama sa family home evening namin ang mga full-time missionary paminsan-minsan.
Alam ko na kapag ikinasal ako, pagpapalain ang pamilya ko sa pamamagitan ng family home evening, ngunit nagpapasalamat din ako na nagawa kong mahalagang bahagi ng buhay ko ngayon ang family home evening. Alam ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo at ang family home evening ay binigyang-inspirasyon ng Diyos.
Lebani Butawo, Zimbabwe
Nakagawian nang Unahin
Lumaki ako sa pamilya na regular na nagdaraos ng family home evening. Para makauwi sa tamang oras tuwing Lunes, diretso na kaming umuuwi mula sa eskuwela at hindi na nagpaplanong sumama pa sa mga kaibigan. Ang mga personal na gawain tulad ng homework, ay ginagawa pagkatapos ng family home evening. Wala na talaga kaming inuunang iba pa sa espesyal na oras na ito na magkakasama ang aming pamilya.
Naimpluwensyahan kami ng family home evening sa aming paglaki hindi lang dahil inuuna namin ito kundi dahil tulung-tulong kami sa pagsasagawa nito. Salitan kami sa pagbibigay ng aralin, paghahanda ng meryenda, at pagbibigay ng pambungad at pangwakas na panalangin. Hindi lang kami nakinig sa mga aralin kundi nagkaroon din kami ng mga pagkakataong magturo. Bunga nito, pinagpala akong magkaroon ng kaalaman at patotoo sa ebanghelyo at tumibay ang ugnayan ng pamilya.
Dahil nakagawian ko na ang family home evening sa buhay ko, inaasam ko ang mga pagpapalang idudulot nito kapag may sarili na akong pamilya.
Chieko Kobe, Japan
Isang Lunas sa Pangungulila sa Tahanan
Lumaki ako sa pamilya kung saan isang maningning na halimbawa ang aking mga magulang sa dalawang kapatid kong lalaki, kapatid na babae, at sa akin, at maraming pagpapala na ang natanggap ng aming pamilya dahil sa mga pagsisikap nila. Halimbawa, magkakasama kaming lumaki na malapit sa isa’t isa, bumabaling sa bawat isa sa mga panahon ng pangangailangan o pagsubok. At bagamat hindi aktibo ang ilan sa mga kapamilya ko, sumasali pa rin sila sa family home evening.
Tumira akong minsan sa Sydney, Australia, at nangulila ako nang husto sa pagtira sa lugar na napakalayo sa Ireland. Mapalad ako’t malapit ang tirahan ko sa meetinghouse ng Simbahan kung saan ako dumalo sa family home evening kasama ang iba pang mga young adult. Malaking pagpapala ito sa akin, at tuwing dadalo ako, hindi na ako nangungulila. Masayang makihalubilo sa mga kapwa miyembro sa payapang kapaligiran at kung saan nananahan ang Espiritu.
Linda Ryan, Ireland
Isang Bagay na Hindi Ko Pinanghihinayangan
Sumapi ako sa Simbahan noong Mayo 2009. Mula noon agad kong napahalagahan ang mga pagpapalang dulot ng palagiang pagdalo sa family home evening. Nangyari ang isang hindi malilimutang karanasan nang ang aming young single adult ward ay maglaro ng “chair soccer,” isang klase ng indoor soccer, sa cultural hall ng meetinghouse doon. Ang dapat gawin ay protektahan ang silya mo habang binabato mo ng bolang goma ang silya ng iba. Kumampi ako sa dalawa pang manlalaro; sa huli kaming tatlo na lang ang natira sa laro, at agad naming binalingan ang isa’t isa. Sa halip na mapikon, hindi namin napigilang magtawanan! Iyon ang pinakamasayang naranasan ko sa lahat, at alam ko na napakahirap maranasan iyan sa ibang lugar sa labas ng Simbahan. Lahat ay masaya, kahit hindi nanalo, pero hindi iyan ang dahilan kaya naging espesyal sa akin ang karanasang iyon. Ang talagang hindi ko malilimutan ay ang diwa ng pagkakaibigang nadama ko sa aktibidad.
Ang mga sandaling tulad nito ay nakakatulong upang maibsan ang hirap na nararanasan ko sa graduate school. Anuman ang nangyari sa buong linggo, alam ko na laging gaganda ang pakiramdam ko kung dadalo ako sa family home evening. Maaaring hindi ako laging natutuwa sa aktibidad at maaaring hindi ko laging gustong magpunta, pero hinding-hindi ko pinanghinayangan ang pagpunta ko.
Matt Adams, Nebraska, USA
Isang Prayoridad para sa Ating Lahat
Maraming paraan para magamit ko ang mga Lunes ng gabi, mula sa pakikibahagi sa mga organisasyon sa unibersidad hanggang sa iba pang isports at mga libangan. Pero lahat ng nakatira sa aming student house—na lahat ay Banal sa mga Huling Araw—ay nagpasiya na mahalagang magdaos ng family home evening, at gawin namin itong prayoridad. Pinili namin ang prayoridad na ito para palakasin ang isa’t isa sa panahong maituturing na mahirap ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pagbabahagi ng mga patotoo at karanasan sa isa’t isa ay lalong nagbigkis sa amin bilang mga young adult at magkakaibigan.
Ang family home evening ay isang pagkakataon sa buong linggo na maaasahan kong tumanggap ng espirituwal na kalakasan. Sa maraming pagkakataon pumupunta ako sa family home evening na may tanong sa isipan para lamang malaman ang mga sagot sa mga aralin o espirituwal na mensaheng ibinabahagi. Panahon din ito upang itakda at pag-isipan ang mga mithiing tutulong sa akin na umunlad.
Dahil nagpasiya na ako na laging magdaos ng family home evening, hindi ko ito itinuturing na sakripisyo. Alam kong iyon ang dapat kong kalagyan; iyon din ang gusto kong kalagyan.
Luc Rasmussen, Wales