Hindi na Makapaghintay ang Aking Ikapu
David Erland Isaksen, Norway
Sa mga huling taon ng pagiging tinedyer ko, nang sumama ako sa mga full-time missionary, natanto ko kung gaano kahalaga ang magkaroon ng patotoo sa mga alituntunin ng ebanghelyo na hindi magtatagal ay ituturo ko bilang misyonero. Nagpasiya ako na isa sa mga alituntuning nais kong higit pang maunawaan ay ang ikapu.
Maraming tao ang nagkakaroon ng patotoo sa ikapu sa mga panahong hirap sila sa pera. Ngunit habang lumalaki ako, laging sobra ang pera ko. Kung kailanganin ko man ng pera, mga magulang ko na ang bahala roon. Pinasalamatan ko iyon, at kahit alam kong sila ang gagastos sa aking misyon, ipinasiya ko na ako mismo ang tutustos sa kalahati ng gastusin ko sa misyon mula sa kita ko bilang part-time teacher.
Halos kasabay niyon, natanto ko na hindi pa ako nakabayad ng buong 10 porsyentong ikapu ko mula sa huling suweldo ko. Nagpasiya ako na sa susunod kong suweldo, babayaran ko ang kulang para maging full-tithe payer ako.
Gayunman, nang matanggap ko ang suweldo ko sa buwang iyon, kulang ito sa inasahan kong matanggap. Hindi regular ang oras ng pagtuturo ko, kaya paiba-iba ang suweldo ko buwan-buwan. Nalaman ko kaagad na hindi kakayanin ng suweldo ko ang lahat ng gastusin ko at hindi ko rin mababayaran ang kulang ko sa Panginoon sa ikapu mula sa nauna kong suweldo.
Pinag-isipan ko ang maaari kong gawin at naisip ko, “Kailangan kong bayaran nang buo ang lahat ng ikapu ko sa susunod na buwan.” Pero naalala ko ang isang araling itinuro sa institute of religion tungkol sa ikapu. Naalala ko lalo na ang sinabi ng Panginoon sa Lumang Tipan: “Subukin ninyo ako ngayon” (Malakias 3:10). Pagkakataon ko ito para subukin ang alituntuning iyon at magkaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa ituturo ko sa iba.
Nang magbayad ako ng ikapu, maganda ang pakiramdam ko na nakabayad ako. Pero ang pagkakataong “subukin” ang Panginoon ay dumating kinabukasan mismo—mas maaga at higit sa inaasahan ko—nang alukin akong maging full-time teacher sa kindergarten. Makakapagtrabaho ako hanggang sa bago ako umalis papuntang misyon, at ang kikitain ko ay sobra pang panustos sa kalahati ng gastusin ko sa misyon. Ang biyayang ito ay nagpalakas sa patotoo ko sa ikapu. Ang patotoong ito ay paulit-ulit na napalakas nang ibahagi ko ito sa mga taong pinaglingkuran ko sa Germany Munich/Austria Mission nang sumunod na dalawang taon.
Alam ko na ang alituntunin ng ikapu ay totoo at ang Panginoon ay tunay na “bubuksan [sa atin] ang mga dungawan sa langit” at magbubuhos ng pagpapalang napakarami “na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).