2011
Ang Ebanghelyo ay para sa Lahat
Pebrero 2011


Ang Ebanghelyo ay para sa Lahat

Noon pa man ay madalas kong isipin kung saan nagmumula ang tunay na kaligayahan. Pagkatapos ay natagpuan ko ito sa “malaking kahon.”

Noong 16 na taong gulang ako at nakatira sa Porto Alegre, Brazil, may kaibigan ang kuya ko na palaging nagpupunta sa aming tahanan. Isang araw sinabi ng kaibigang ito sa amin na may natagpuan siyang simbahan at gusto niya ang paraan ng pamumuhay ng mga miyembro nito.

Nagkuwento siya sa amin nang kaunti tungkol sa kanyang karanasan sa pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit hindi niya tiyak kung kami ng kuya ko ay “puwede sa simbahan.” Naisip niya na napakataas ng mga pamantayan ng Simbahan para sa amin ng kuya ko at baka hindi namin ito tanggapin.

Gayunman, ang kapatid naming babae ay isang mabuti at mabait na babae. Dahil sa mga katangiang ito, naisip ng kaibigan namin na baka maging interesado siya sa pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw, kaya’t tinanong niya ang aming ina kung maaaring sumama sa kanya ang kapatid naming babae sa aktibidad ng Simbahan.

Pumayag ang aming ina ngunit sa kondisyong sasama rin kami ng kuya ko. Mas maagap sa akin si kuya at kaagad na sinabing, “Ayoko!” Kaya’t ako ang nautusang sumama sa kapatid kong babae sa aktibidad.

Ayos lang sa akin. Naging interesado ako sa Simbahan simula nang una kong makita ang malaking kuwadradong kapilya sa tapat ng aking paaralan. Madalas kong makita ang mga tao na pumapasok at lumalabas sa simbahan, at napansin kong ang kalalakihan ay nakasuot ng puting polo at kurbata. Nagtataka ako kung ano kaya ang nangyayari sa loob “ng malaking kahon,” kapag naiisip ko ang gusaling iyon.

Ang Una Kong Aktibidad

Dumating kami sa simbahan ng kapatid kong babae kasama ang aming kaibigan. Sa loob, sa gitna ng isang malaking bulwagan o cultural hall ay may maliit na grupo ng mga tao: dalawang misyonera at may anim pang iba. Naglalaro sila ng isang karaniwang laro at masaya sa pagkain ng popcorn at pag-inom ng juice. Nagtatawanan ang lahat at nagkakasayahan.

“Sino ang mga taong ito,” pagtataka ko, “at bakit napakasaya nila?” Alam ko na siguradong hindi ito dahil sa nilalaro nila o sa kinaroroonan nila o sa pagkaing kanilang pinagsasaluhan. Napakasimple ng lahat ng iyon. Tila nagmumula sa kanilang kalooban ang kaligayahan.

Noon pa man ay madalas kong isipin kung saan nagmumula ang tunay na kaligayahan at ano ang magagawa ko upang matagpuan ito. Akala ko mula ito sa nakapananabik na mga aktibidad o pagbabakasyon sa kakaibang lugar o paghahangad sa lahat ng maibibigay ng daigdig. At nagpunta nga ako sa meetinghouse na iyon, kung saan napakaligaya ng mga taong ito kahit wala sa kanila ang alinman sa mga bagay na iyon. Nagkaroon ito ng matinding impresyon sa akin.

Pagkatapos ng aktibidad tumayo ang mga misyonera sa labasan para kamayan ang bawat isa. Nang nasa pinto na ang kapatid kong babae, itinanong nila sa kanya kung interesado siyang alamin pa ang tungkol sa Simbahan. Sabi niya, “Hindi, salamat na lang.” Ngunit talagang interesado ako. Nakadama ako ng “hangaring maniwala” (Alma 32:27), kaya’t nang anyayahan nila akong alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo, pumayag ako.

Hindi interesado ang mga magulang ko sa mga itinuturo ng mga misyonero o sa pagpapatuloy sa kanila sa aming tahanan, kaya’t nagpaturo na lamang ako sa meetinghouse. Nang sumunod na buwan nalaman ko ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo—kung ano ang nagpaligaya nang lubos sa mga taong iyon na nasa cultural hall. Nalaman ko na ang kaligayahan ay nagmumula sa paggawa ng nais ipagawa sa akin ng Panginoon, na nagmumula ito sa kalooban, at na maaari akong maging maligaya kahit ano pa ang nangyayari sa paligid ko. Ang doktrina ay “masarap para sa akin” (Alma 32:28). Gusto kong magkaroon nito sa buhay ko.

Isang buwan matapos ang unang aktibidad na iyon, nagpasiya akong sumapi sa Simbahan. Nang sumunod na mga taon, sumapi rin sa Simbahan ang mga magulang ko.

Mga Pagsubok Pagkatapos ng Binyag

Marami akong naranasang pagsubok pagkatapos ng aking binyag. Napakalaki ng mga pagbabagong kailangan kong gawin sa aking buhay. Bukod pa riyan, minsan nadarama kong wala akong mga kaibigan sa Simbahan, at nakatutuksong balikan ang mga dati kong kaibigan. Ngunit ang hangarin kong madama ang kagalakan—at ang pagkaunawa ko na maaari tayong maging maligaya anuman ang nangyayari sa ating paligid—ay nakatulong para patuloy akong bumalik sa simbahan. Alam kong hindi ko maaaring “isantabi ang [aking] pananampalataya” (Alma 32:36). Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ako ng mga kaibigan sa Simbahan na tumulong sa akin sa pagbabagong ito. At habang patuloy kong ipinamumuhay ang ebanghelyo, ang aking patotoo at kaligayahan ay lalong lumago (tingnan sa Alma 32:37).

Naituro ng karanasan ko sa pagbabalik-loob—sarili kong karanasan at ng iba—na maaaring maantig ng Espiritu ang kahit sino, kahit saan at walang ideyal na katangian para sa isang maaaring maging miyembro ng Simbahan. Kailangan nating lahat ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tayong lahat ay nasa proseso ng pagiging higit na katulad Niya.

Ang pagkaunawang iyan ay nakatulong sa akin bilang misyonero sa São Paulo, Brazil; bilang mission president sa Belem, Brazil; at bilang miyembro ng Simbahan. Nakatulong ito sa aming mag-asawa habang inihahanda namin ang aming mga anak sa paglilingkod bilang misyonero. Dalawa sa mga anak namin ang nakapaglingkod na sa full-time mission, at bago sila umalis, ipinaalala ko sa kanila na huwag husgahan ang mga tao sa kanilang anyo o sa paraan ng kanilang pamumuhay. “Huwag ninyong basta pabayaan na lang ang isang tao dahil sa tingin ninyo ay kakaiba sila,” ang sabi ko sa kanila. “Sikaping tingnan ang kanilang kalooban. Baka may isa pang Carlos doon.”

Nagpapasalamat akong malaman na tayong lahat ay mga anak ng Diyos at lahat—hindi iilang tao lamang—ay maaaring tumanggap ng kagalakan na nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Hindi tiyak ng kaibigan ng kapatid ko kung kami ng kuya ko (sa itaas) ay “puwede sa simbahan.” Ngunit interesado ako.

Si Elder Godoy bilang misyonero sa Brazil, 1982.

Mga paglalarawan ni Bryan Beach; mga larawan sa kagandahang-loob ni Elder Carlos A. Godoy