Mga Kabataan
Tingnan ang Gulong
Noong 15 anyos ako, umalis kami ng aming pamilya sa bahay namin sa Arizona para magbakasyon sa gitnang Estados Unidos. Maraming estado kaming naraanan, kabilang na ang Kansas, Texas, Arkansas, Missouri, at Illinois.
Naging maganda ang bakasyon namin. Natuto kaming maging masaya sa piling ng bawat isa sa mahahabang oras na nakasakay kami sa van sa pagdaan namin sa iba’t ibang lugar.
Nang huminto kami sa isang restoran isang gabi, sabik kaming lahat na makakain. Pagbaba namin sa aming van, bigla akong nagkaroon ng tahimik ngunit malakas na kutob na nagsabi sa aking tingnan ang gulong sa likuran ng aming van. Nagsimula akong maglakad papunta sa restoran, ngunit kinukutuban pa rin ako. Lumingon ako at pagkatapos ay tumigil. Pumasok sa isipan ko ang mga salitang: “Tingnan mo ang gulong sa likuran.” Napakalakas niyon kaya’t hindi ko iyon maipagwalang-bahala.
Nagpunta ako sa likuran ng van at nakarinig ng pagsirit ng hangin. Totoo nga, may butas ang kanang gulong namin sa likuran at malapit nang maubusan ng hangin. Tumakbo ako papunta sa tatay ko, na nakapasok na sa restoran kasama ang iba pang mga kapamilya namin.
Dinala ng tatay ko ang van sa isang istasyon ng gas bago ito tuluyang mawalan ng hangin. Dahil hindi naman nasira ang gulong, hindi mahal ang pagkumpuni at mabilis itong natapos. At ilang minuto lang ay nakumpuni na ang gulong bago nagsara ang istasyon ng gas sa gabing iyon. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari kung hindi ko pinansin ang paramdam. Ngunit alam ko na dahil tumugon ako, naipagpatuloy namin nang ligtas at maayos ang aming paglalakbay.
Mula nang mangyari iyon, lagi akong napapanatag sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at kung gaano tayo kapalad bilang mga miyembro ng Simbahan na magkaroon ng espesyal na linyang iyon ng pakikipag-ugnayan. Nagpapasalamat ako sa karanasang iyon, dahil lalalagi na iyon sa aking isipan, na habampanahong nagpapaalala sa akin na minamahal, pinangangalagaan, at binabantayan ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak.