Saan Kayo Dadalhin ng Inyong mga Kaibigan?
Nangyari na ba ito sa inyo? Nakaupo kayo sa simbahan at nakikinig sa tagapagsalita nang bigla kayong nakarinig ng ingay mula sa kisame. Sa laking gulat ninyo, bumukas ang bubong, lumantad ang maaliwalas na langit na bughaw, at nakikita ninyo ang mukha ng apat na lalaki na nakasilip sa kongregasyon. Bago ninyo namalayan, ibinababa na nila ang isa pang lalaki sa isang tiheras sa sahig ng kapilya.
Nangyari na ba ito sa inyo? Hindi siguro. Ngunit may nangyaring ganoon nang magministeryo ang Tagapagligtas.
Isang Mahimalang Paggaling
“Dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo” ang simula ng kuwento sa Lucas 5:18, “at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap [ni Jesus].” Ang problema lang ay hindi nila maipasok ang maysakit nilang kaibigan dahil punung-puno ng mga tao ang lugar! Maging ang mga pintuan ay naharangan na ng mga tao, at walang paraan para makapasok.
Sa sandaling ito sumuko na sana at nagsiuwi ang magkakaibigan. Pero hindi nila ginawa ito. Para na ninyong nakita ang kanilang pag-uusap: “Ano ang dapat nating gawin?” tanong ng isa. “May naisip ako,” sabi ng isa pa. “Umakyat tayo sa bubong, butasan natin ito, at ibaba natin siya sa sahig!” Para na ninyong nakita nang marinig ng maysakit sa puntong ito ang kakaibang mga planong ito at sinabing, “Ano ang gagawin ninyo?”
Nagpatuloy ang kuwento:
“Nagsiakyat sila sa bubungan ng bahay, at siya’y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.
“At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan” (Lucas 5:19–20).
Inisip ng mga eskriba at Fariseo na kalapastanganan ito, kaya sumagot si Jesus:
“Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?
“Datapuwa’t upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo” (Lucas 5:23–24).
Maganda ang wakas ng kuwento:
“At pagdaka’y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Dios.
“At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka” (Lucas 5:25–26).
Kung Nanghihina ang Inyong Espiritu
Marahil ay hindi pa kayo nakasaksi ng gayong pangyayari, ngunit may ilang paraan para maiangkop ang kuwentong ito sa inyong buhay. Maaari ninyong ilagay ang sarili ninyo sa katayuan ng taong maysakit. Kunwari’y nanghihina kayo—hindi sa pisikal kundi sa espirituwal. Saan kayo dadalhin ng inyong mga kaibigan? Siguro sa isang party o sine o sa ibang aktibidad, at hindi kayo makatutol—saan nila kayo dadalhin? Napakaganda ng aral na itinuturo sa atin ng kuwentong ito: Maaaring dumating ang araw na hindi kayo kasingtatag na tulad ng nararapat. Sa pagkakataong iyan kritikal ang pagpili ninyo ng mga kaibigan. Pumili ng mga kaibigang magdadala sa inyo kay Cristo. Hindi masusukat ang pagpapalang dulot ng pagkakaroon ng mga kaibigang magdadala sa inyo sa mas mataas na lugar.
Anong Klase Kayong Kaibigan?
Ngunit may isa pang paraan ng pagtingin sa talatang ito. Ilagay ang sarili ninyo sa katayuan ng mga kaibigan. Anong klase kayong kaibigan? Bagaman ang Tagapagligtas ang nagpagaling at nagpatawad sa lalaki, nararapat ding banggitin ang mga kaibigan. Mahal nila ang kanilang kaibigan at gusto nila itong tulungan. Hindi sila sumuko at umuwi nang mahirapan sila. Isipin ang galak na maaaring nadama nila nang sumilip sila mula sa bubong at makitang binuhat ng kanilang kaibigan ang higaan nito at lumakad ito! Isa pang aral iyan: Maging klase ng kaibigan na nagdadala ng mga tao kay Cristo. Ang mga kaibigang ito ay may lakas ng loob, matiyaga, at maparaan pa. Sa bawat salita, sa bawat kilos, sa bawat pagpili, maaakay ninyo ang mga tao sa Tagapagligtas, na makapagpapagaling sa atin hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal.