Mensahe ng Unang Panguluhan
Anong Laki ng Inyong Kagalakan
May ilang kagalakan sa buhay na mas matamis at mas nagtatagal kaysa pagkaalam na nakatulong kayo sa iba na itanim sa puso nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagkakaroon ng kagalakang iyon ay pagkakataon ng bawat miyembro ng Simbahan. Nang tayo ay binyagan, nangako tayong “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang [tayo] ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang [tayo] ay magkaroon ng buhay na walang hanggan”(Mosias 18:9).
Tinatanggap ng lahat ng miyembro ang bahagi nila sa utos na ibinigay sa Simbahan na dalhin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo, saanman sila nakatira at habang sila ay nabubuhay. Malinaw na sinabi ng Panginoon: “Masdan, isinugo ko kayo upang magpatotoo at balaan ang mga tao, at nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa” (D at T 88:81). Ang mga full-time missionary ay dapat magkaroon ng kakayahang turuan ang mga hindi pa miyembro ng Simbahan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat magkaroon ng kakayahang hanapin ang mga taong inihanda ng Panginoon para turuan ng mga misyonero.
Kailangan nating sumampalataya na inihanda na ng Panginoon ang mga tao sa paligid natin para turuan. Kilala Niya kung sino sila at kailan sila handa, at maaakay Niya tayo sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at ituturo ang ating sasabihin para maanyayahan silang magpaturo. Ang pangako ng Panginoon sa isang misyonero noong 1832 ay pangako rin Niya sa atin sa utos na maghanap tayo ng mga taong handa para maturuan ng mga misyonero: “Aking ipadadala sa kanya ang Mang-aaliw, na magtuturo sa kanya ng katotohanan at ng daan saan man siya magtutungo; at habang siya ay matapat, siya ay aking muling puputungan ng mga bigkis” (D at T 79:2–3).
At ang pangakong malaking kagalakan para sa matapat na misyonero ay atin din bilang matatapat na miyembrong nagbigay ng ating puso sa gawaing misyonero:
“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!
“Masdan, nasa inyo ang aking ebanghelyo, at ang aking bato, at ang aking pagliligtas.
“Humingi sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo, na nagpapahayag ng lahat ng bagay na kinakailangan ng mga anak ng tao” (D at T 18:16–18).
Bukod pa sa Espiritu Santo na tumutulong sa atin na makilala at maanyayahan ang mga taong handang maturuan, tumawag at nagsanay ang Panginoon ng mga lider na papatnubay sa atin. Sa isang liham na may petsang Pebrero 28, 2002, dinagdagan ng Unang Panguluhan ang responsibilidad ng mga bishop at ward sa gawaing misyonero.1 Sa tulong ng ward o branch council, gumagawa ng plano ang priesthood executive committee tungkol sa gawaing misyonero para sa ward o branch. Nasa planong iyan ang mga mungkahi kung paano makahahanap ang mga miyembro ng mga taong handang magpaturo sa mga misyonero. May isang taong tinawag bilang ward o branch mission leader. Ang mission leader ay nakikipag-ugnayang mabuti sa mga full-time missionary at sa kanilang mga investigator.
Napakaraming paraan para mas matugunan ninyo ang inyong personal na obligasyon na tumulong sa paghahanap ng mga taong tuturuan ng mga misyonero. Ang pinakasimpleng paraan ang pinakamainam.
Ipanalangin na mapatnubayan ng Espiritu Santo. Kausapin ang mga lider at misyonero sa inyong lugar, at hingan sila ng mga mungkahi at mangakong tutulong kayo. Hikayatin ang mga kasama ninyo sa gawaing ito. At patotohanan sa lahat ng oras sa inyong salita at gawa na si Jesus ang Cristo at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin.
Pinatototohanan ko na aakayin kayo ng Espiritu Santo sa mga taong naghahanap ng katotohanan kapag nanalangin at nagsikap kayo para sa patnubay na iyan. At alam ko mula sa sarili kong karanasan na magiging walang hanggan ang inyong kagalakan sa mga taong piniling tanggapin ang ebanghelyo sa kanilang puso at nagtiis nang may pananampalataya.