Nasaktan ng Aking Kaibigan
Natal’ya Fyodorovna Frolova, Netherlands
May isa akong kaibigan sa aking branch ng Simbahan sa Russia na palagi kong kasama sa lahat ng aktibidad ng Simbahan. Magkatulad kami sa maraming bagay, natutuwa akong makasama siya, at masaya akong magkaroon ng gayon kabuting kaibigan.
Ngunit may nangyaring kakaiba. Sa hindi ko malamang dahilan, labis niya akong nasaktan. Hindi siya humingi ng tawad, at itinigil ko na ang aming pagsasamahan. Ni hindi ko siya binati tuwing Linggo. Nagpatuloy iyon sa loob ng dalawang buwan. Nasaktan ako at nalungkot, ngunit hindi siya kumibo.
Pagkatapos ay nalaman ko na lilisanin niya ang aming lungsod. Hindi ko inisip na dapat manatiling gayon ang aming samahan; naisip ko na dapat kaming magkabati. Sa sandaling iyon naalala ko ang isang talata mula sa Aklat ni Mormon: “Magtungo kayo sa inyong kapatid, at makipagkasundo muna kayo sa inyong kapatid, at pagkatapos kayo ay lumapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at tatanggapin ko kayo” (3 Nephi 12:24).
Nahirapan akong magpakumbaba at maunang makipagbati, ngunit nagdasal ako at saka ko siya tinawagan. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya, at handa ako sa pinakamasamang mangyayari. Nagulat ako sa narinig ko.
Taos-puso siyang humingi ng tawad sa akin, at masasabi ko sa boses niya na nahirapan siya nang husto dahil sa kanyang ginawa—katulad ko. Higit sa lahat, naaalala ko ang isang pangungusap na tatlong beses niya inulit: “Natal’ya, salamat sa pagtawag!”
Napakasaya ko! Hindi nagtagal lumipat na siya ng lugar, ngunit naghiwalay kami na matalik na magkaibigan.
Ang matutuhang mahalin at patawarin ang bawat isa ay isa sa mga bagay na pinakamahirap nating gawin. Sa pagpapatawad—lalo na kapag hindi tayo ang may kasalanan—ay kailangan nating magpakumbaba at daigin ang ating kapalaluan. Natutuhan ko na kapag una tayong nagpatawad at nakipagbati, may maidudulot itong mabuti.