Mga Tanong at mga Sagot
“Pakiramdam ko ay nag-iisa ako sa simbahan. Paano ko madaramang kabilang ako?”
Habang mapanalangin mong sinisikap na mahanap ang sagot sa iyong tanong, alalahanin ang turong ito mula sa mga banal na kasulatan: kapag sumapi tayo sa Simbahan, tayo ay “hindi na mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal” (Mga Taga Efeso 2:19). Ibig sabihin dapat tayong maging mabait sa lahat sa simbahan. Tayong lahat ay anak ng Diyos na nagsisikap na sambahin Siya nang may pagmamahal at pagkakaisa.
Narito ang dalawang paraan upang madamang kabilang ka:
Kilalanin ang lahat ng tao anuman ang edad nila. Sa sacrament meeting, halimbawa, maaari kayong maupo sa tabi ng isang inang nag-iisa na may maliliit na anak. Maaari niyang ikatuwa ang tulong. O maaari mong malugod na batiin at kilalanin ang mga miyembrong bago sa inyong ward o branch. Kapag dumating ang mga batang 12-taong-gulang sa Young Men o Young Women, maaari kang maupo sa tabi nila. Nakakatuwang magkaroon ng mga kaibigang kaedad mo, ngunit kung makikipagkilala ka sa iba na iba’t iba ang edad at interes, mas marami kang pagkakataong magkaroon ng mga kaibigan.
Pumunta sa mga aktibidad ng iyong ward o branch. Mahirap pumuntang mag-isa, pero magkakaroon ka ng mga kaibigan sa pagpunta mo. Umupo sa tabi ng isang taong mag-isang nakaupo. Bumati at itanong sa kanya ang kanyang mga interes. Maaaring pagmulan iyan ng mabuting pagkakaibigan.
Makibahagi
Ilang buwan na ang nakalilipas nilisan ko ang aking bansa upang pumunta sa isang lugar na ang tanging kilala ko ay ang kapatid kong babae at ang kanyang kasintahan. Sa simbahan pakiramdam ko ay hindi ako kabilang. Lumipas ang dalawa o tatlong buwan, at dama ko pa rin ang gayong kalumbayan hanggang sa ipasiya kong ngumiti sa iba at magsabing, “Kumusta?” Sa paglipas ng bawat Linggo, nadaragdagan ang sinasabi nila sa akin maliban sa “Mabuti naman.” Nakatulong din ang partisipasyon sa seminary at Mutual at paggawa ng Pansariling Pag-unlad kasama ang iba pang mga dalagita. Ngayon panatag na ako sa simbahan, na para bang nasa amin ako.
Vanessa B., edad 17, La Vega, Dominican Republic
Kilalanin ang Iba
Ilang taon na ang nakalilipas ganyan din ang problema ko. Kaya ipinasiya kong magsikap na makihalubilo at ipakita sa mga tao ang tunay kong pagkatao. Nang makipagkuwentuhan ako sa iba, nakipagkuwentuhan na rin sila sa akin, at dahil dito ay naging matibay ang pagkakaibigan sa buong korum namin.
MacCoy S., edad 17, Utah, USA
Tulungan ang Iba
Alalahanin na lahat ng tao ay anak ng Ama sa Langit. Sikaping ngumiti at maging mabait sa lahat. Tulungan ang iba. Lapitan din ang mga taong nalulumbay. Kapag naglilingkod ako sa iba, natutuwa ako at hindi na nalulumbay. Kailangan din talagang dumalo sa seminary o institute. Nakadarama tayo roon ng pagtanggap at kabutihan. Huwag matakot na ibahagi ang iyong mga problema o alalahanin. Lahat tayo ay magkakapatid, at magkakatulad ang ating mga problema at pagsubok.
Igor P., edad 19, Kyiv, Ukraine
Simulan ang Pakikipag-usap
Dalawang taon na ang nakararaan nang lumipat ng bahay ang aking pamilya. Sa unang ilang linggo ng pagsisimba ko at pagdalo sa Mutual, dama kong nag-iisa ako. Pero araw-araw kong ipinagdasal na magkaroon ako ng mga bagong kaibigan at madama kong kabilang ako sa bago kong ward. Unti-unting napamahal at naging mahalaga sa akin ang ward na ito. Kinailangan kong maunang makipagkaibigan. Kinailangan kong simulan ang pakikipag-usap. Kinailangan kong lubos na makilahok sa mga klase at makinig sa sasabihin ng iba. Sa tulong ng Ama sa Langit, malalapit na kaibigan ko na ang mga taong hindi ko naisip kailanman na maging kaibigan ko.
Leah V., edad 16, Colorado, USA
Makipagkaibigan sa mga Hindi Mo Kaedad
Mas marami akong naging kaibigang mas bata sa akin at mga lider, kaysa mga kaedad ko. Alam kong darating ang araw na magiging kaibigan mo ang mga nasa Simbahan, at kung hindi, OK lang dahil matututuhan mo pa rin ang materyal ng Simbahan.
Susanna Z., edad 18, California, USA
Makipagkaibigan sa Iyong mga Lider
Dama kong nag-iisa ako sa simbahan sa loob ng maraming buwan. Nasiyahan ako sa mga miting at aktibidad, pero hindi ko talaga nadama na kasundo ko ang ibang mga dalagita. Pagkatapos ay sinimulan kong kausapin ang mga lider ko nang mas madalas kaysa dati. Nakakatuwa ang mga lider ko. Nang kausapin ko na sila, mas nadama kong kabilang ako sa programa at may mga kaibigan ako sa Mutual.
Kimberly G., edad 14, Arizona, USA
Ipagdasal na Magkaroon ng Mabubuting Kaibigan
Sa mga aktibidad ng Simbahan itinatanong ko sa aking sarili, “Bakit wala akong mga kaibigan?” Nalungkot ako at nalumbay at nanalangin ako sa Diyos. Hiniling ko sa aking Ama sa Langit na padalhan ako ng mabubuting kaibigan. Hindi ito naging madali, ngunit sa paglipas ng panahon nagkaroon ako ng maraming mabubuting kaibigan. Hindi na ako takot ngayon na makipag-usap at makihalubilo sa mga grupo ng mga dalagita. Napagtanto ko na sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin at hindi ako kailanman nag-iisa.
Daiana I., edad 16, Corrientes, Argentina
Maghanap ng Makakasama
Noong una akong pumasok sa Young Women, dama kong nag-iisa ako dahil naiwan ko ang mga kaibigan ko sa Valiant class. Gayunman, sinikap kong suportahan ang mga kabataang babae, at sinuportahan din nila ako, at nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan at nakihalubilo ako sa kanila. Hindi ko na nadamang nag-iisa ako, at dahil diyan ay naging maligaya ako. Ngayon ako ang president ng mga Beehive, at kapag nakikita kong hindi komportable sa amin ang isang bagong sister, kinakausap ko siya, ipinaliliwanag ko ang ginagawa namin sa klase, at ipinadarama ko na kabilang siya sa amin.
Gredy G., edad 14, Lima, Peru